TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Kung Paano Makikipagkompromiso
ANG HAMON
Magkaiba ang gusto ninyong mag-asawa tungkol sa isang bagay. Sa totoo lang, mayroon kang tatlong opsyon:
-
Puwede mong ipilit ang gusto mo hanggang sa masunod ka.
-
Puwede kang magparaya na lang sa gusto ng asawa mo.
-
Puwede kayong magkompromiso sa isa’t isa.
‘Pero ayokong makipagkompromiso,’ baka sabihin mo. ‘Parang pareho kaming hindi masusunod!’
Makaaasa kayong sa pakikipagkompromiso, hindi kailangang may matalo—hindi nga, kung gagawin ninyo iyon nang tama. Pero bago makipagkompromiso, may ilang mahahalagang bagay na dapat mo munang malaman.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Kailangan ang teamwork sa pakikipagkompromiso. Noong single ka pa, baka sanay kang ikaw lang ang nagdedesisyon. Iba na ngayon ang sitwasyon, at dapat na mas mahalaga sa inyong mag-asawa ang pagsasama ninyo kaysa sa inyong personal na kagustuhan. Sa halip na isiping problema iyon, tingnan ang bentaha nito. “Mas maganda ang resulta ng pinagsamang ideya ng dalawang tao kaysa sa ideya lang ng isang tao,” ang sabi ni Alexandra.
Kailangan ang bukás na isip sa pakikipagkompromiso. “Hindi kailangang sumang-ayon ka sa lahat ng sinasabi o opinyon ng asawa mo, pero dapat mo ring isaalang-alang ang kaniyang panig,” isinulat ng marriage counselor na si John M. Gottman. “Kung nakahalukipkip ka at iiling-iling sa iyong pagkakaupo (o sa isip mo pa lang ay kontra ka na) habang sinasabi sa iyo ng asawa mo ang isang problema, walang mararating ang pag-uusap ninyo.” *
Kailangan ang pagpaparaya sa pakikipagkompromiso. Walang taong gustong makisama sa isang asawa na may kaisipang “ang paraan ko ang pinakamabuti kaya ako ang dapat masunod.” Mas makabubuti kung pareho kayong may mapagsakripisyong saloobin. “May mga panahon na nagpaparaya ako sa mister ko para maging masaya siya, at gano’n din siya sa ’kin,” ang sabi ni June. “Ganiyan dapat ang mag-asawa—nagbibigayan at hindi lang tanggap nang tanggap.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Magsimula nang tama. Kung ano ang tono ng boses ninyo sa simula ng pag-uusap, kadalasan nang sa ganoon din ito matatapos. Kung masasakit na salita agad ang bibitawan mo, halos imposibleng magkasundo kayo. Kaya sundin ang payo ng Bibliya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng . . . habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” (Colosas 3:12) Makatutulong sa inyo ang mga katangiang iyan para maiwasan ang pagtatalo at maharap ang problema.—Simulain sa Bibliya: Colosas 4:6.
Mag-isip ng mapagkakasunduan. Kung nauuwi lang sa pagtatalo ang pagsisikap ninyong makipagkompromiso, iyan ay baka dahil sa masyado kayong nakapokus sa pagkakaiba ng inyong mga opinyon. Kaya tukuyin kung saan magkaayon ang mga iyon. Para magkasundo, subukan ito:
Gumawa kayong pareho ng sariling listahan na may dalawang kolum. Sa unang kolum, isulat kung aling bahagi ng isyu ang ayaw mong ikompromiso. Sa ikalawang kolum, ilista naman ang mga bagay na puwede mong ikompromiso. Pagkatapos, pag-usapan ninyo ang mga nasa listahan. Baka magulat kayo na marami pala kayong puwedeng mapagkasunduan. Kung ganoon, magiging madali na lang ang pakikipagkompromiso. Kahit di-magkaayon ang mga opinyon ninyo, makatutulong pa rin na ilista ang mga bahagi ng isyu para maging mas malinaw ito.
Pag-usapan ang posibleng solusyon. May mga isyu na medyo madaling solusyunan. Pero sa mahihirap na isyu, mapatitibay ng mag-asawa ang kanilang pagsasama kung magpapalitan sila ng ideya para makabuo ng solusyon na baka hindi maisip ng isang tao lang.—Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 4:9.
Maging handang baguhin ang opinyon mo. Sinasabi ng Bibliya: “Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Kung mahal ninyo at iginagalang ang isa’t isa, handa kayong makinig sa opinyon ng bawat isa—at magbago pa nga ng isip. Isang mister na nagngangalang Cameron ang nagsabi, “May mga bagay na hindi mo talaga ginagawa, pero dahil sa iyong asawa, nagustuhan mo na itong gawin.”—Simulain sa Bibliya: Genesis 2:18.
^ par. 12 Mula sa aklat na The Seven Principles for Making Marriage Work.