Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Bahay-Pukyutan

Ang Bahay-Pukyutan

ANG mga pukyutan (Apis mellifera) ay gumagawa ng bahay nila gamit ang pagkit na lumalabas sa mga glandulang nasa pinakailalim ng kanilang tiyan. Itinuturing na isang kamangha-manghang gawa ng inhinyeriya ang bahay-pukyutan. Bakit?

Pag-isipan ito: Daan-daang taon nang pinaniniwalaan ng mga matematiko na ang mga partisyong hugis hexagon ay mas mainam kaysa sa tatsulok o kuwadrado​—o anumang hugis​—para magamit nang husto ang espasyo at makatipid sa materyales sa pagtatayo. Pero hindi nila maipaliwanag kung bakit. Noong 1999, gamit ang matematika, pinatunayan ni Propesor Thomas C. Hales ang teoriyang ito. Ipinakita niya na ang paggamit ng hexagon ang pinakamainam na paraan para mahati-hati sa magkakaparehong sukat ang espasyo ng isang istraktura nang hindi nangangailangan ng maraming haligi.

Dahil hexagon ang mga partisyon, nagagamit nang husto ng mga pukyutan ang buong espasyo na maookupahan nila, nakagagawa sila ng magaan pero matibay na bahay nang hindi nangangailangan ng maraming pagkit, at nakapag-iimbak sila rito ng napakaraming pulot-pukyutan. Kaya naman hindi nakapagtatakang tawagin itong “isang obramaestra sa arkitektura.”

Sa ngayon, ginagaya ng mga siyentipiko ang bahay-pukyutan para makagawa ng mga istrakturang matibay at matipid sa espasyo. Halimbawa, ang mga inhinyero ng eroplano ay gumagamit ng mga panel na itinulad sa disenyo ng bahay-pukyutan para makagawa ng mga eroplanong mas matibay, magaan, at matipid sa gasolina.

Ano sa palagay mo? Ang mahusay na istraktura ba ng bahay-pukyutan ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?