ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Pagdurusa
Iniisip ng ilan na Diyos ang dahilan ng pagdurusa ng mga tao, o kung hindi man, wala siyang pakialam na nagdurusa tayo. Pero iyan ba ang itinuturo ng Bibliya? Baka magulat ka sa sagot.
Galing ba sa Diyos ang ating pagdurusa?
“Ang totoo, ang Diyos ay hindi gumagawi nang may kabalakyutan.”—Job 34:12.
ANG SINASABI NG MGA TAO
Sinasabi ng ilan na ang lahat ng nangyayari ay kalooban ng Diyos. Kaya naman naniniwala sila na galing sa Diyos ang pagdurusa natin. Halimbawa, kapag may nangyayaring likas na mga sakuna, iniisip nila na paraan ito ng Diyos para parusahan ang mga nagkasala.
ANG SABI NG BIBLIYA
Malinaw na itinuturo ng Bibliya na hindi galing sa Diyos ang ating pagdurusa. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na kapag may mga problema tayo, hindi tamang sabihin: “Ako ay sinusubok ng Diyos.” Bakit? Dahil “sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Ibig sabihin, hindi galing sa Diyos ang mga problema natin ni ang mga pagdurusang dulot nito. Kung gagawin niya iyon, lalabas na napakasama niya, pero “ang Diyos ay hindi gumagawi nang may kabalakyutan.”—Job 34:12.
Kung hindi galing sa Diyos ang pagdurusa, kanino o saan ito galing? Nakalulungkot, ang mga tao ay madalas na maging biktima ng kanilang kapuwa di-sakdal na tao. (Eclesiastes 8:9) Bukod diyan, maaari tayong mapahamak dahil sa mga “di-inaasahang pangyayari”—baka nasa maling lugar tayo sa maling panahon. (Eclesiastes 9:11) Itinuturo ng Bibliya na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” si Satanas na Diyablo, ang talagang pinagmumulan ng pagdurusa ng tao, dahil “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (Juan 12:31; 1 Juan 5:19) Kaya si Satanas—hindi ang Diyos—ang dahilan ng pagdurusa ng tao.
Naaapektuhan ba ang Diyos sa ating pagdurusa?
“Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.”—Isaias 63:9.
ANG SINASABI NG MGA TAO
Iniisip ng ilan na walang pakialam ang Diyos sa mga pagsubok na dinaranas natin. Halimbawa, ayon sa isang manunulat, “kitang-kita na walang awa [ang Diyos] pagdating sa mga pagdurusa natin.” Iginiit pa niya na kung talagang umiiral ang Diyos, “wala naman siyang pakialam at malasakit” sa mga tao.
ANG SABI NG BIBLIYA
Sa halip na ilarawan ang Diyos na walang-awa at walang-malasakit, itinuturo ng Bibliya na talagang nasasaktan ang Diyos sa pagdurusa natin—at na malapit na niyang wakasan ito. Tingnan natin ang tatlong nakaaaliw na katotohanan sa Bibliya.
Nakikita ng Diyos ang mga pagdurusa natin. Mula’t sapol, nakikita na ni Jehova * ang lahat ng pagdurusa ng tao, dahil pinagmamasdan niya ang lahat ng bagay. (Awit 11:4; 56:8) Halimbawa, nang pagmalupitan ang mga mananamba ng Diyos noon, sinabi niya: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan.” Pero bale-wala lang ba sa kaniya ang mga paghihirap nila? Hindi, dahil sinabi niya: “Nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” (Exodo 3:7) Marami ang napatibay nang malaman nilang nakikita ng Diyos ang lahat ng pagdurusa natin, kahit ang mga problema na hindi nakikita o lubusang nauunawaan ng iba.—Awit 31:7; Kawikaan 14:10.
May empatiya ang Diyos sa mga nagdurusa. Ang pagdurusa ng mga tao ay hindi lang nakikita ng Diyos na Jehova, kundi nasasaktan din siya dahil dito. Halimbawa, nabagabag ang Diyos nang dumanas ng mga pagsubok ang mga mananamba niya noon. “Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya,” ang sabi ng Bibliya. (Isaias 63:9) Kahit di-hamak na mas mataas ang Diyos kaysa sa tao, may empatiya siya sa mga nagdurusa—nadarama niya ang kirot na nadarama nila! Oo, “si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Bukod diyan, tinutulungan tayo ni Jehova na makayanan ang mga pagdurusa natin.—Filipos 4:12, 13.
Wawakasan ng Diyos ang lahat ng pagdurusa. Ayon sa Bibliya, wawakasan ng Diyos ang lahat ng pagdurusa ng bawat tao. Lubusang babaguhin ng Kaharian ng Diyos sa langit ang kalagayan ng tao. Tungkol sa panahong iyon, ipinangangako ng Bibliya na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Paano naman ang mga namatay na? Bubuhayin silang muli sa lupa at hindi na sila magdurusa. (Juan 5:28, 29) Maaalala pa ba nila ang mga pagdurusang naranasan nila? Hindi na. Dahil ipinangangako ni Jehova: “Ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.”—Isaias 65:17. *
^ par. 13 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi ng Bibliya.
^ par. 15 Para malaman kung bakit pansamantalang pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa at kung paano niya ito wawakasan, tingnan ang kabanata 8 at 11 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at