ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Ang Mesiyas
Inihula ng Bibliya na darating ang Mesiyas at ililigtas niya ang mga tao sa sakit, hirap, at kamatayan. Si Jesu-Kristo ba iyon?
Paano makikilala ng mga tao ang Mesiyas?
Ayon sa hula ng Bibliya, ang Mesiyas, o Kristo, ay gaganap ng dalawang magkaibang papel sa dalawang magkaibang yugto ng panahon. * Sa kaniyang unang papel, siya ay magiging tao. Para makilala siya, maraming inihula ang mga manunulat ng Bibliya tungkol sa kaniyang magiging buhay at ministeryo. Sa katunayan, ang “pagpapatotoo tungkol kay Jesus” ang pangunahing layunin ng mga hula sa Bibliya.—Apocalipsis 19:10.
Bilang tao, nagpakita si Jesus ng ilang halimbawa kung ano ang gagawin niya sa buong daigdig bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang
ANG SABI NG BIBLIYA Ang Mesiyas ay . . .
-
Magiging inapo ni Haring David.—Isaias 9:7; Lucas 3:23-31. *
-
Ipanganganak sa bayan ng Betlehem.—Mikas 5:2; Lucas 2:4-7.
-
Magiging tagapaghayag ng “mabuting balita.”—Isaias 61:1; Lucas 4:43.
-
Hahamakin at ituturing na walang halaga.—Isaias 53:3; Mateo 26:67, 68.
-
Ipagkakanulo kapalit ng 30 pirasong pilak.—Zacarias 11:12, 13; Mateo 26:14, 15.
-
Mananahimik sa harap ng mga nag-aakusa habang di-makatarungang hinahatulan ng kamatayan.—Isaias 53:6, 7; Mateo 27:12-14.
-
Magiging haing “kordero,” na mag-aalis ng kasalanan at tutulong sa mga tao na magkaroon ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos.—Isaias 53:7; Juan 1:29, 34, 36.
-
Papatayin pero walang isa mang buto ang madudurog.—Awit 34:20; Juan 19:33, 36.
-
Ililibing kasama ng mayayaman.—Isaias 53:9; Mateo 27:57-60.
-
Bubuhaying muli sa ikatlong araw.—Mateo 16:21; 28:5-7.
Natupad kay Jesus ang lahat ng hulang iyon at marami pang iba. Nagpagaling din siya ng mga maysakit at bumuhay ng mga patay. Kaya hindi lang niya pinatunayan na siya ang Mesiyas, kundi naglaan din siya ng matibay na basehan para manampalataya tayo sa mga pangako ng Bibliya na matutupad sa buong daigdig sa pamamagitan ni Jesus. (Lucas 7:21-23; Apocalipsis 21:3, 4) Matapos buhaying muli, si Jesus ay umupo sa “kanan” ng Diyos at naghintay hanggang sa dumating ang panahon para tapusin niya ang kaniyang atas.—Awit 110:1-6.
“Kapag dumating ang Kristo, hindi siya gagawa ng higit pang mga tanda kaysa sa ginawa ng taong ito, hindi ba?”—Juan 7:31.
Paano tatapusin ng Mesiyas ang kaniyang atas?
Noong panahon ni Jesus, inasahan ng mga Judio na palalayain sila ng Mesiyas mula sa pamamahala ng Roma at na maghahari siya sa isinauling kaharian ng Israel. (Gawa 1:6) Nang bandang huli na lang naunawaan ng mga Judiong tagasunod ni Jesus na sa langit niya tatapusin ang kaniyang papel bilang makapangyarihang espiritung nilalang na pinagkalooban ng napakalaking awtoridad.—Mateo 28:18.
ANG SABI NG BIBLIYA Sa pagganap ng Mesiyas sa kaniyang ikalawang papel . . .
-
Mamamahala siya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, isang pandaigdig na gobyerno.—Daniel 7:13, 14; Apocalipsis 11:15.
-
Magiging pagpapala siya sa lahat ng taong nananampalataya sa kaniya.—Genesis 22:17, 18; Awit 72:7, 8.
-
“Gugulatin niya ang maraming bansa” at ang mga tagapamahala nito kapag dinurog niya sila dahil sa kanilang pagsalansang.—Isaias 52:15; Apocalipsis 19:19, 20.
-
Ililigtas niya tungo sa mapayapang mundo ang isang “malaking pulutong” ng matuwid na mga tao mula sa lahat ng bansa.—Apocalipsis 7:9, 10, 13-17.
-
Bubuhayin niyang muli, kasama ng Diyos na Jehova, ang mga patay sa Paraisong lupa.—Lucas 23:43; Juan 5:21, 28, 29.
-
Ituturo niya sa kaniyang mga sakop ang daan ng tunay na kapayapaan.—Isaias 11:1, 2, 9, 10.
-
Aalisin niya ang kasalanan, na siyang pangunahing dahilan ng sakit at kamatayan.—Juan 1:29; Roma 5:12.
-
Sisirain niya sa wakas ang mga gawa ni Satanas at pagkakaisahin ang lahat ng tao sa ilalim ng pamamahala ng Diyos na Jehova.—1 Corinto 15:25-28; 1 Juan 3:8.
Tinupad ni Jesus ang kaniyang unang papel bilang Mesiyas. Tutuparin din niya ang kaniyang ikalawang papel bilang pagtatapos. Kaya pinag-aaralang mabuti ng marurunong ang tungkol sa Mesiyas, dahil sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.”—Juan 14:6.
“Sa kaniyang mga araw ay sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan. At magkakaroon siya ng mga sakop . . . hanggang sa mga dulo ng lupa.”—Awit 72:7, 8.