Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Praktikal Pa Ba ang Bibliya sa Ngayon?

Praktikal Pa Ba ang Bibliya sa Ngayon?

‘Sa buong buhay ko, ngayon lang ako naging masaya.’

MAHILIG si Hilton sa boksing. Pitong taon pa lang siya, nakikipagsuntukan na siya—sa loob at labas ng ring! Noong nasa high school, naggagala silang magkakaibigan at naghahanap ng sinumang mabubugbog. “Nagnanakaw ako, nagsusugal, nanonood ng pornograpya, nambabastos ng mga babae; at kahit mga magulang ko, minumura ko,” ang sabi niya. “Para sa mga magulang ko, wala na akong pag-asang magbago. Pagkatapos ng high school, lumayas ako sa ’min.”

Nang bumalik si Hilton makaraan ang 12 taon, hindi makapaniwala ang mga magulang niya! Mahinahon na siya ngayon, may pagpipigil sa sarili, at magalang. Ano kaya ang nagpabago sa kaniya? Habang wala siya sa poder ng kaniyang mga magulang, napag-isip-isip niya kung saan papunta ang buhay niya. Binasa rin niya ang Bibliya at tiningnan kung makatutulong ito sa kaniya. Sinabi niya: “Ikinapit ko ang mga nababasa ko sa Bibliya, gaya ng pag-aalis ng lumang personalidad at pagsunod sa Efeso 6:2, 3, na igalang ang mga magulang. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako naging ganito kasaya! Napasaya ko rin ang mga magulang ko; di-tulad noon na puro sama ng loob ang ibinibigay ko sa kanila.”

Ipinakikita ng kuwento ni Hilton na praktikal pa rin ang mga pamantayan ng Bibliya at may kapangyarihang magpabago sa buhay ng tao. (Hebreo 4:12) Tingnan natin ang ilan sa mga pamantayang iyan—katapatan sa kapuwa, pagpipigil sa sarili, katapatan sa asawa, at pag-ibig—at kung paano pinagaganda ng mga iyan ang buhay natin.