Digital Technology—Ginagamit Mo Ba Nang Tama?
Naaadik si Jenni sa paglalaro ng isang video game. “Inaabot na ako nang walong oras araw-araw sa paglalaro nito,” ang sabi niya, “at talagang problema na ito.”
Sinubukan ni Dennis na huwag gumamit ng gadyet at Internet sa loob ng pitong araw. Tumagal lang siya nang 40 oras.
Hindi tin-edyer sina Jenni at Dennis. Si Jenni ay 40 anyos at may apat na anak. Si Dennis ay 49.
GUMAGAMIT ka ba ng digital technology? * Marami ang sasagot ng oo, at hindi naman kataka-taka dahil malaki ang naitutulong ng mga electronic device sa trabaho, pakikipag-ugnayan sa iba, at sa paglilibang.
Pero gaya nina Jenni at Dennis, marami ang nagbababad sa paggamit ng digital technology. Halimbawa, sinabi ng 20-anyos na si Nicole: “Nakakahiyang sabihin pero hindi kami mapaghiwalay ng cellphone ko. Dapat, lagi itong nasa tabi ko. Mababaliw ako ’pag walang signal, at maya’t maya ay kailangan kong i-check kung may message ako. Grabe talaga!”
May ilan pa nga na magdamagan kung mag-check ng mga message at update. Kapag nahiwalay sa kanila ang kanilang gadyet, baka dumanas sila ng mga withdrawal symptom. Inilalarawan ng ilang mananaliksik ang paggawing ito bilang isang uri ng
adiksiyon—maaaring sa digital technology o sa Internet o sa isang uri ng gadyet, gaya ng smartphone. Ayaw namang gamitin ng iba ang terminong “adiksiyon” at sa halip ay inilalarawan iyon bilang isang problema, di-mapigilang paggawi, o obsesyon.Anuman ang itawag dito, ang di-tamang paggamit ng digital technology ay makasasamâ. Sa ilang kaso, nakasisira ito ng ugnayan ng magkakapamilya. Halimbawa, ganito ang nasabi ng isang 20-anyos na dalaga: “Wala nang alam ang daddy ko tungkol sa nangyayari sa buhay ko. Lagi na lang siyang nakaupo sa sala at nag-e-e-mail habang kausap ako. Hindi niya mabitiwan ang phone niya. Siguro mahal naman niya ako, pero minsan hindi ko maramdaman.”
“Digital Detox”
Para matulungan ang mga naaadik sa digital technology, ang mga bansang gaya ng China, South Korea, United Kingdom, at Estados Unidos ay nagtayo ng mga “digital detox” center, kung saan ang mga pasyente ay hindi pinagagamit ng Internet at mga electronic device sa loob ng ilang araw. Bilang halimbawa, ang 28-anyos na si Brett ay nagsabing dumating siya sa puntong naglalaro siya ng online game nang hanggang 16 na oras araw-araw. “Kapag naglalaro ako online, para akong naka-drugs,” ang sabi niya. Noong pumasok si Brett sa isang digital detox center, wala na siyang trabaho, napabayaan na ang sarili, at wala nang mga kaibigan. Paano mo maiiwasang mangyari iyan sa iyo?
SURIIN ANG PAGGAMIT MO NG DIGITAL TECHNOLOGY. Pag-aralan kung paano nakaaapekto sa iyong buhay ang digital technology. Tanungin ang sarili:
-
Nababalisa ba ako, o naiinis pa nga, kapag hindi ko magamit ang Internet o gadyet ko?
-
Gumagamit pa rin ba ako ng Internet o ng gadyet kahit lampas na sa oras na itinakda ko?
-
Napupuyat ba ako dahil lagi kong tinitingnan kung may message ako?
-
Napapabayaan ko na ba ang aking mga kapamilya dahil sa paggamit ko ng digital technology? Sasang-ayon kaya sila sa sagot ko?
Kung dahil sa digital technology ay napapabayaan mo na ang “mga bagay na higit na mahalaga”
MAGTAKDA NG MAKATUWIRANG LIMITASYON. Anumang bagay, kahit mabuti, ay makasasamâ kung sobra. Ginagamit mo man ang digital technology para sa trabaho o sa paglilibang, magtakda ng limitasyon at sundin iyon.
Tip: Magpatulong sa kapamilya o kaibigan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, . . . sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.”
Huwag hayaang mauwi sa “adiksiyon” ang atraksiyon
Habang nagiging mas madali at mas mabilis ang pag-access at pag-transmit ng data dahil sa bagong mga gadyet, tiyak na darami ang gagamit ng digital technology sa maling paraan. Pero huwag hayaang mauwi sa “adiksiyon” ang atraksiyon. Kung gagamitin mo ang iyong panahon sa matalinong paraan, maiiwasan mo ang maling paggamit ng digital technology.
^ par. 5 Sa artikulong ito, ang “digital technology” ay tumutukoy sa mga electronic device na ginagamit sa pag-access o pag-transmit ng digital data, lakip na ang mga e-mail, tawag sa telepono, text message, video, music, games, at picture.