Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SULYAP SA NAKARAAN

Al-Khwarizmi

Al-Khwarizmi

KAPAG inaalam ng mga tao ang kanilang timbang o kinukuwenta ang kanilang pinamili, marami ang gumagamit ng numerong Hindu-Arabe. Bakit ito tinawag na “Hindu-Arabe”? Lumilitaw na ang makabagong sistema ng mga numero na 0 hanggang 9 ay nanggaling sa India at nakarating sa Kanluran sa pamamagitan ng mga iskolar noong Edad Medya na nagsusulat sa wikang Arabe. Pangunahin sa mga ito si Muhammad ibn-Musa al-Khwarizmi. Si al-Khwarizmi, na malamang na isinilang noong mga 780 C.E. sa tinatawag ngayong Uzbekistan, ay binansagang “dakilang idolo ng matematikang Arabe.” Bakit siya tinawag nang gayon?

“IDOLO NG MATEMATIKANG ARABE”

Nagsulat si al-Khwarizmi tungkol sa praktikal na gamit ng mga decimal. Nilinaw din niya at pinalaganap ang isang pamamaraan ng paglutas sa ilang problemang pang-matematika. Ipinaliwanag niya ang pamamaraang ito sa kaniyang aklat na The Book of Restoring and Balancing. Ang salitang al-jabr sa pamagat nito sa Arabe, Kitab al-jabr wa’l-muqabala, ang pinagmulan ng salitang Ingles na algebra. Ayon sa manunulat ng siyensiya na si Ehsan Masood, ang algebra ay “ang nag-iisang pinakaimportanteng kasangkapang naimbento sa matematika, at isa na sumusuporta sa bawat pitak ng siyensiya.” *

Pero “para sa napakaraming henerasyon ng mga estudyante sa high school, sana’y hindi na nag-abala [si al-Khwarizmi],” ang biro ng isang awtor. Magkagayunman, sinabi ni al-Khwarizmi na ang tunguhin niya ay ipaliwanag ang mga pamamaraan para mapasimple ang pagkukuwenta sa kalakalan, hatian ng mana, pagsusurbey ng lupa, at marami pang iba.

Makalipas ang ilang siglo, si al-Khwarizmi ay hinangaan ng mga matematikong taga-Kanluran na gaya nina Galileo at Fibonacci dahil sa kaniyang malinaw na paliwanag tungkol sa mga equation. Dahil sa mga paglalarawang ito ni al-Khwarizmi, nabuksan ang daan para sa higit pang pag-aaral sa algebra, arithmetic, at trigonometry. Sa tulong ng trigonometry, nakalkula ng mga iskolar na taga-Gitnang Silangan ang sukat ng mga anggulo at gilid ng mga tatsulok at napasulong ang pag-aaral ng astronomiya. *

Algebra: “Ang nag-iisang pinakaimportanteng kasangkapang naimbento sa matematika”

Ang mga sumunod sa mga pamamaraan ni al-Khwarizmi ay nakaimbento ng mga bagong mapaggagamitan ng mga decimal fraction at ng mga bagong pamamaraan para matukoy ang area at volume ng isang bagay. Naunang ginamit ng mga arkitekto at tagapagtayo sa Gitnang Silangan ang makabagong pamamaraang iyon kaysa sa mga taga-Kanluran, na nakaalam lang nito noong panahon ng Krusada. Sa kanilang pag-uwi, dinala nila ang kaalamang ito, at natulungan sila ng mga bihag na edukadong Muslim at mga dayuhan para maipalaganap ito.

LUMAGANAP ANG MATEMATIKANG ARABE

Sa kalaunan, isinalin sa Latin ang mga akda ni al-Khwarizmi. Ang Italyanong matematiko na si Fibonacci (c. 1170-1250), na tinagurian ding Leonardo of Pisa, ang kinikilalang nagpalaganap ng mga numerong Hindu-Arabe sa Kanluran. Natutuhan niya ang mga ito nang maglakbay siya sa Mediteraneo at nang maglaon ay isinulat niya ang aklat na Book of Calculation.

Inabot pa nang ilang siglo bago makilala ang mga paliwanag ni al-Khwarizmi. Pero ngayon, ang kaniyang mga pamamaraan at ang matematikang kaugnay ng mga ito ang pinakapundasyon ng siyensiya at teknolohiya, pati na ng komersiyo at industriya. ▪

^ par. 5 Sa modernong algebra, ang mga numerong di-alam ay tinutumbasan ng mga letrang gaya ng x o ng y. Ang isang halimbawa nito ay ang equation na x + 4 = 6. Kung babawasan ng 4 ang magkabilang panig ng equation, makikitang ang katumbas ng x ay 2.

^ par. 7 Mga Griegong astronomo ang nanguna sa pagkalkula ng mga gilid at anggulo ng mga tatsulok. Ginamit ng mga iskolar na Muslim ang trigonometry para matukoy ang direksiyon ng Mecca. Gusto ng mga Muslim na nakaharap sila sa Mecca kapag nananalangin. Ayon sa tradisyon, kailangang ilibing ang mga patay nang nakaharap sa Mecca at dapat humarap sa Mecca ang mga mataderong Muslim kapag nagkakatay ng hayop.