Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Pag-asa Para sa Mahihirap at Walang Tirahan

Pag-asa Para sa Mahihirap at Walang Tirahan

Si Joe ay beteranong sundalo sa Estados Unidos. Dahil sa ilang trahedya sa buhay, mga 18 taon na siyang walang tirahan. Minsan, sinimulan niyang pumunta sa isang pampublikong aklatan, kung saan nakakausap niya ang librarian. Ang mga pag-uusap na iyon ang nagpabago sa buhay niya.

Nadama ni Martín, isang kabataan sa Argentina, na may kulang sa buhay niya. Parang wala itong layunin. Kaya naglayas siya at nang maglaon ay napilitang manirahan sa tabing-dagat. Pero sa halip na makita ang kasagutan sa kaniyang mga tanong, nadepres siya. Umiiyak siyang nagmakaawa sa Diyos: “Kung totoo po kayo, tulungan n’yo akong makilala kayo.” Ano ang sumunod na nangyari? Tingnan natin.

MARAMING dahilan kung bakit nawawalan ng tirahan ang mga tao. Ang ilan, gaya ni Joe, ay dumanas ng trahedya sa buhay. Tinalikuran naman ng iba, gaya ni Martín, ang “normal” na buhay dahil para daw itong walang-kabuluhang rutin. At mayroon ding nawawalan ng tirahan dahil sa kahirapan, sakuna, karahasan sa pamilya, pag-abuso sa droga o alak, sakit sa isip, kakulangan ng abot-kayang pabahay, o kawalan ng trabaho.

Dati, ang kawalan ng tirahan ay problema lang ng papaunlad na mga bansa o mga lugar na apektado ng digmaan o pagbagsak ng ekonomiya. Pero “kamakailan, isa na itong pangunahing problema ng lipunan sa mauunlad na bansa,” ang sabi ng propesor ng sikolohiya na si Paul Toro. * Nakadaragdag din sa problema ang di-epektibong mga patakaran ng gobyerno may kinalaman sa pagtulong sa mga dukha at ang lumalaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.

Marami ang nag-aalala tungkol sa kinabukasan. Pero nabawasan ang kabalisahan ng ilan nang malaman nila ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hinaharap—isang paksang tatalakayin sa artikulong ito. Matutulungan din tayo ng Bibliya sa ngayon dahil sa magagandang simulain nito—mga simulaing tutulong para mapabuti ang kalagayan ng ating kabuhayan at emosyon, gaya ng napatunayan nina Joe at Martín.

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANIYANG BUHAY

“Mukhang matalino, mabait, at mapagpakumbaba si Joe,” ang sabi ni Cindi na nagtatrabaho sa aklatang pinupuntahan ni Joe. Dahil Saksi ni Jehova si Cindi, binigyan niya si Joe ng mga magasing Bantayan at Gumising! Inanyayahan din niya ito na dumalo sa isang Kristiyanong pagpupulong. Doon, pinakitunguhan si Joe nang may kabaitan at respeto, kung kaya regular na siyang dumadalo. Pumayag din siyang makipag-aral ng Bibliya sa isa sa mga lalaki sa kongregasyon.

Dahil sa pag-aaral ng Bibliya, nagkaroon si Joe ng paggalang sa sarili

Gumaan ang loob ni Joe dahil sa mga natututuhan niya. Sinimulan niyang sundin ang mga turo ng Bibliya, kahit kinailangan niyang gumawa ng malalaking pagbabago. Halimbawa, natutuhan niya na ang buhay ay regalo ng Diyos at dapat itong pahalagahan, at na nagpaparumi sa katawan ang paninigarilyo. (Awit 36:9) Kaya naman itinigil niya ang paninigarilyo, bilang pagsunod sa simulain sa 2 Corinto 7:1: “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman.” Siyempre pa, hindi lang nakabuti sa kalusugan ni Joe ang desisyong ito, nakatipid pa siya ng pera!

Sineryoso ni Joe ang payo ng Bibliya na gawin ang buong makakaya para paglaanan ang ating mga pangangailangan sa materyal, kaya nagsimula siyang maghanap ng trabaho. * (1 Tesalonica 4:11, 12) “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal,” ang sabi ng Eclesiastes 2:24. Ang kasiyahang iyan ay resulta rin ng pagkakaroon ng respeto sa sarili, dahil ang marangal na pagtatrabaho ay nagbibigay sa atin ng dignidad. At matutulungan pa natin ang mga nangangailangan.—Efeso 4:28.

Dahil nakita nilang taimtim si Joe, “malugod siyang tinanggap ng kongregasyon,” ang sabi ni Cindi, at “may mga tumulong sa kaniya na makakuha ng angkop na tirahan at iba pang benepisyo.” Patuloy na sumulong si Joe at nang maglaon ay nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova. Ngayon, naikukuwento niya ang kaniyang karanasan kapag pinasisigla niya ang iba na kumuha ng karunungan mula sa Diyos na matatagpuan sa Bibliya.—Kawikaan 3:13, 14.

MAY LAYUNIN NA ANG KANIYANG BUHAY

Beinte anyos pa lang si Martín, inaalam na niya ang layunin ng buhay. “Sinubukan ko ang iba’t ibang relihiyon at pilosopiya at gumamit ako ng droga,” ang sabi niya, “sa pag-asang mapunan ang kalungkutan ko, pero bigo ako.” Tumira siya sa California, E.U.A., nang sandaling panahon at saka lumipat sa Hawaii. “Akala ko natagpuan ko na ang paraiso,” ang sabi niya. Sa kabila ng magandang tanawin, parang may kulang pa rin. “Dumanas ako ng matinding depresyon,” ang sabi niya, “at naisip ko pa ngang magpakamatay.” Sa puntong ito, umiyak siya nang umiyak at nagmakaawa sa Diyos, “Kung totoo po kayo, tulungan n’yo akong makilala kayo.”

Positibo na ang pangmalas ni Martín sa buhay

Naalaala ni Martín na may nakita siyang karatulang “Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.” Pumunta siya roon para dumalo ng Kristiyanong pagpupulong. “Pumasok ako kahit balbas-sarado ako, mahaba ang buhok, at ilang buwan na akong hindi nagpapalit ng damit,” ang sabi niya. “Pero malugod pa rin akong tinanggap.” Pumayag si Martín na makipag-aral ng Bibliya at regular siyang naglalakad mula sa kaniyang “bahay” sa tabing-dagat patungo sa plaza para mag-aral doon ng Bibliya.

Sa wakas, unti-unting nasagot ang mga tanong ni Martín. Kaya naman, hindi na siya nadedepres at naranasan niya ang kasiyahang binanggit ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.

“Manghang-mangha ang mga tao sa mga pagbabagong ginawa ko”

Kitang-kita ang bagong pangmalas ni Martín sa buhay habang sinusunod niya ang mga simulain sa Bibliya na nakatulong din kay Joe para magkaroon ng direksiyon ang kaniyang buhay. Inasikaso ni Martín ang kaniyang sarili, at sa tulong ng mga Saksi, nakakita siya ng trabaho at matitirhan. “Dati, kilalá ako bilang palaboy sa plaza,” ang sabi niya, “pero ngayon, manghang-mangha ang mga tao sa mga pagbabagong ginawa ko.”

Nang maglaon, bumalik si Martín sa Argentina at nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova. Ngayon, masaya siyang tumutulong sa iba pang uháw sa espirituwal para malaman nila ang sagot sa mahahalagang tanong sa buhay.

MAWAWALA NA ANG KAHIRAPAN AT KAWALAN NG TIRAHAN

Si Jeremias, isang propeta ng Diyos, ay nabuhay sa isang maligalig na panahon. Nilusob ng malupit na kaaway ang kaniyang bayan, ginawang tapon ang marami sa kaniyang kababayan at inalipin. (Panaghoy 1:3) Bagaman hindi pinatay si Jeremias, nawala ang halos lahat ng pag-aari niya. Udyok ng pamimighati, nanalangin siya: “Alalahanin mo ang aking kapighatian at ang aking kawalan ng tahanan.”—Panaghoy 3:19.

Sa kabila ng kaniyang paghihirap, hindi nasiraan ng loob si Jeremias. Bakit? Alam niyang hindi siya pababayaan ni Jehova. (Jeremias 1:8) Pamilyar din siya sa Kasulatan, na nagsasabing darating ang panahong mawawala ang kahirapan at pagdurusa, at iiral ang tunay na kapayapaan at katiwasayan.—Awit 37:10, 11.

Iiral ang mga kalagayang iyan, hindi sa pagsisikap ng tao, kundi sa pamamagitan ng isang sakdal na gobyernong tinatawag na Kaharian ng Diyos. (Daniel 7:13, 14) Ang Hari ng Kahariang iyan ay walang iba kundi si Jesu-Kristo, na nagpakita ng matinding habag sa mga dukha noong narito siya sa lupa. (Lucas 7:22; 14:13) Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, “sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan . . . Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”—Awit 72:7, 12, 14.

“Magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon.”—Isaias 65:21

Kaharian ng Diyos ang paksang itinuro ni Jesus noong nasa lupa siya. (Lucas 4:43) Tinuruan pa nga niya ang mga tao na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ano kaya ang magiging kalagayan ng buhay sa lupa kapag nasa ilalim na ito ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos? Napakaganda ng mga kalagayang inilalarawan ng Bibliya tungkol sa mga sakop ng Kaharian ng Diyos. Halimbawa:

  • “Magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. . . . Ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”—Isaias 65:21, 22.

  • “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”—Mikas 4:4.

Ang tiyak na pag-asang iyan ay magpapatibay sa atin sa panahon ng pagsubok. Pero ngayon pa lang, puwede nang maging makabuluhan at masaya ang buhay natin sa tulong ng mga simulain sa Bibliya, gaya ng natuklasan nina Joe, Martín, at ng maraming iba pa. Tinitiyak sa atin ng Maylalang, ang Diyos na Jehova: “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.” (Kawikaan 1:33) Magkatotoo sana sa iyo ang mga salitang iyan!

^ par. 6 Dahil sa labanan, karahasan, o pag-uusig, milyon-milyon ang napilitang umalis sa kanilang mga tahanan at naging mga refugee sa loob at labas ng kanilang bansa. Tinalakay sa Gumising!, Enero 22, 2002, ang paksang ito.

^ par. 11 May ilan na gustong magtrabaho pero wala sa kalagayan, marahil dahil sa kapansanan, mahinang kalusugan, o katandaan. Hinahatulan ng Diyos ang mga “ayaw magtrabaho.”—2 Tesalonica 3:10.