Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SULYAP SA NAKARAAN

Galileo

Galileo

Pasimula noong ika-14 hanggang ika-16 na siglo, ang mga siyentipiko at pilosopo sa Europa ay nagkaroon ng bagong pangmalas sa uniberso na salungat sa turo ng Simbahang Katoliko. Isa sa kanila ay si Galileo Galilei.

BAGO ang panahon ni Galileo, marami ang naniniwala na ang araw, mga planeta, at mga bituin ay umiikot sa palibot ng lupa. Ang paniniwalang iyan ay bahagi ng opisyal na turo ng Simbahang Katoliko.

Pero sa tulong ng kaniyang teleskopyo, nakakita si Galileo ng ebidensiyang salungat sa kinikilalang mga turo ng siyensiya noon. Halimbawa, habang pinagmamasdan niya ang mga sunspot na parang umuusad sa ibabaw ng araw, naunawaan niya na ang araw ay umiinog sa isang axis. Dahil sa ganitong mga obserbasyon, malaki ang isinulong ng kaalaman ng tao tungkol sa uniberso. Pero ang mga ito rin ang naging dahilan kung bakit nakalaban ni Galileo ang Simbahang Katoliko.

ANG SIYENSIYA AT RELIHIYON

Ilang dekada patiuna, si Nicolaus Copernicus, isang astronomong taga-Poland, ay nakabuo ng teoriya na ang lupa ay umiikot sa palibot ng araw. Pinag-aralan ni Galileo ang mga akda ni Copernicus tungkol sa pagkilos ng mga bagay sa kalangitan at nag-ipon siya ng ebidensiyang susuporta sa teoriyang iyon. Sa umpisa, nag-alangan si Galileo na ihayag ang ilan sa kaniyang obserbasyon dahil baka tuyain siya at hamakin. Pero dahil sa pananabik sa mga nakita niya sa kaniyang teleskopyo, isinapubliko rin niya ang mga natuklasan niya. Sinalansang ng ilang siyentipiko ang kaniyang mga argumento, at di-nagtagal ay sinisiraan na siya ng mga klerigo sa kanilang mga sermon.

Noong 1616, ipinagbigay-alam ni Cardinal Bellarmine, “isang nangungunang teologo nang panahong iyon,” kay Galileo ang bagong-labas na utos ng Simbahang Katoliko laban sa mga ideya ni Copernicus. Hinimok niya si Galileo na sundin ang utos na iyon, kaya naman ilang taóng nanahimik si Galileo tungkol sa pag-ikot ng lupa sa palibot ng araw.

Noong 1623, nagsimulang manungkulan ang kaibigan ni Galileo na si Pope Urban VIII. Kaya noong 1624, hiniling ni Galileo sa papa na pawalang-bisa ang utos noong 1616. Pero hinikayat ni Urban si Galileo na ipaliwanag ang magkasalungat na mga teoriya ni Copernicus at ni Aristotle sa paraang walang pinapanigan.

Dahil dito, sumulat si Galileo ng aklat na pinamagatang Dialogue on the Great World Systems. At kahit inutusan ng papa si Galileo na maging neutral, lumabas na parang kinakampihan ng aklat ang mga konklusyon ni Copernicus. Inangkin ng mga kalaban ni Galileo na hinamak ng aklat niya ang papa. Matapos pagbintangan ng erehiya at pagbantaang pahihirapan, napilitan si Galileo na itanggi ang mga turo ni Copernicus. Noong 1633, hinatulan siya ng Inkisisyong Romano ng habambuhay na pagkabilanggo sa kaniyang tahanan at ipinagbawal ang kaniyang mga akda. Namatay si Galileo sa kaniyang bahay sa Arcetri, malapit sa Florence, noong Enero 8, 1642.

Inamin ni Pope John Paul II na nagkamali ang Simbahang Katoliko sa paghatol nito kay Galileo

Sa loob ng daan-daang taon, ang ilan sa mga akda ni Galileo ay kabilang sa talaan ng mga aklat na ipinagbabawal basahin ng mga Katoliko. Pero noong 1979, muling pinag-aralan ng Simbahan ang desisyon ng Inkisisyong Romano na inilabas 300 taon na ang nakararaan. Sa wakas, noong 1992, inamin ni Pope John Paul II na nagkamali ang Simbahang Katoliko sa paghatol nito kay Galileo.