TAMPOK NA PAKSA | MAGING MAS MALUSOG—5 BAGAY NA PUWEDE MONG GAWIN NGAYON
Paraan Para Maging Mas Malusog
WALANG sinuman ang gustong magkasakit. Hindi lang ito abala, magastos pa. Masama na ang pakiramdam mo, baka hindi ka pa makapasok sa eskuwela o trabaho, makapaghanapbuhay, o hindi mo maasikaso ang iyong pamilya. Baka kailangan mo pa nga na may mag-alaga sa iyo, at gumastos nang malaki para magpagamot.
Siyempre pa, mas mabuti na ang nag-iingat para makaiwas sa sakit. Pero may mga sakit na hindi talaga maiiwasan. Sa kabila nito, may magagawa ka para hindi ka madaling tablan ng sakit. Isaalang-alang ang limang bagay na puwede mong gawin ngayon para maging mas malusog.
1 MAGING MALINIS
Ayon sa Mayo Clinic, ang paghuhugas ng kamay ang “isa sa pinakamainam na paraan para maiwasan ang sakit at ang pagkalat nito.” Napakadaling mahawa ng sipon o trangkaso kapag naihawak mo sa iyong ilong o mata ang kamay na kontaminado ng mikrobyo. Ang pinakamagandang panlaban dito ay ang laging paghuhugas ng kamay. Kapag malinis ang isa, maiiwasan din ang pagkalat ng mas malulubhang sakit, gaya ng pulmonya at mga sakit na nauugnay sa diarrhea, na taon-taon ay pumapatay ng mahigit dalawang milyong bata na wala pang limang taóng gulang. Maging ang pagkalat ng nakamamatay na Ebola ay puwedeng mapigilan kung uugaliin ang paghuhugas ng kamay.
May mga panahon na mas kailangang maghugas ng kamay para maprotektahan ang kalusugan mo at ng ibang tao. Dapat kang maghugas ng kamay:
-
Pagkatapos gumamit ng palikuran.
-
Matapos palitan ang diaper ng bata o matapos siyang tulungang gumamit ng palikuran.
-
Bago at pagkatapos gumamot ng sugat.
-
Bago at pagkatapos makasama ang mga maysakit.
-
Bago maghanda ng pagkain, maghain, o kumain.
-
Matapos bumahin, umubo, o suminga.
-
Matapos humawak ng hayop o dumi nito.
-
Matapos humawak ng basura.
Tiyakin din na tama ang paghuhugas mo ng kamay. Ipinakikita ng mga pag-aaral na karamihan sa mga gumagamit ng pampublikong palikuran ay hindi naghuhugas ng kamay matapos gumamit nito o hindi naghuhugas nang tama. Ano ba ang tamang paraan ng paghuhugas ng kamay?
-
Basain ang mga kamay sa malinis at umaagos na tubig at magsabon.
-
Pagkuskusing maigi ang mga kamay hanggang sa maging mabula ang mga ito, at huwag kalimutang linisin ang iyong mga kuko, hinlalaki, ibabaw ng kamay, at pagitan ng mga daliri.
-
Pagkuskusin ang mga kamay nang di-kukulangin sa 20 segundo.
-
Magbanlaw sa malinis at umaagos na tubig.
-
Tuyuin ng malinis na pamunas o paper towel.
Simpleng hakbang lang ang mga ito pero makatutulong para makaiwas sa sakit at magligtas ng buhay.
2 GUMAMIT NG MALINIS NA TUBIG
Sa ilang bansa, ang pag-iigib ng malinis na tubig ay bahagi na ng pang-araw-araw na gawain. Pero nagiging problema ang malinis na tubig saanmang bahagi ng mundo kapag ang suplay ng tubig na iniinom ay nakontamina dahil sa baha, bagyo, sirang tubo, o iba pang dahilan. Kapag marumi ang pinagkunan ng tubig o hindi ito naimbak nang tama, maaari itong pamugaran ng mga parasito, at pagmulan ng kolera, nakamamatay na diarrhea, tipus, hepatitis, at iba pang impeksiyon. Maruming tubig ang isa sa mga dahilan ng tinatayang 1.7 bilyong kaso ng mga sakit na nauugnay sa diarrhea taon-taon.
May magagawa ka para hindi ka madaling tablan ng sakit
Kadalasan, ang kolera ay nakukuha sa inumin o pagkaing kontaminado ng dumi ng mga taong may ganitong sakit. Anong mga hakbang ang puwede mong gawin para maprotektahan ang iyong sarili mula sa kolera at iba pang uri ng kontaminasyon sa tubig, lalo na pagkatapos ng isang sakuna?
-
Siguraduhin na ang inyong tubig na iniinom—pati na ang ginagamit sa pagsisipilyo, paggawa ng yelo, paghuhugas ng pagkain at plato, o pagluluto—ay malinis ang pinagmulan, gaya ng pampublikong suplay na sumailalim sa proseso ng paglilinis o mga selyadong bote na galing sa mapagkakatiwalaang kompanya.
-
Kung sakaling makontamina ang tubig sa gripo, pakuluan ang tubig o gamitan ito ng angkop na kemikal na panlinis.
-
Kapag gumagamit ng kemikal, gaya ng chlorine o mga water-purifying tablet, maingat na sundin ang instruksiyong kasama nito.
-
Gumamit ng de-kalidad na water filter, kung may mabibili at abot-kaya.
-
Laging iimbak ang nilinis na tubig sa lalagyang malinis at may takip para maiwasang makontamina ulit.
-
Kapag kumukuha ng tubig sa lalagyan, tiyaking malinis ang anumang panalok na gagamitin.
-
Tiyaking malinis ang kamay kapag humahawak ng lalagyan ng tubig, at huwag isawsaw ang daliri o kamay sa tubig na inumin.
3 MAG-INGAT SA KINAKAIN
Para maging malusog, napakahalaga ang tamang nutrisyon, at para sa tamang nutrisyon, kailangan ang masustansiya at balanseng pagkain. Baka kailangan mong suriin ang asin, taba, at asukal na pumapasok sa iyong katawan, at kontrolin ang dami ng iyong kinakain. Kumain ng iba’t ibang klase ng prutas at gulay. Kapag bumibili ng tinapay, cereal, pasta, o bigas, tingnan ang listahan ng ingredient para makapili ng pagkaing gawa sa whole grain. Ang mga ito ay mas masustansiya at mas mayaman sa fiber kaysa sa mga gawa sa refined grain. Pagdating naman sa protina, kumain ng kaunting karne na walang taba, at sikaping kumain ng isda ilang beses bawat linggo hangga’t maaari. Sa ilang bansa, may makukuha ring pagkaing mayaman sa protina na galing sa gulay.
Kung mahilig kang kumain ng matatamis at matatabang pagkain, nanganganib kang maging sobra sa timbang. Para maiwasan ito, uminom ng tubig sa halip na matatamis na inumin. Kumain ng mas maraming prutas sa halip na matatamis na pagkain. Limitahan ang pagkain mo ng solid fat mula sa sausage, karne, mantikilya, cake, keso, at cookies. At sa pagluluto, mas magandang gumamit ng masustansiyang oil kaysa sa solid fat.
Ang sobrang asin, o sodium, sa pagkain ay maaaring maging sanhi ng alta presyon. Kung problema mo ito, gamitin ang impormasyon sa packaging ng mga pagkain para makontrol ang dami ng sodium na nakakain mo. Sa halip na asin, gumamit ng herbs at spices bilang pampalasa.
Hindi lang mahalaga kung ano ang kinakain mo, importante rin ang dami nito. Kaya kahit nasasarapan ka sa pagkain, huminto kapag busog ka na.
Isang problemang may kinalaman sa nutrisyon ay ang pagkalason sa pagkain. Anumang pagkaing hindi inihanda at inimbak nang tama ay puwedeng maging lason. Taon-taon, 1 sa bawat 6 na Amerikano ang nalalason sa pagkain. Karamihan ay gumagaling, pero may ilan na namamatay. Ano ang puwede mong gawin para maiwasan ito?
-
May mga gulay na itinanim sa lupang ginamitan ng patabang dumi ng hayop, kaya hugasang mabuti ang mga ito bago ihanda.
-
Gamit ang mainit na tubig na may sabon, hugasan ang kamay, sangkalan, mga kasangkapan, at mesa bago maghanda ng bawat sangkap.
-
Para maiwasan ang kontaminasyon, hugasan muna ang anumang pinagpatungan o pinaglagyan ng hilaw na itlog, manok, karne, o isda, bago uli ito gamitin.
-
Lutuin ang pagkain hanggang sa maabot nito ang tamang temperatura, at ilagay agad sa refrigerator ang anumang pagkaing madaling masira kung hindi pa ito kakainin.
-
Itapon ang pagkaing madaling mapanis kung napabayaan ito nang mahigit dalawang oras sa katamtamang temperatura o nang isang oras sa temperaturang lampas sa 32 digri Celsius.
4 MAG-EHERSISYO
Anuman ang iyong edad, kailangan mo ng regular na ehersisyo para sa magandang pangangatawan. Marami ngayon ang walang sapat na ehersisyo. Bakit mahalaga ang ehersisyo? Makatutulong ito sa iyo para:
-
Makatulog nang maayos.
-
Maging maliksi.
-
Manatiling malakas ang buto at kalamnan.
-
Mapanatili o maabot ang tamang timbang.
-
Mabawasan ang tsansang dumanas ng depresyon.
-
Maiwasan ang maagang kamatayan.
Kung hindi ka mag-eehersisyo, mas malamang na ikaw ay:
-
Magkaroon ng sakit sa puso.
-
Magkaroon ng type 2 diabetes.
-
Magkaroon ng alta presyon.
-
Magkaroon ng mataas na kolesterol.
-
Ma-stroke.
Ang uri ng ehersisyong angkop sa iyo ay depende sa iyong edad at kalusugan, kaya makabubuting kumonsulta muna sa doktor bago umpisahan ang anumang ehersisyo. Batay sa iba’t ibang rekomendasyon, ang mga bata at kabataan ay nangangailangan nang di-bababa sa 60 minuto ng katamtaman-hanggang-puspusang ehersisyo araw-araw. Ang mga adulto naman ay dapat magkaroon ng 150 minuto ng katamtamang ehersisyo o 75 minuto ng puspusang ehersisyo linggo-linggo.
Pumili ng aktibidad na mae-enjoy mo. Puwede mong subukan ang basketball, tennis, soccer, brisk walking, pagbibisikleta, paghahalaman, pagsisibak ng kahoy, paglangoy, pamamangka, jogging, o iba pang aerobic exercise. Paano mo malalaman kung ang isang aktibidad ay katamtaman o puspusan? Karaniwan na, papawisan ka sa katamtamang ehersisyo, pero hihingalin ka naman sa puspusang pag-eehersisyo.
5 MAGKAROON NG SAPAT NA TULOG
Iba-iba ang haba ng tulog na kailangan ng bawat tao. Karamihan ng bagong-silang na sanggol ay natutulog nang 16 hanggang 18 oras araw-araw; ang mga batang edad 1-3 ay natutulog nang mga 14 na oras, at ang mga edad 3-4 naman, mga 11 o 12 oras. Karaniwan na, ang mga batang pumapasok sa eskuwela ay nangangailangan ng di-bababa sa 10 oras na tulog, mga 9 o 10 oras naman para sa mga kabataan, at 7 hanggang 8 oras para sa mga adulto.
Hindi dapat bale-walain ang pagkakaroon ng sapat na tulog. Ayon sa mga eksperto, mahalaga ang sapat na tulog para sa:
-
Paglaki ng mga bata at tin-edyer.
-
Pagkatuto at memorya.
-
Pagpapanatili ng tamang balanse ng mga hormon na nakaaapekto sa metabolismo at timbang.
-
Malusog na puso.
-
Pag-iwas sa sakit.
Karaniwang iniuugnay sa kakulangan ng tulog ang sobrang katabaan, depresyon, sakit sa puso, diyabetis, at malulubhang aksidente. Magagandang dahilan ito para magkaroon ng sapat na tulog.
Ano ang puwede mong gawin kung hindi ka nakakatulog nang maayos?
-
Sikaping matulog at gumising sa pare-parehong oras araw-araw.
-
Gawing tahimik, madilim, nakakarelaks, at hindi sobrang mainit o malamig ang iyong kuwarto.
-
Huwag manood ng TV o gumamit ng gadyet sa higaan.
-
Hangga’t posible, gawing komportable ang iyong higaan.
-
Bago matulog, iwasang kumain nang marami, at iwasang uminom ng caffeine at alkohol.
-
Kung matapos gawin ang mga mungkahing ito ay nakararanas ka pa rin ng insomnia o iba pang sleep disorder—gaya ng labis-labis na pagkaantok sa maghapon o pangangapos ng hininga habang natutulog—makabubuting kumonsulta sa isang kuwalipikadong espesyalista.