PAGMAMASID SA DAIGDIG
Pagtutok sa Kapaligiran
Ang daigdig ay naglalaan ng malinis na hangin, tubig, at masustansiyang pagkain. Pero ginugulo ng mga tao ang natural na mga prosesong ito. Pinagsisikapan ng mga siyentipiko na makahanap ng mga solusyon para mapangalagaan ang kapaligiran.
Australia
Tinatayang mga 500,000 kilometro kubiko ng di-gaanong maalat na tubig ang nasa ilalim ng sahig ng karagatan. “Ang lebel ng tubig sa dagat ay [dating] mas mababa kaysa ngayon,” ang sabi ni Vincent Post ng Flinders University sa Adelaide, kaya mas malayo ang baybayin noon. Nang panahong iyon, kapag umuulan, napupuno ng tubig-ulan ang mga lugar na ngayon ay nasa ilalim na ng dagat. Umaasa ang mga siyentipiko na balang-araw, ang mga reserbang ito ng tubig sa ilalim ng dagat ay makatutulong sa mahigit 700 milyon katao na limitado ang nakukuhang malinis na tubig.
Sahara Desert
Kalahati sa mga uri ng malalaking hayop na dating matatagpuan sa Sahara ay naglaho na o kaya ay nawalan na ng 99 na porsiyento ng kanilang tirahan. Ang kaguluhan sa rehiyong ito at pangangaso ay ilan lang sa mga dahilan. Bagaman ang dami ng sari-saring hayop at halaman sa mga disyerto ay maikukumpara sa mga nasa kagubatan, sinasabi ng mga mananaliksik na ‘hindi gaanong binibigyang-pansin ng mga siyentipiko ang mga disyerto dahil sa kakulangan ng pondo.’ Kaya nahihirapan ang mga conservationist na subaybayan ang nanganganib na mga ekosistema ng disyerto.
Daigdig
Tinatayang 1 sa bawat 8 namatay noong 2012 ay resulta ng polusyon sa hangin. Pagdating sa kapaligiran, ang “polusyon sa hangin ang pinakamalaking panganib ngayon sa kalusugan sa buong daigdig,” ayon sa World Health Organization.