Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN

Kapag Naghiwalay ang Magkasintahan

Kapag Naghiwalay ang Magkasintahan

ANG HAMON

“Akala ko siya na y’ong para sa akin, na makakasama ko habambuhay. Pero pagkatapos lang ng dalawang buwan, nakipag-break ako sa kaniya. ’Di ako makapaniwalang nauwi agad sa hiwalayan ang napakagandang simula namin!”—Anna. *

“Sa umpisa, parang magkaparehong-magkapareho kami. Akala ko, magkakatuluyan kami. Pero habang nagtatagal, nakita kong magkaibang-magkaiba pala kami. Nang matauhan ako, nakipaghiwalay ako sa kaniya.”—Elaine.

Nangyari na ba iyan sa iyo? Kung gayon, makatutulong sa iyo ang artikulong ito.

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Masakit ang makipaghiwalay, kahit para sa nakipag-break. “Napakasakit!” ang sabi ni Sarah, na nakipag- break sa boyfriend niya pagkaraan ng anim na buwan. “Kailan lang, nasa buhay ko siya at kasama sa mga plano ko; ’tapos biglang-bigla, wala na siya. ’Pag naririnig ko ang mga kantang espesyal sa aming dalawa, naaalala ko ang masasayang pinagsamahan namin. ’Pag pumupunta ako sa mga lugar na pinupuntahan namin, ang sakit dahil hindi ko na siya kasama. Ganito ang naramdaman ko kahit ako naman ang nakipag-break!”

Masakit ang makipaghiwalay, pero maaari itong makabuti. “Ayaw mo siyang masaktan,” ang sabi ni Elaine. “Pero alam mo na pareho kayong masasaktan kung ipipilit ninyo ang relasyong walang patutunguhan.” Sang-ayon din si Sarah: “Sa palagay ko, kung hindi ka masaya sa kaniya ngayong magkasintahan pa lang kayo, hindi ka rin magiging masaya kahit kasal na kayo. Kaya mabuti pang maghiwalay na lang kayo.”

Kapag naghiwalay kayo, hindi ibig sabihing talunan ka na. Sa totoo, ang matagumpay na pagliligawan ay nauuwi sa pagdedesisyon, pero hindi laging sa kasalan. Kung may matinding pag-aalinlangan ang sinuman sa inyo, baka makabubuting maghiwalay na kayo. Kapag nangyari iyan, hindi ibig sabihing hindi ka na magtatagumpay kahit kailan. Puwede kang mag-move on! Paano?

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Tanggapin mong normal lang ang masaktan. “Hindi lang ako nawalan ng kaibigan; nawalan din ako ng best friend,” ang sabi ni Elaine, na nabanggit kanina. Kapag nakipaghiwalay ka sa taong naging malapít sa iyo, natural lang na malungkot ka. “Wala na kayo,” ang sabi ni Adam, “at kahit paano, masakit ’yon, kahit alam mo pang para sa kabutihan ninyo ’yon.” Baka madama mo ang gaya ng nadama ni Haring David noong panahon ng Bibliya. “Buong gabi ay . . . pinaaapawan ko ng aking mga luha ang aking kama,” ang isinulat niya habang nagdurusa. (Awit 6:6) Kung minsan, para makalimutan ang sakit ng kalooban, kailangang pagdaanan iyon kaysa sa iwasan. Para makapag-move on ka, tanggapin mong normal lang ang nadarama mo.—Simulain sa Bibliya: Awit 4:4.

Makisama sa mga nagmamalasakit sa iyo. Hindi laging madaling gawin iyan. “No’ng una, ayokong magpakita sa mga tao,” ang sabi ni Anna, na nabanggit kanina. “Kailangan ko pa ng panahon para makapag-isip at maunawaan ang mga nangyari.” Pero nakita rin ni Anna na matalinong makisama sa malalapít na kaibigang makapagpapatibay sa kaniya. “Malinaw na ang isip ko ngayon,” ang sabi niya, “at hindi na kasinsakit ng dati ang paghihiwalay namin.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 17:17.

Matuto sa nangyari. Tanungin ang sarili: ‘Mayroon ba akong dapat pasulungin? Kung mayroon man, ano ang dapat kong baguhin sa susunod na pakikipagrelasyon ko?’ “Sa paglipas ng panahon, naiintindihan ko na ang mga nangyari,” ang sabi ni Marcia. “Pero matagal-tagal din bago ko napagtagumpayan ang damdamin ko at nakapag-isip-isip nang malinaw.” Ganiyan din ang nadama ni Adam, na nabanggit kanina. Sinabi niya: “Inabot nang isang taon bago ako naka-recover. Pero mas matagal pa bago ko naintindihan kung ano’ng matututuhan ko sa nangyari. Dahil sa pinagdaanan ko, marami akong natutuhan tungkol sa sarili ko, sa opposite sex, at sa pakikipagkasintahan. Hindi na ako gaanong nasasaktan gaya ng dati.”

Manalangin. Sinasabi ng Bibliya na “pinagagaling [ng Diyos] ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.” (Awit 147:3) Bagaman ang Diyos ay hindi isang matchmaker na pumipili ng mapapangasawa natin—at hindi rin siya masisisi kapag naghiwalay ang magkasintahan—interesado siya sa kapakanan mo. Sabihin mo sa kaniya ang iyong nadarama sa pamamagitan ng panalangin.—Simulain sa Bibliya: 1 Pedro 5:7.

^ par. 4 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.