Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Panga ng Buwaya

Ang Panga ng Buwaya

SA MGA hayop na nabubuhay sa ngayon, ang buwaya ang nasukat na may pinakamalakas na kagat. Halimbawa, ang kagat ng saltwater crocodile, na matatagpuan malapit sa Australia, ay halos tatlong beses na mas malakas kaysa sa kagat ng leon o ng tigre. Pero napakasensitibo rin ng panga ng buwaya—mas sensitibo pa nga kaysa sa dulo ng daliri ng tao. Paano nagkagayon, samantalang napakakapal at napakatigas ng balat ng buwaya?

Ang panga ng buwaya ay may libo-libong sense organ. Matapos pag-aralan ang mga ito, ganito ang nasabi ng mananaliksik na si Duncan Leitch: “Bawat nerve ending ay galing sa isang butas sa bungo” ng buwaya. Pinoprotektahan ng ganitong pagkakaayos ang mga nerve fiber sa panga at ginagawang mas sensitibo ang ilang bahagi kaysa sa kayang sukatin ng mga instrumento. Dahil dito, alam ng buwaya kung ang nasa bibig nito ay pagkain o hindi. Kaya naman, nadadala ng inang buwaya sa kaniyang bibig ang kaniyang mga anak nang hindi dinudurog ang mga ito. Kahanga-hanga ang kombinasyon ng lakas at pagiging sensitibo ng panga ng buwaya.

Ano sa palagay mo? Ang panga ba ng buwaya ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?