MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang mga Gear ng Issus Leafhopper
DATI, inaakala natin na ang mga gear ay imbensiyon lang ng tao. Pero hindi pala! Natuklasan ang nagla-lock na mga gear sa isang buháy na nilikha—ang batang Issus leafhopper, na makikita sa mga hardin sa buong Europa. *
Ang batang leafhopper ay nakatatalon sa bilis na 3.9 metro kada segundo sa loob lang ng dalawang millisecond, kung kaya ang katawan nito ay dumaranas ng halos 200 ulit ng puwersa ng grabidad! Sa isang kisap-mata lang, wala na ito sa iyong paningin. Para makatalon nang ganoon kabilis, ang dalawang hulihang binti ng insekto ay kailangang maglabas ng eksakto at magkatulad na puwersa nang sabay na sabay. Ano ang sekreto nito?
Pag-isipan ito: Natuklasan ng mga siyentipiko ang dalawang nagla-lock na gear sa pinakapuno ng dalawang hulihang binti ng leafhopper. Kung tatalon ang insekto, titiyakin ng mga gear na iyon na sabay na sabay ang dalawang binti. Kung hindi, titilapon ang insekto!
Kapag tumatalon ang malalaking nilikha, umaasa sila sa kanilang nervous system para pagsabayin ang kanilang mga binti. Pero para sa batang leafhopper, masyadong mabagal ang mga neural impulse nito. Kaya naman, nariyan ang dalawang nagla-lock na gear nito. “Kadalasan, iniisip natin na ang mga gear ay makikita [lang] sa makinaryang dinisenyo ng tao,” ang sabi ng awtor at mananaliksik na si Gregory Sutton. Ang dahilan, sabi pa niya, ay “hindi kasi tayo naghanap nang mabuti [sa ibang lugar].”
Ano sa palagay mo? Ang mga gear ba ng Issus leafhopper ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?
^ par. 3 Ang mga gear na ito ay natatanggal sa huling paghuhunos ng insekto bago maging adulto.