Natutong Bumasa at Sumulat Dahil sa Pagtuturo ng Bibliya
“Ang kakayahang bumasa at sumulat ay isang karapatang pantao, isang kasangkapan para bigyang-kapangyarihan ang sarili at isang paraan para sa ikasusulong ng lipunan at ng tao.”—UNESCO. *
IPINAKIKITA ng mga ulat sa buong daigdig na mahigit 700 milyon katao na edad 15 pataas ang hindi marunong bumasa at sumulat. Dahil dito, hindi nila masaliksik ang isang malawak na mundo ng kaalaman, pati na ang mahuhusay na moral at espirituwal na turong “isinulat [sa Bibliya para] sa ating ikatututo.” (Roma 15:4) Kaya naman sa maraming lupain, kasama sa programa sa pagtuturo ng Bibliya ng mga Saksi ni Jehova ang pagtuturo ng pagbabasa at pagsusulat—na lahat ay walang bayad. Matagumpay ba ito?
Kuning halimbawa ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bansang Mexico, kung saan karamihan ay nagsasalita ng Kastila. Mula noong 1946, mahigit 152,000 katao ang naturuan ng mga Saksi na bumasa at sumulat, at marami sa mga ito ay nagtuturo na rin nang maglaon. Bilang pagkilala sa gawain ng mga Saksi, nakatanggap sila ng maraming liham mula sa pamahalaan. Ganito ang sabi sa isang liham: “Kinikilala at binabati kayo ng General Board
of Education dahil sa inyong pakikipagtulungan sa pagbuo ng Adult Education Program.”Nakinabang sa programang ito ang mga bata at matatanda. Halimbawa, si Josefina ay edad 101 nang mag-enrol, at natapos niya ang kurso sa loob ng dalawang taon!
Bagaman Kastila ang pangunahing wika sa Mexico, idinaraos din sa ibang mga wika ang mga klase sa pagbasa at pagsulat. Noong 2013, ang mga taong kabilang sa walong katutubong grupo ay natutong bumasa at sumulat ng sarili nilang wika sa tulong ng programang ito.
Ang kakayahang bumasa at sumulat ay nagbubukas ng oportunidad na matuto ng maraming bagay. Pinakamahalaga, tutulong ito sa lahat ng uri ng tao na mabasa ang Bibliya—isang aklat na mula sa Diyos at makapagpapalaya sa kanila mula sa mapang-aliping mga pamahiin, huwad na relihiyosong paniniwala, at masamang paggawi.—Juan 8:32.
^ par. 2 United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization.