Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PAGMAMASID SA DAIGDIG

Pagtutok sa Gitnang Silangan

Pagtutok sa Gitnang Silangan

Sa Gitnang Silangan, kung saan nagsimula ang pinakamatatandang sibilisasyon sa daigdig, napakaraming arkeolohikal na kayamanan.

Mga Manggagawa ng Alak sa Canaan

Noong 2013, natuklasan ng mga arkeologo ang isang malaking imbakan ng alak ng mga Canaanita na mga 3,700 taon na ang tanda. Ang imbakan ay may 40 malalaking banga na makapaglalaman ng katumbas ng 3,000 bote ng alak sa ngayon. Sinuri ng isang arkeologo ang latak mula sa mga banga at sinabi niya na ang mga Canaanita ay metikulosong mga manggagawa ng alak. “Ang recipe ng alak ay maingat na sinunod sa bawat banga,” ang sabi niya.

ALAM MO BA? Binabanggit ng Bibliya ang paggawa ng “pinakamainam na alak” sa sinaunang Israel at ang pag-iimbak ng alak sa malalaking banga.—Awit ni Solomon 7:9; Jeremias 13:12.

Pagdami ng Populasyon

Sa Ehipto, mas marami nang 560,000 sanggol ang isinilang noong 2012 kaysa noong 2010, ayon sa report ng pahayagang Guardian. “Ito ang pinakamataas na pagdaming naganap sa buong kasaysayan ng Ehipto,” ang sabi ni Magued Osman ng Baseera, isang kompanya ng pananaliksik sa Ehipto. Sinasabi ng ilang eksperto na kung magpapatuloy nang ganito kabilis ang paglago, ang bansa ay lalo pang kakapusin sa tubig, enerhiya, at pagkain.

ALAM MO BA? Ayon sa Bibliya, gusto ng Diyos na “punuin [ng tao] ang lupa,” sa angkop na antas, at na masiyahan ang lahat sa sapat na paglalaan.—Genesis 1:28; Awit 72:16.

Itinagong mga Barya, Natuklasan

Mahigit 100 baryang bronse na may inskripsiyong “Year Four” ang natuklasan malapit sa isang highway sa Israel. Ang petsang iyon ay tumutukoy sa ikaapat na taon ng paghihimagsik ng mga Judio laban sa mga Romano (69-70 C.E.), na nauwi sa pagkawasak ng Jerusalem. “Maliwanag, may isa na nangambang papalapít na ang wakas—marahil nakikita niya ang paparating na hukbong Romano,” ang sabi ni Pablo Betzer, isa sa nanguna sa paghuhukay. “Itinago niya ang kaniyang pag-aari sa pag-asang makuha uli ito.”

ALAM MO BA? Noong 33 C.E., inihula ni Jesus ang pagkubkob ng mga Romano sa Jerusalem. Hinimok niya ang mga Kristiyano na tumakas patungo sa mga bundok para sa kanilang kaligtasan.—Lucas 21:20-24.