Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Hihingi ng Tawad

Kung Paano Hihingi ng Tawad

ANG HAMON

Katatapos lang ninyong magtalo ng asawa mo. ‘Ayokong mag-sorry,’ ang sabi mo sa sarili mo. ‘Hindi naman ako ang may kasalanan!’

Nagsawalang-kibo ka na lang, pero may tensiyon pa rin. Naisip mong humingi ng tawad, pero hindi mo kayang magsabi kahit ng simpleng “Sorry.”

ANG DAHILAN

Pride. “Kung minsan, hirap akong mag-sorry dahil sa ego ko,” ang sabi ng may-asawang si Charles. * Kapag masyado kang ma-pride, mahihirapan kang aminin ang kasalanan mo.

Pananaw. Baka iniisip mong dapat ka lang humingi ng tawad kung ikaw ang may kasalanan. Sinabi ng may-asawang si Jill: “Kapag alam kong ako talaga ang may kasalanan, madali sa ’kin ang mag-sorry. Pero kung pareho kaming may kasalanan, ang hirap! Bakit ako hihingi ng tawad kung pareho naman kaming nagkamali?”

Baka lalo ka pang magmatuwid kung pakiramdam mo ay kasalanan lahat ng asawa mo ang nangyari. “Kapag kumbinsido ka na wala kang ginawang masama,” ang sabi ng may-asawang si Joseph, “sasadyain mong hindi humingi ng tawad para maipakitang wala kang kasalanan.”

Kinalakhan. Marahil lumaki ka sa isang sambahayang hindi sanay humingi ng tawad. Kaya naman, baka hindi ka natutong umamin ng iyong mga pagkakamali. Dahil hindi mo ito nakasanayan, hindi mo rin ugaling humingi ng paumanhin ngayong malaki ka na.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Ang paghingi ng tawad ay makapapatay sa apoy ng pagtatalo

Isaisip ang iyong asawa. Mag-isip ng isang pangyayari na may humingi sa iyo ng tawad at gumanda ang pakiramdam mo. Bakit hindi mo rin ipadama iyan sa iyong asawa? Kahit sa palagay mo ay hindi ikaw ang may kasalanan, puwede kang humingi ng dispensa dahil sa sama ng loob na nadarama niya o sa di-sinasadyang epekto ng ginawa mo. Makatutulong iyan para gumaan ang kaniyang kalooban.—Simulain sa Bibliya: Lucas 6:31.

Isaisip ang inyong pagsasama. Kapag humihingi ng tawad, huwag isiping pagkatalo ito sa bahagi mo kundi isa itong panalo para sa inyong pagsasama. Ang taong nananatiling galít ay mas matigas pa “kaysa sa matibay na bayan,” ayon sa Kawikaan 18:19. Mahirap, kung hindi man imposible, na makipagpayapaan sa gayong sitwasyon. Pero kung hihingi ka ng tawad, maiiwasang lumaki ang problema. Sa ganitong paraan, inuuna mo ang inyong pagsasama kaysa sa iyong sarili.—Simulain sa Bibliya: Filipos 2:3.

Humingi agad ng tawad. Totoo, mahirap humingi ng tawad kung alam mong hindi lang ikaw ang may kasalanan. Pero hindi mo dapat idahilan ang mga pagkakamali ng asawa mo para gumawa ng di-tama. Kaya huwag ipagpaliban ang paghingi ng tawad dahil iniisip mong matatakpan naman ang kasalanan sa paglipas ng panahon. Kapag nag-sorry ka, mas magiging madali rin para sa asawa mo na humingi ng tawad. At habang nasasanay kang humingi ng tawad, mas magiging madali ito para sa iyo.—Simulain sa Bibliya: Mateo 5:25.

Seryosohin ang paghingi ng tawad. Ang pagdadahilan sa iyong ginawa ay hindi maituturing na paghingi ng tawad. At ang sarkastikong pagsasabi ng “Sorry, napakasensitibo mo pala” ay hindi rin maituturing na paghingi ng tawad! Tanggapin ang iyong pagkakamali at kilalanin ang sama ng loob ng iyong asawa, makatuwiran man o hindi ang ipinagdaramdam niya.

Magpakatotoo. Kilalanin mo na makagagawa’t makagagawa ka ng pagkakamali. Lahat tayo ay nagkakamali! Kahit sa palagay mo ay wala kang kasalanan, kilalanin mo na baka hindi siyento-porsiyentong tama ang bersiyon mo ng mga pangyayari. “Ang nauna sa kaniyang usapin sa batas ay matuwid,” ang sabi ng Bibliya, hanggang sa ‘ang kaniyang kapuwa ay dumating at siyasatin siya.’ (Kawikaan 18:17) Mas magiging madali sa iyo na humingi ng tawad kung makatotohanan ang tingin mo sa iyong sarili at sa iyong mga pagkukulang.

^ par. 7 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.