Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN

Kapag Kailangan Mo Nang Umuwi

Kapag Kailangan Mo Nang Umuwi

ANG HAMON

Tinatawag silang “boomerang generation”—mga kabataang bumukod pero nagkaproblema sa pera at napilitang umuwi. Nangyari na ba iyan sa iyo?

Hindi madaling umuwi kahit mahal mo pa ang iyong mga magulang. Halimbawa, sinabi ng dalagang si Sarah: * “Nang bumukod ako, nagkaroon ako ng tiwala sa sarili dahil hindi na ako umaasa sa iba. Pero nang umuwi ako sa amin, pakiramdam ko para na naman akong munting bata.” Ganiyan din ang nadama ni Richard. “Ayoko sanang umuwi,” ang sabi niya, “pero hindi ko na kayang suportahan ang sarili ko. Pakiramdam ko, isa akong talunan.”

Kung ganiyan ang sitwasyon mo, makatutulong sa iyo ang artikulong ito.

ANG DAHILAN

Problema sa pera. Maraming kabataan ang natatauhan kapag nakita nila kung gaano kagastos ang mamuhay nang mag-isa. “Nasaid ang ipon ko,” ang sabi ni Richard, na nabanggit kanina. Ganiyan din ang nangyari kay Shaina, na bumukod sa edad na 24 at umuwi pagkaraan ng isa’t kalahating taon. “Sana pinagbuti ko ang paghawak ko ng pera,” ang sabi niya. “Umalis ako sa amin nang walang pera, at umuwi ako nang baon sa utang.” *

Kawalan ng trabaho. Gaano man kaganda ang mga plano mo para makapagsarili, masisira ito kapag nawalan ka ng trabaho. Iyan ang natutuhan ni Shaina. “Gumradweyt ako sa isang programa sa larangan ng medisina, at nagpatulong ako sa isang agency para makahanap ng trabaho,” ang sabi niya. “Pero nang mawalan ako ng trabaho, nanlumo ako. Nakatira ako sa probinsiya at wala akong mapasukang trabaho sa kursong natapos ko!”

Mga maling akala. Ang ilang kabataang nagsisimulang magtrabaho ay walang kaalam-alam sa hirap ng paghahanapbuhay. Kadalasan nang mas mahirap ang kanilang trabaho kaysa sa inaakala nila. Dismayado sila dahil hindi pala ganoon kaganda ang buhay kapag nagsarili na sila. Hindi nila akalaing hamon talaga ang pagiging adulto.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Kausapin ang iyong mga magulang tungkol sa pag-uwi. Pag-usapan ang mga gaya nito: Gaano ka katagal titira sa inyo? Habang naroon ka, paano ka makatutulong sa mga gastusin? Anong mga gawaing-bahay ang puwede mong gawin? Paano ka uli makakabangon sa pinansiyal? Anuman ang edad mo, tandaan na nasa poder ka uli ng iyong mga magulang at dapat kang sumunod sa kanilang mga tuntunin.—Simulain sa Bibliya: Exodo 20:12.

Matutong humawak ng pera. Ganito ang sabi ng aklat na The Complete Guide to Personal Finance: For Teenagers and College Students: “Makikita sa paggasta mo ng iyong pera kung magtatagumpay ka sa paghawak ng iyong pananalapi. . . . Kailangang matuto kang huwag gumastos sa mga bagay na hindi mo kailangan.”—Simulain sa Bibliya: Lucas 14:28.

Humingi ng payo. Matuturuan ka ng iyong mga magulang at iba pang adulto tungkol sa pagbabangko, pagbabadyet, at pagbabayad ng bills. “Kinailangan kong mag-umpisa uli,” ang sabi ng kabataang si Marie. “Tinulungan ako ng isang kaibigan na ilista ang mga kinakailangan at di-kinakailangang gastusin. Hindi ko naman pala kailangan ang karamihan sa pinagkakagastusan ko! Napasulong ko rin ang isang katangiang mahalaga sa pamumuhay nang mag-isa—ang disiplina sa sarili.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 13:10.

Mas importanteng maging mahusay ka sa ginagawa mo kaysa sa kung ano ang trabaho mo

Maghanap ng trabaho. Gamitin ang panahon mo para mag-aplay sa trabaho. Kaya lang, baka payuhan ka ng iba na “abutin ang iyong pangarap.” Pero kung ‘dream job’ mo lang ang hahanapin mo, kakaunti ang iyong mapagpipilian at baka mapalampas mo ang mga trabahong nasa harap mo. Sa halip na magpokus sa iisang klase ng trabaho, huwag masyadong maging mapamili. Tandaan, mas importanteng maging mahusay ka sa ginagawa mo kaysa sa kung ano ang trabaho mo. Naobserbahan nga na kapag mas makaranasan at mahusay ang mga manggagawa, mas nasisiyahan sila sa kanilang trabaho. Kahit hindi mo gusto ang isang trabaho, puwede mong pag-aralang mahalin ito!

^ par. 5 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 8 Halos ganito ang sitwasyon ng mga estudyante sa kolehiyo sa Estados Unidos. Ayon sa report ng The Wall Street Journal, ang isang estudyanteng nag-loan para makapag-aral ay gumagradweyt nang may katamtamang utang na $33,000.