PAGMAMASID SA DAIGDIG
Pagtutok sa Pamilya
Ang mga pamilya ay napapaharap sa maraming problema, pero makatutulong ang di-kumukupas na karunungan ng Bibliya para mapagtagumpayan nila ang mga ito at maging masaya.
Africa
Ayon sa World Health Organization, kailangang pasusuhin agad ng mga ina ang kanilang sanggol sa loob ng isang oras matapos itong isilang, at gatas ng ina lang ang dapat ipasuso rito sa loob ng anim na buwan. Sa kabila ng rekomendasyong ito, sinabi ng Regional Nutrition Adviser for Eastern and Southern Africa ng UNICEF na laganap pa rin ang di-totoong mga advertisement na nagsasabing ang infant formula, o nabibiling gatas, ay “kasinghusay ng gatas ng ina.”
ANG SABI NG BIBLIYA: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kawikaan 14:15.
Canada
Ayon sa mga mananaliksik sa Montreal, ang mga batang may mga magulang na sobrang istrikto—na gumagawa ng mahihigpit na tuntunin pero hindi mapagmahal sa kanilang mga anak—ay 30 porsiyentong mas malamang na maging sobrang taba kaysa sa mga batang may mga magulang na balanse sa pagpapakita ng pagmamahal at disiplina.
ALAM MO BA? Ang pinakamagandang paraan ng pagpapalaki sa mga anak ay tinukoy ng Bibliya daan-daang taon na ang nakararaan.—Colosas 3:21.
Netherlands
Sa isang pag-aaral sa mga pamilyang Dutch kung saan parehong nagtatrabaho ang mga magulang, napatunayan na ang mga magulang na pinaghihiwalay ang trabaho at pananagutan sa pamilya ay may mas magandang kaugnayan sa kanilang mga anak kaysa sa mga magulang na hinahayaan ang trabaho na makasagabal sa pananagutan nila sa pamilya. Halimbawa, kapag ang mga magulang ay tumatawag sa telepono dahil sa trabaho kahit nasa bahay na sila, hindi nila maibibigay ang atensiyong kailangan ng kanilang mga anak.
PAG-ISIPAN: “Sa lahat ng bagay ay may [pinakamabuting] takdang panahon.”—Eclesiastes 3:1.