Kapag May Sakit ang Isang Minamahal
“Nang malapit nang i-release si Daddy mula sa ospital, hiniling namin sa doktor niya na pag-usapan namin ang mga resulta ng blood test ni Daddy. Sinabi ng doktor na normal naman ang mga ito, pero tiningnan pa rin niya. Nagulat siya dahil dalawa sa resulta ay lampas sa normal! Nag-sorry siya at tumawag ng espesyalista. Magaling na si Daddy ngayon, pero ’buti na lang nagtanong kami!”—Maribel.
Nakaka-stress talaga ang magpatingin sa doktor at maospital. Gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Maribel, napakahalaga ng tulong ng isang kaibigan o kamag-anak dahil maaaring ito ang magligtas sa buhay ng pasyente. Paano mo matutulungan ang isang mahal sa buhay na may sakit?
Bago magpatingin. Tulungan ang pasyente na ilista ang kaniyang mga sintomas, pati na ang mga gamot o supplement na iniinom niya. Isulat din ang mga dapat itanong sa doktor. Tulungan ang pasyente na maalaala ang mga detalye ng kaniyang pagkakasakit o ang family history nito. Huwag isiping alam na ng doktor ang mga detalyeng iyon o na magtatanong siya tungkol dito.
Habang nagpapatingin. Tiyaking naiintindihan mo at ng pasyente ang sinasabi ng doktor. Magtanong, pero huwag maging mapaggiit. Hayaan ang pasyente na magtanong at magsalita para sa kaniyang sarili. Makinig na mabuti, at kumuha ng nota. Magtanong tungkol sa mapagpipiliang paggamot. Sa ilang kaso, makabubuting payuhan ang pasyente na magpa-second opinion.
Matapos magpatingin. Repasuhin sa pasyente ang napag-usapan ninyo ng doktor. Tiyaking makakuha siya ng tamang gamot. Himukin siya na inumin ang gamot ayon sa reseta at ipagbigay-alam agad sa doktor ang anumang masamang epekto ng gamot. Payuhan ang pasyente na maging positibo, at himukin siyang sundin ang karagdagang tagubilin, gaya ng mga follow-up treatment. Tulungan siyang alamin pa ang tungkol sa kaniyang sakit.
Sa Ospital
Maging kalmado at alerto. Kapag ia-admit na sa ospital ang pasyente, baka mag-alala siya at panghinaan ng loob. Kung kalmado ka at alerto, matutulungan mo ang lahat na maging relaks at makaiwas sa mga pagkakamali. Tiyaking napunan nang tama ang mga admittance form. Igalang ang karapatan ng pasyente na magpasiya para sa kaniyang sarili. Kung hinang-hina siya at hindi kayang gawin iyon, igalang ang kaniyang nasusulat na mga kahilingan at ang awtoridad ng kaniyang pinakamalapít na kamag-anak o kinatawan. *
Magkusa. Huwag mag-atubiling magsalita. Ang iyong kagalang-galang na hitsura at magandang asal ay makatutulong para asikasuhin ng mga doktor at nars ang iyong pasyente at baka pagbutihin pa nila ang pangangalaga sa kaniya. Sa maraming ospital, iba’t ibang doktor ang tumitingin sa pasyente. Matutulungan mo sila kung ipagbibigay-alam mo sa kanila ang nasabi ng iba pang staff. Kilalá mo ang pasyente, kaya itawag-pansin sa doktor ang anumang pagbabagong nakita mo sa pangangatawan o pag-iisip ng pasyente.
Maging magalang at magpasalamat. Nakaka-stress ang trabaho ng mga staff sa ospital. Pakitunguhan sila gaya ng gusto mong pakikitungo sa iyo. (Mateo 7:12) Igalang ang kanilang edukasyon at karanasan, magtiwala sa kanilang kakayahan, at pasalamatan ang kanilang mga ginagawa. Lalo nilang pagbubutihin ang kanilang trabaho kung pinahahalagahan sila.
Lahat ng tao ay nagkakasakit. Pero kung magpaplano ka at handang tumulong, maaalalayan mo ang isang kaibigan o kamag-anak sa kaniyang mahirap na pinagdaraanan.—Kawikaan 17:17.
^ par. 8 Depende sa lugar, iba-iba ang mga batas at kaugalian pagdating sa mga karapatan at tungkulin ng pasyente. Tiyaking kumpleto at updated ang mga dokumento ng pasyente na naglalaman ng kaniyang mga kahilingan.