Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Kakayahan ng mga Halaman sa Matematika

Ang Kakayahan ng mga Halaman sa Matematika

ANG mga halaman ay gumagamit ng masalimuot na prosesong tinatawag na photosynthesis para makakuha ng enerhiya mula sa sikat ng araw at makagawa ng pagkain. Ipinakikita ng mga pag-aaral sa ilang species na may iba pa silang ginagawa—kinakalkula nila ang pinakatamang bilis ng pagkonsumo ng pagkain sa magdamag.

Pag-isipan ito: Sa maghapon, ginagamit ng mga halaman ang carbon dioxide sa atmospera para gawing starch at asukal. Sa gabi naman, ginagamit ng maraming species ang starch na naimbak nila sa maghapon bilang pagkain at para patuloy silang lumaki. Gayundin, pinoproseso nila ang naimbak na starch nang tamang-tama—hindi sobrang bilis at hindi rin naman sobrang bagal—kaya pagdating ng madaling-araw, mga 95 porsiyento na ang nagamit nila, at magsisimula na naman silang gumawa ng starch.

Ang mga tuklas na ito ay batay sa ginawang eksperimento sa isang halamang kabilang sa pamilya ng mustasa na tinatawag na Arabidopsis thaliana. Natuklasan ng mga mananaliksik na tinitipid ng halamang ito ang naimbak niyang pagkain para tumagal iyon sa magdamag, ito man ay 8, 12, o 16 na oras bago magmadaling-araw. Maliwanag, hinahati-hati ng halamang ito ang starch depende sa dami ng natitirang oras, kung kaya tamang-tama ang bilis ng pagkonsumo nito.

Paano nalalaman ng mga halaman kung gaano karami ang iimbakin nilang starch? Paano sila nagbibilang ng oras? At anong mekanismo ang tumutulong sa kanila sa pagkalkula? Higit pang pagsasaliksik ang kailangan para masagot ang mga tanong na iyan.

Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng mga halaman sa matematika ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?