Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | GAWING MAPAYAPA ANG INYONG TAHANAN

Kung Paano Itataguyod ang Kapayapaan sa Pamilya

Kung Paano Itataguyod ang Kapayapaan sa Pamilya

SA PALAGAY mo, makatutulong ba ang Bibliya para maitaguyod ang kapayapaan sa pamilya? Ikumpara ang sinasabi ng Bibliya sa sinasabi ng mga ininterbyu na nakatulong sa kanila. Pag-isipan kung anong mga punto ang makatutulong sa iyo para maiwasan ang pagtatalo, mapanatili ang kapayapaan, at tumibay ang ugnayan sa isa’t isa.

MGA SIMULAIN SA BIBLIYA NA NAGTATAGUYOD NG KAPAYAPAAN

MAGKAROON NG POSITIBONG PANANAW SA ISA’T ISA.

“Hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”Filipos 2:3, 4.

“Nakita namin na mabuting ituring ang iyong asawa na mas mahalaga kaysa sa iyong sarili at sa iba.”—C. P., 19 na taon nang kasal.

MAKINIG NA MABUTI AT MAGING BUKÁS ANG ISIP.

“Patuloy mo silang paalalahanan na . . . huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”Tito 3:1, 2.

“Maiiwasan natin ang tensiyon kung hindi tayo sasagot nang pagalít sa ating asawa. Mahalagang makinig nang hindi nanghuhusga, at igalang ang kaniyang pananaw kahit hindi tayo sang-ayon dito.”—P. P., 20 taon nang kasal.

LINANGIN ANG PAGKAMATIISIN AT KAHINAHUNAN.

“Dahil sa pagkamatiisin ay nagaganyak ang kumandante, at ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.”Kawikaan 25:15.

“Hindi maiiwasan ang di-pagkakasundo, pero nakadepende sa atin ang magiging resulta nito. Kailangan nating maging mapagpasensiya para maayos ang mga problema.”—G. A., 27 taon nang kasal.

IWASAN ANG BERBAL O PISIKAL NA PANANAKIT.

“Alisin nga ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.”Colosas 3:8.

“Hanga ako sa pagpipigil sa sarili ng asawa ko. Palagi siyang kalmado, at hindi niya ako sinisigawan o ipinapahiya.”—B. D., 20 taon nang kasal.

MAGING HANDANG MAGPATAWAD AT AYUSIN AGAD ANG DI-PAGKAKASUNDO.

“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”Colosas 3:13.

“Kapag nai-stress ka, mahirap maging kalmado, at madali kang makapagsalita o makagawa ng mga bagay na makakasakit sa asawa mo. Kapag nangyari iyan, mahalagang maging mapagpatawad. Ang matagumpay na pag-aasawa ay imposible kung walang pagpapatawad.” —A. B., 34 na taon nang kasal.

UGALIIN ANG PAGBIBIGAY AT ANG PAGBABAHAGI SA IBA.

“Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo. . . . Sapagkat ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.”Lucas 6:38.

“Alam ng mister ko kung ano ang nagpapasaya sa akin, at lagi siyang may mga sorpresa. Kaya naman malimit kong pinag-iisipan, ‘Paano ko kaya siya mapapasaya?’ Dahil diyan, madalas kaming magtawanan, at ganiyan pa rin kami hanggang ngayon.”—H. K., 44 na taon nang kasal.

HUWAG SUMUKO SA PAGTATAGUYOD NG KAPAYAPAAN SA PAMILYA

Ang mga ininterbyung ito ng Gumising! ay ilan lamang sa milyon-milyong tao na natulungan ng Bibliya na magkaroon ng mga katangiang kailangan para maging mas mapayapa ang pamilya. * Kahit parang hindi nakikipagtulungan ang ilang kapamilya, nakikita nilang sulit pa rin ang pagiging mapagpayapa, dahil nangangako ang Bibliya: “Yaong mga nagpapayo [o, nagtataguyod] ng kapayapaan ay may kasayahan.”—Kawikaan 12:20.

^ par. 24 Para sa higit pang impormasyon kung paano magiging maligaya ang buhay pampamilya, tingnan ang kabanata 14 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.pr418.com/tl. Tingnan din sa TURO NG BIBLIYA > TULONG PARA SA PAMILYA.