Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | GAWING MAPAYAPA ANG INYONG TAHANAN

Pagtatalo ng Pamilya—Bakit Ito Nangyayari?

Pagtatalo ng Pamilya—Bakit Ito Nangyayari?

“MADALAS kaming magtalo dahil sa pera,” ang sabi ni Sarah * na taga-Ghana at 17 taon nang kasal kay Jacob. Sinabi niya: “Naiinis ako dahil wala man lang nababanggit sa akin si Jacob pagdating sa pera, samantalang ako naman halos ang nag-aasikaso sa aming pamilya. Ilang linggo kaming hindi nagkikibuan.”

“Oo nga,” ang sagot ni Jacob, “may mga panahong nagbabatuhan kami ng masasakit na salita. Karaniwan nang dahil ito sa di-pagkakaunawaan at sa kakulangan ng magandang pag-uusap. Nagkakaroon din ng pagtatalo kapag sobra ang reaksiyon namin sa mga sitwasyon.”

Ikinuwento ng bagong kasal na si Nathan na taga-India, kung ano ang nangyari nang sigawan ng kaniyang biyenang lalaki ang asawa nito. “Nagalit ang biyenan kong babae,” ang sabi niya, “at umalis ng bahay. Nang tanungin ko ang biyenan kong lalaki kung bakit siya sumigaw, akala niya, iniinsulto ko siya. Nalaman ko na lang, kami palang lahat ang sinisigawan niya.”

Marahil napansin mo rin kung paanong ang isang salitang binitiwan sa maling paraan o maling panahon ay puwedeng mauwi sa malubhang pagtatalo sa loob ng tahanan. Baka ang maayos na pag-uusap ay biglang mauwi sa pagtatalo. Walang sinuman ang nakapagsasabi ng tamang salita sa lahat ng panahon, kaya madali sa atin na mabigyan ng maling pakahulugan ang sinasabi ng iba o pagdudahan ang motibo nila. Pero posible pa rin ang kapayapaan at pagkakaisa.

Ano ang puwede mong gawin kapag nagkaroon ng mainitang pagtatalo? Anong mga hakbang ang makatutulong para maibalik ang kapayapaan sa inyong pamilya? Paano mapananatili ng mga pamilya ang kapayapaan sa loob ng tahanan? Basahin ang susunod na mga artikulo.

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa mga artikulong ito.