Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kilala Mo Ba ang mga Saksi ni Jehova?

Kilala Mo Ba ang mga Saksi ni Jehova?

Nakikita mo kaming nangangaral. Baka nabasa mo sa diyaryo o narinig sa iba ang tungkol sa amin. Pero gaano mo kakilala ang mga Saksi ni Jehova?

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Sagutin kung tama o mali.

TAMA MALI

  1. Ang mga Saksi ni Jehova ay mga Kristiyano.

  2. Ang mga Saksi ni Jehova ay mga creationist.

  3. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpapagamot.

  4. Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala sa buong Bibliya.

  5. Sariling salin lang ng Bibliya ang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova.

  6. Binabago ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang Bibliya para umayon sa mga paniniwala nila.

  7. Walang naitutulong sa komunidad ang mga Saksi ni Jehova.

  8. Hindi nirerespeto ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao na may ibang relihiyon.

Tingnan ang mga sagot sa sumusunod na mga pahina.

  1. 1 TAMA. Sinisikap naming sundin ang mga turo ni Jesu-Kristo at tularan ang paggawi niya. (1 Pedro 2:21) Pero marami kaming pagkakaiba sa ibang relihiyon na tinatawag ding Kristiyano. Halimbawa, natutuhan namin na itinuturo ng Bibliya na si Jesus ay Anak ng Diyos; hindi siya bahagi ng isang Trinidad. (Marcos 12:29) Hindi kami naniniwalang imortal ang kaluluwa o na may anumang basehan sa Bibliya para sabihing ang mga tao ay pinahihirapan ng Diyos sa impiyerno nang walang hanggan. Hindi rin kami naniniwalang ang mga nangunguna sa relihiyosong mga gawain ay dapat bigyan ng mga nakatataas na titulo.—Eclesiastes 9:5; Ezekiel 18:4; Mateo 23:8-10.

  2. 2 MALI. Naniniwala kami na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Pero hindi kami sang-ayon sa mga naniniwala sa creationism. Bakit? Dahil salungat sa Bibliya ang marami sa mga ideya ng mga creationist. Halimbawa, iginigiit ng ilan na ang anim na araw ng paglalang ay literal na araw na may 24 na oras. Pero sa Bibliya, ang salitang “araw” ay maaaring tumukoy sa isang mahabang yugto ng panahon. (Genesis 2:4; Awit 90:4) Itinuturo din ng ilang creationist na ang lupa ay ilang libong taon pa lang na umiiral. Pero ayon sa Bibliya, ang lupa at uniberso ay matagal nang umiiral bago pa ang anim na araw ng paglalang. 1Genesis 1:1.

  3. 3 MALI. Nagpapagamot din kami. Sa katunayan, ang ilan sa amin ay mga doktor, gaya ng unang-siglong Kristiyano na si Lucas. (Colosas 4:14) Pero tinatanggihan namin ang anumang panggagamot na salungat sa simulain ng Bibliya. Halimbawa, hindi kami nagpapasalin ng dugo, dahil ipinagbabawal ng Bibliya ang pagpapasok ng dugo sa loob ng katawan.—Gawa 15:20, 28, 29.

    Pero humahanap kami ng pinakamahusay na paraan ng panggagamot para sa amin at sa pamilya namin. Sa katunayan, ang hindi pagsasalin ng dugo na ginagawa sa mga pasyenteng Saksi ay ginagawa na rin ngayon sa ibang mga pasyente. Sa maraming bansa, makapipili na ang mga pasyente na huwag magpasalin ng dugo para maiwasan ang mga panganib na dulot nito, gaya ng mga sakit na nakukuha sa dugo, komplikasyon, at mga pagkakamali sa pagsasagawa nito.

  4. 4 TAMA. Naniniwala kami na ang buong Bibliya ay “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Timoteo 3:16) Binubuo iyan ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, gaya ng karaniwang tawag dito. Pero tinatawag naming Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga bahaging ito ng Bibliya. Sa ganitong paraan, naiiwasan naming magbigay ng ideya na ang ilang bahagi ng Bibliya ay lipas na o hindi na praktikal.

  5. 5 MALI. Gumagamit kami ng iba’t ibang salin sa pag-aaral ng Bibliya. Pero gustong-gusto naming gamitin ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, sa mga wikang available ito, dahil sa paggamit nito sa pangalan ng Diyos, at sa pagiging tumpak at malinaw. Tingnan natin ang paggamit nito sa pangalan ng Diyos na Jehova. Sa introduksiyon ng isang salin ng Bibliya, nakalista rito ang pangalan ng 79 na taong nakatulong sa produksiyon nito. Pero inalis sa saling ito ang pangalan ng mismong Awtor ng Bibliya—ang Diyos na Jehova! Sa kabaligtaran, isinauli naman ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalan ng Diyos sa libo-libong lugar kung saan ito lumitaw sa orihinal na teksto. 2

  6. 6 MALI. Kapag nakita naming hindi lubusang kasuwato ng Bibliya ang paniniwala namin, binabago namin ang aming pagkaunawa. Bago pa man namin ilathala ang New World Translation of the Holy Scriptures noong 1950, gumagamit na kami ng iba’t ibang salin at bumubuo ng mga paniniwala batay roon.

  7. 7 MALI. Marami ang nakikinabang sa aming ministeryo. Marami na kaming natulungan na mapaglabanan ang kanilang mga bisyo, tulad ng pag-abuso sa droga at alak. Libo-libo, sa buong mundo, ang natutong bumasa at sumulat dahil sa aming mga klase sa pagtuturo. Tumutulong din kami kapag may mga sakuna. Naglalaan kami ng mga pangangailangan ng mga biktima, Saksi man sila o hindi. Sinisikap naming mabigyan sila ng emosyonal at espirituwal na pampatibay na kailangang-kailangan nila sa mga pagkakataong iyon. 3

  8. 8 MALI. Sinusunod namin ang payo ng Bibliya na “igalang . . . ang lahat ng tao”—anuman ang kanilang relihiyon. (1 Pedro 2:17, Magandang Balita Biblia) Halimbawa, may mga bansang libo-libo ang bilang namin, pero hindi namin ginigipit ang mga politiko at mambabatas na ipagbawal ang ibang relihiyon. Hindi rin kami nangangampanya na maglabas ng mga batas na mag-oobliga sa mga tao na sundin ang aming paninindigan sa moral at relihiyon. Sa halip, nirerespeto namin ang ibang relihiyon kung paanong pinahahalagahan din namin ang respetong ibinibigay nila sa amin.—Mateo 7:12.

Ang artikulong ito ay naglalaman ng mga impormasyon mula sa aming website na jw.org/tl. Para sa higit pang impormasyon, magpunta sa TUNGKOL SA AMIN > KARANIWANG MGA TANONG.

^ 1. Sa dahilang ito, hindi kami tumututol—di-gaya ng ilang creationist—sa maaasahang pagsasaliksik ng siyensiya na nagsasabing ang lupa ay maaaring bilyon-bilyong taon nang umiiral.

^ 2. May isa pang pagkakaiba ang Bagong Sanlibutang Salin: Ipinamamahagi ito nang walang bayad. Dahil dito, milyon-milyon ang nakapagbabasa ng Bibliya sa kanilang sariling wika. Ang Bagong Sanlibutang Salin ay available na ngayon sa mga 130 wika. Puwede mo ring basahin ito online sa www.pr418.com/tl.

^ 3. Ang isang paraan ng paggamit namin sa mga donasyon ay ang paglalaan ng tulong sa mga biktima ng sakuna. (Gawa 11:27-30) Dahil hindi binabayaran ang mga boluntaryo sa gawaing ito, direktang nagagamit ang nakalaang pondo sa aktuwal na pagbibigay ng tulong, at hindi sa pagpapasahod.