Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Depresyon sa mga Kabataan—Mga Dahilan at Panlaban

Depresyon sa mga Kabataan—Mga Dahilan at Panlaban

“KAPAG sinusumpong ako ng depresyon,” ang sabi ni Anna, * “wala akong interes sa mga bagay-bagay, kahit pa nga sa mga gustong-gusto kong gawin. Ang gusto ko lang ay matulog. Madalas, pakiramdam ko walang nagmamahal sa akin, wala akong halaga, at pabigat lang ako sa iba.”

“Inisip ko nang magpakamatay,” ang naaalaala ni Julia. “Ayaw ko naman talagang mamatay. Ayaw ko lang ng ganitong pakiramdam. Mapagmahal naman talaga ako, pero kapag nadedepres ako, wala na akong pakialam sa mundo.”

Si Anna ay nasa mga edad 13 at si Julia ay mga 14 anyos nang una nilang maranasan ang depresyon. Paminsan-minsan, nakadarama ng kalungkutan ang mga kabataan. Pero ang nararanasang depresyon nina Anna at Julia ay pabalik-balik at nagtatagal nang ilang linggo o ilang buwan. “Para kang nasa malalim at madilim na hukay, at hindi ka makaahon,” ang sabi ni Anna. “Para kang masisiraan ng ulo, at hindi mo kilala ang sarili mo.”

Hindi lang sina Anna at Julia ang biktima ng depresyon. Sa totoo lang, nakaaalarma ang pagdami ng mga kabataang may depresyon, at ito “ang pangunahing dahilan ng pagkakasakit at kapansanan sa mga lalaki’t babae na edad 10 hanggang 19,” ang sabi ng World Health Organization (WHO).

Maaaring lumitaw sa panahon ng pagdadalaga’t pagbibinata ang mga sintomas ng depresyon, gaya ng pagbabago sa pagtulog, gana sa pagkain, at timbang. Puwede ring madama ng isa ang kalungkutan, mababang pagtingin sa sarili, at na wala siyang halaga at pag-asa. Madalas na gusto niyang mapag-isa, hindi siya makapag-concentrate o madaling makalimot, nag-iisip o nagtatangkang magpakamatay, at may iba pang sintomas na di-maipaliwanag ng medisina. Kapag ang mga mental-health professional ay nagsuspetsa na may depresyon ang isa, karaniwan nang tinitingnan nila ang kombinasyon ng mga sintomas na tumatagal nang ilang linggo at nakaaapekto na sa kaniyang araw-araw na rutin.

DEPRESYON SA MGA KABATAAN—POSIBLENG DAHILAN

Ayon sa WHO, ang depresyon ay resulta ng maraming pinagsama-samang sanhi. Maaaring epekto ito ng pagtrato ng ibang tao, stress, o pisikal na salik.

Pisikal na salik. Kadalasan nang namamana ang depresyon, gaya sa kaso ni Julia. Ipinakikita nito na ang genes ay may malaking papel, at malamang na nakaaapekto sa kemikal na proseso sa utak. Maaari ding salik ang sakit sa puso, pabago-bagong hormone level, at patuloy na pag-abuso sa substansiya na maaaring maging sanhi o magpalala sa depresyon. *

Stress. Totoong nakabubuti ang kaunting stress. Pero kapag tuloy-tuloy o sobra na ang stress, makasasama ito sa katawan at isip na kung minsan ay nagiging sanhi ng depresyon sa isang kabataang dumaranas ng mga pagbabago sa katawan. Gayunman, hindi pa rin matukoy ang eksaktong sanhi ng depresyon at maaaring hindi lang iisa ang dahilan, gaya ng nabanggit na.

Ang ilang sanhi ng stress na maaaring mauwi sa depresyon ay ang paghihiwalay o pagdidiborsiyo ng mga magulang, pagkamatay ng mahal sa buhay, pisikal o seksuwal na pang-aabuso, malubhang aksidente, pagkakasakit, o problema sa pagkatuto—lalo na kapag nadama ng isa na nilalayuan siya dahil dito. Nakaka-stress din kapag sobrang taas ang inaasahan ng magulang sa anak, gaya ng maging honor student. Posibleng dahilan din ang pambu-bully, pagkabahala sa kinabukasan, malayo ang loob sa nadedepres na magulang, at pabago-bagong pakikitungo ng magulang. Kung madepres ang isang kabataan, ano ang makatutulong?

ALAGAAN ANG IYONG ISIP AT KATAWAN

Karaniwan nang nakukuha sa gamot at counseling ng isang mental-health professional ang di-gaanong malala o malalang depresyon. * Sinabi ni Jesu-Kristo: “Yaong malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi yaong mga may karamdaman.” (Marcos 2:17) At puwedeng maapektuhan ng sakit ang anumang bahagi ng ating katawan, pati na ang utak natin! Makabubuti rin kung babaguhin natin ang ating lifestyle dahil magkaugnay ang ating isip at katawan.

Kung may depresyon ka, gumawa ng hakbang para alagaan ang kalusugan mo. Halimbawa, kumain ng masusustansiyang pagkain, matulog nang sapat, at regular na mag-ehersisyo. Napalalabas ng ehersisyo ang mga kemikal na magpapaganda sa mood mo, magpapalakas sa iyo, at magpapasarap sa tulog mo. Kung posible, alamin ang nagiging dahilan o mga senyales na susumpungin ka ng depresyon at gumawa ng mga hakbang para maiwasan ito. Makipag-usap sa isang mapagkakatiwalaan mo. Makatutulong ang pagdamay ng mga kapamilya at kaibigan para mas makayanan mo ang depresyon, at posibleng mabawasan ang sintomas nito. Isulat sa diary kung ano ang iniisip at nadarama mo—ito ang nakatulong kay Julia. Higit sa lahat, tiyaking nasasapatan ang espirituwal na pangangailangan mo. Mapagaganda nito ang pananaw mo sa buhay. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.

Kumain nang mabuti, mag-ehersisyo, at matulog nang sapat

Malaking tulong ang pagkakaroon ng kaugnayan sa Diyos

Napatunayan iyan nina Anna at Julia. Sinabi ni Anna: “Natulungan ako ng mga gawaing may kaugnayan sa Diyos na magtuon ng pansin sa ibang tao, hindi lang sa problema ko. Hindi iyan madaling gawin, pero naging mas masaya ako.” Nakatulong naman kay Julia ang pananalangin at pagbabasa ng Bibliya. “Kapag ibinubuhos ko ang laman ng puso ko sa Diyos, gumagaan ang loob ko,” ang sabi niya. “At dahil sa Bibliya, nakita ko na mahalaga ako sa Diyos at nagmamalasakit siya sa akin. Dahil din sa pagbabasa ng Bibliya, naging positibo ang pananaw ko sa hinaharap.”

Ang Diyos na Jehova ang lumikha sa atin, kaya lubos niyang nauunawaan na nakaaapekto sa ating pananaw at nadarama ang ating kinalakhan, karanasan sa buhay, at ang ating genes. Kayang-kaya niya tayong alalayan. Puwede niyang udyukan ang sinumang may simpatiya para tulungan tayo. Hindi lang iyan, darating din ang panahon na pagagalingin ng Diyos ang lahat ng iniinda nating sakit. “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit,’” ang sabi sa Isaias 33:24.

Nangangako ang Diyos na “papahirin niya ang bawat luha sa [ating] mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Talagang nakapagpapatibay iyan! Kung gusto mo ng higit pang impormasyon tungkol sa layunin ng Diyos para sa mga tao at sa lupa, magpunta sa jw.org/tl. Makikita mo doon ang isang napakagandang Bibliya, pati na ang mga artikulo na may iba’t ibang paksa, kasama na ang tungkol sa depresyon.

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

^ par. 10 Daan-daang uri ng sakit, gamot, at ilegal na droga ang maaaring makaapekto sa mood ng isang tao. Kaya talagang kailangan ang tamang panggagamot.

^ par. 14 Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang panggagamot o therapy.