ANG DAAN NG KALIGAYAHAN
Pagiging Kontento at Bukas-Palad
ILANG BESES MO NANG NARINIG NA NASUSUKAT ANG KALIGAYAHAN AT TAGUMPAY SA DAMI NG PERA AT ARI-ARIAN? Dahil sa kaisipang iyan, milyon-milyon ang nagkukumahog sa trabaho para kumita ng maraming pera. Pero pera ba at ari-arian ang nakapagbibigay ng tunay na kaligayahan? Ano ang ipinakikita ng ebidensiya?
Ayon sa Journal of Happiness Studies, kapag mayroon na tayong mga pangunahing pangangailangan, halos wala nang epekto sa ating kaligayahan ang pagkakaroon ng karagdagang pera. Hindi naman pera ang problema kundi ang “paghahangad nito na nauuwi sa kalungkutan,” ang sabi ng isang artikulo sa magasing Monitor on Psychology. Katulad na katulad ito ng payo sa Bibliya halos dalawang libong taon na ang nakararaan: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay . . . napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:9, 10) Ano ang mga kirot na ito?
PAG-AALALA AT HIRÁP SA PAGTULOG DAHIL SA KAYAMANAN. “Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.”—Eclesiastes 5:12.
PAGKADISMAYA KAPAG HINDI DUMATING ANG INAASAHAN MONG MAKAPAGPAPASAYA SA IYO. Karaniwan nang nagiging dahilan ng pagkadismaya ang paghahangad ng pera dahil wala itong katapusan. “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.” (Eclesiastes 5:10) Kapag ang isa ay naghahangad din ng kayamanan, maaaring maisakripisyo niya ang mahahalagang bagay na magdudulot sana ng kaligayahan, gaya ng masayang pakikipagsamahan sa pamilya at mga kaibigan o paglalaan ng panahon para sa Diyos.
PANLULUMO DAHIL SA NALUGING PERA O INVESTMENT. “Huwag kang magpagal upang magtamo ng kayamanan. Tumigil ka sa iyong sariling pagkaunawa. Isinulyap mo ba rito ang iyong mga mata, gayong ito ay walang anuman? Sapagkat walang pagsalang gumagawa ito ng mga pakpak para sa kaniyang sarili na tulad ng sa agila at lumilipad.”—Kawikaan 23:4, 5.
MGA KATANGIANG NAGDUDULOT NG KALIGAYAHAN
PAGIGING KONTENTO. “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:7, 8) Karaniwan na, ang mga taong kontento ay hindi mareklamo kaya naiiwasan nilang mainggit. At dahil kontento na sila sa kung ano ang mayroon sila, naiiwasan nila ang di-kinakailangang kabalisahan at stress.
PAGIGING BUKAS-PALAD. “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Maligaya ang mga bukas-palad dahil napasasaya nila ang iba, kahit kaunting oras at lakas lang ang nailalaan nila. Sagana sila sa mga bagay na hindi nabibili ng pera—pag-ibig, respeto, at mga tunay na kaibigan na bukas-palad din!—Lucas 6:38.
PAG-UNA SA KAPUWA KAYSA SA MATERYAL NA MGA BAGAY. “Mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.” (Kawikaan 15:17) Ang punto? Mas mahalaga ang kaugnayan natin sa iba kaysa sa kayamanan. Ang pag-ibig, gaya ng tatalakayin sa susunod na mga artikulo, ay mahalaga para maging maligaya.
Natutuhan ni Sabina, taga-South America, ang kahalagahan ng mga prinsipyo sa Bibliya. Iniwan siya ng mister niya at nahirapan siyang ilaan ang mga pangangailangan niya at ng kaniyang dalawang anak. Dalawa ang trabaho niya at gumigising siya ng alas-kuwatro ng umaga araw-araw. Kahit nakapapagod ang kaniyang iskedyul, nagpasiya siyang mag-aral ng Bibliya. Ano ang resulta?
Hindi nagbago ang kalagayan niya sa buhay. Pero malaki ang ipinagbago ng pananaw niya! Halimbawa, naging maligaya siya dahil nasapatan ang kaniyang espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Nakakita siya ng mga tunay na kaibigan sa mga kapananampalataya niya. At nagiging maligaya siya kapag ibinabahagi niya sa iba ang mga natututuhan niya.
Sinasabi ng Bibliya na ang “karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Kaya ang pagiging kontento, bukas-palad, at pag-una sa kapuwa kaysa sa materyal na mga bagay ay napatutunayang matuwid!