Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG DAAN NG KALIGAYAHAN

Pagpapatawad

Pagpapatawad

“NOONG BATA PA AKO, PANGKARANIWAN SA PAMILYA NAMIN ANG PANG-IINSULTO AT SIGAWAN,” ang sabi ni Patricia. “Hindi ako nagpapatawad. Kahit adulto na ako, ilang araw kong iniisip-isip ang pagkakamali ng iba, kaya hindi ako nakakatulog.” Oo, ang buhay na punô ng galit at hinanakit ay hindi masaya o maganda sa kalusugan. Sa katunayan, ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga taong hindi nagpapatawad ay maaaring . . .

  • Lumayo o layuan ng iba at malungkot dahil hinahayaan nila ang galit o samâ ng loob na sirain ang kaugnayan nila sa iba

  • Maging maramdamin, balisa, o madepres nang sobra

  • Masyadong magpokus sa pagkakamali kaya hindi na nila na-e-enjoy ang buhay

  • Makadama ng lungkot dahil alam nilang hindi nila nagagawa ang tama

  • Makaranas ng stress at mas malaki ang tsansa nilang magkaroon ng sakit, gaya ng high blood, sakit sa puso, arthritis, at sakit ng ulo *

ANO ANG PAGPAPATAWAD? Ang pagpapatawad ay nangangahulugan ng pagpapalampas ng kasalanan, hindi pagtatanim ng galit o samâ ng loob at hindi pag-iisip na makapaghiganti. Hindi naman ibig sabihin na kinukunsinti o minamaliit natin ang pagkakamali o nagbubulag-bulagan tayo. Sa halip, ang pagpapatawad ay isang pasiya na pinag-isipang mabuti para mapanatili ang kapayapaan at magandang kaugnayan sa iba.

Maunawain din ang taong nagpapatawad dahil alam niya na ang lahat ay nagkakamali, o nagkakasala, sa salita at gawa. (Roma 3:23) Makikita iyan sa sinasabi ng Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”—Colosas 3:13.

Kaya makatuwirang isipin na ang pagpapatawad ay isang mahalagang bahagi ng pag-ibig, ang “sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Sa katunayan, ayon sa website ng Mayo Clinic, ang pagpapatawad ay . . .

  • Nagdudulot ng mas magandang kaugnayan sa iba, pati na ng pagkadama ng empatiya, pagiging maunawain, at pagkahabag sa nagkasala

  • Nakabubuti sa isip at espirituwalidad

  • Nakababawas ng kabalisahan, stress, at hinanakit

  • Nakababawas ng sintomas ng depresyon

PATAWARIN ANG SARILI. Posibleng ang pagpapatawad sa sarili “ang pinakamahirap gawin,” pero ito “ang pinakamahalaga sa kalusugan”—sa mental at pisikal—ayon sa babasahing Disability & Rehabilitation. Ano ang tutulong para mapatawad mo ang iyong sarili?

  • Huwag mong isipin na magagawa mo ang lahat nang tama, sa halip, dapat mong tanggapin na ang lahat ng tao ay nagkakamali.—Eclesiastes 7:20.

  • Matuto sa iyong pagkakamali para maiwasan mong maulit iyon

  • Maging matiisin sa sarili; hindi naman agad mawawala ang iyong kahinaan at di-magagandang nakaugalian.—Efeso 4:23, 24

  • Makipagkaibigan sa mga taong nakapagpapasigla, positibo, at mabait pero hindi ka kinukunsinti.—Kawikaan 13:20

  • Kapag nasaktan mo ang iba, aminin mo iyon at humingi agad ng tawad. Kapag nakipagpayapaan ka, mapapanatag ang loob mo.—Mateo 5:23, 24

TALAGANG KAPAKI-PAKINABANG ANG MGA PRINSIPYO SA BIBLIYA!

Nang mag-aral ng Bibliya si Patricia, na nabanggit sa simula, natuto siyang magpatawad. “Nadama kong malaya na ako sa galit na sumira sa buhay ko,” ang isinulat niya. “Hindi na ako nahihirapan, at ayoko ring mahirapan ang iba. Dahil sa mga prinsipyo sa Bibliya, napatunayan kong mahal tayo ng Diyos at gusto niya ang pinakamabuti para sa atin.”

Sinabi ni Ron: “Hindi ko makokontrol ang iniisip at ginagawa ng iba. Pero makokontrol ko ang sarili ko. Kung gusto kong maging payapa, dapat kong alisin ang hinanakit. Hindi ako puwedeng maghinanakit at kasabay nito ay maging payapa. Ngayon, malinis na ang konsensiya ko.”

^ par. 8 Pinagkunan: Website ng Mayo Clinic at Johns Hopkins Medicine at babasahing Social Psychiatry and Psychiatric Epidemiology.