MAKAKAYANAN MO ANG STRESS
Ano ang Stress?
Ang stress ay ang reaksiyon ng iyong katawan sa isang napakahirap na sitwasyon. Magpapadala ang utak ng napakaraming hormone sa iyong buong katawan. Dahil dito, bibilis ang tibok ng puso mo pati na ang iyong paghinga, tataas ang presyon ng dugo mo, at magkakaroon ng tensiyon sa iyong mga muscle. Pero bago mo pa mapansin ang mga pagbabagong ito, handang-handa na ang buong katawan mo. Kapag natapos na ang nakaka-stress na sitwasyon, babalik na sa normal ang katawan mo.
NAKAKABUTI AT NAKAKASAMANG STRESS
Ang stress ay isang likas na reaksiyon na tutulong sa iyo na maharap ang mahirap o mapanganib na mga sitwasyon. Nagsisimula ang reaksiyong ito sa iyong utak. Nakakabuti ang stress dahil tutulong ito sa iyo na kumilos agad. At kung tama ang antas ng iyong stress, tutulong ito sa iyo na magawa ang mga gusto mong gawin o maging mahusay, halimbawa, sa panahon ng exam, interbyu sa trabaho, o maging sa isport.
Pero ang chronic stress, o matagal at matinding stress, ay makakasamâ sa iyo. Kapag patuloy at paulit-ulit na ang stress mo, posibleng maapektuhan ang iyong pisikal, emosyonal, at mental na kalusugan. Baka magbago rin ang iyong pag-uugali at pakikitungo sa iba. At para makalimutan ang stress, ang ilan ay gumagamit ng droga o nalululong sa ibang bisyo. Baka mauwi pa nga ito sa depresyon, sobra-sobrang pagod o burnout, o sa pagnanais na magpakamatay.
Iba-iba ang epekto ng stress sa bawat tao. Puwede itong maging dahilan ng iba’t ibang sakit at naaapektuhan nito ang halos buong katawan.