Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAKAKAYANAN MO ANG STRESS

Kung Paano Mahaharap ang Stress

Kung Paano Mahaharap ang Stress

Para makayanan mo ang stress, kailangan mong isipin ang iyong kalusugan, pakikitungo sa iba, pati na ang mga tunguhin at priyoridad mo sa buhay—mga bagay na talagang mahalaga. Sa artikulong ito, malalaman mo ang ilang praktikal na prinsipyo na makakatulong sa iyo na maharap o mabawasan pa nga ang stress.

Mamuhay Nang Paisa-isang Araw Lang

“Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw, dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín.”—MATEO 6:34.

Ang ibig sabihin: Bahagi na ng buhay ang mga álalahanín. Pero huwag mo munang alalahanin ang susunod na araw, makadaragdag lang ito sa stress mo ngayon. Kaya mamuhay nang paisa-isang araw lang.

  • Puwede kang mabalisa dahil sa stress. Kaya subukan ito: Una, tanggapin na hindi maiiwasan ang lahat ng stress. Kaya ang pag-aalala sa mga bagay na hindi naman maiiwasan ay makadaragdag lang sa stress mo. Ikalawa, hindi naman laging nangyayari ang mga bagay na ikinakatakot natin.

Maging Makatuwiran sa Inaasahan Mo

“Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.”—SANTIAGO 3:17.

Ang ibig sabihin: Huwag maging perfectionist. Iwasang maging di-makatotohanan sa inaasahan mo sa sarili mo o sa iba.

  • Alamin ang limitasyon mo at ng ibang tao, at maging makatuwiran sa inaasahan mo. Kapag ginawa mo ito, mababawasan ang stress mo at ng iba, at baka maging mas maganda pa ang resulta ng ginagawa ninyo. Maging masayahin din. Kapag tumatawa ka—kahit may mali—mababawasan ang tensiyon at gaganda ang iyong mood.

Alamin Kung Ano ang Nakakapagpa-stress sa Iyo

“Ang may kaunawaan ay nananatiling kalmado.”​—KAWIKAAN 17:27.

Ang ibig sabihin: Hindi ka makakapag-isip nang maayos kapag negatibo ka, kaya relaks ka lang.

  • Alamin ang nagpapa-stress sa iyo at tingnan ang reaksiyon mo. Halimbawa, kapag nai-stress ka, puwede mong isulat ang mga naiisip mo, nadarama mo, at ang ginagawa mo. Kung alam mo ang reaksiyon mo kapag nai-stress ka, mas mahaharap mo ito nang maayos. Pag-isipan din kung paano aalisin ang mga nakakapagpa-stress sa iyo. Kung imposible ito, gumawa ng paraan para mabawasan ang epekto sa iyo ng stress. Puwede mong pag-isipan kung paano mo mapapagaan ang isang gawain o aayusin ang iskedyul mo.

  • Baguhin ang pananaw mo. Baka ang nakakapagpa-stress sa iyo ay hindi naman nakakapagpa-stress sa iba. Kaya depende iyan sa pananaw ng isa. Pag-isipan ang tatlong mungkahing ito:

    1. Huwag agad isiping masama ang motibo ng iba. Halimbawa, may sumingit sa iyo sa pila. Kung iisipin mong kabastusan iyon, maiinis ka lang. Bakit hindi mo isiping may maganda siyang dahilan? Malay mo, tama ka!

    2. Tingnan ang positibo sa isang sitwasyon. Kung matagal kang maghihintay, halimbawa, sa doktor o sa airport, mababawasan ang stress mo kung magbabasa ka o gagawin ang ilang trabaho mo habang naghihintay.

    3. Lawakan ang pananaw mo. Tanungin ang sarili, ‘Mas lalala kaya ang problemang ito bukas o sa susunod na linggo?’ Alamin kung ang problema ay simple at pansamantala lang o kung magiging malaking problema ito sa hinaharap.

Sikaping Maging Maayos

“Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.”​—1 CORINTO 14:40.

Ang ibig sabihin: Sikaping maging organisado.

  • Gusto nating maging organisado sa mga bagay-bagay. Pero kung magpapaliban ka, madaragdagan ang stress mo, at baka humaba lang ang listahan ng mga gawaing hindi mo natatapos. Subukan ang dalawang mungkahing ito:

    1. Gumawa ng makatotohanang iskedyul, at sundin ito.

    2. Alamin at itama ang mga ugaling nagiging dahilan ng pagpapaliban mo.

Maging Balanse

“Mas mabuti ang sandakot na pahinga kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod at paghahabol sa hangin.”​—ECLESIASTES 4:6.

Ang ibig sabihin: Kapag subsob ka sa trabaho, baka hindi ka na masiyahan sa resulta ng “pagpapakapagod” mo. Baka wala ka nang natitirang panahon at lakas para ma-enjoy ang mga pinagpaguran mo.

  • Magkaroon ng balanseng pananaw sa pera at trabaho. Hindi dahil marami kang pera, magiging mas masaya ka na o mababawasan na ang stress mo. Ang totoo, baka kabaligtaran pa nga. “Ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan,” ang sabi ng Eclesiastes 5:12. Kaya sikaping mamuhay ayon sa iyong kakayahan.

  • Magrelaks. Nababawasan ang stress mo kapag ginagawa mo ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo. Pero baka hindi rin makatulong ang libangan na gaya ng basta panonood ng TV.

  • Ilagay sa lugar ang paggamit ng gadyet. Iwasan ang maya’t mayang pagtingin sa mga e-mail, text, o social media. Kung hindi naman kailangan, huwag tingnan ang mga e-mail para sa trabaho kung hindi naman oras ng trabaho.

Alagaan ang Sarili

‘May pakinabang sa pag-eehersisyo.’​—1 TIMOTEO 4:8, talababa.

Ang ibig sabihin: Ang regular na pag-eehersisyo ay nagpapaganda ng kalusugan.

  • Magkaroon ng magandang kaugalian. Kung mag-eehersisyo ka, gagaan ang pakiramdam mo at mas gaganda ang reaksiyon ng katawan mo sa stress. Kumain ng masusustansiyang pagkain at huwag magpalipas ng gutom. Siguraduhing sapat ang pahinga mo.

  • Iwasan ang nakakasamang “solusyon” sa stress, gaya ng paninigarilyo at pag-abuso sa droga at alkohol. Habang tumatagal, lalo ka lang mai-stress dahil posibleng sirain nito ang kalusugan mo at ubusin ang naipon mong pera.

  • Magpatingin sa doktor kapag lumalala na ang stress mo. Hindi ka dapat mahiyang magpatulong sa mga doktor.

Magtakda ng Priyoridad

‘Tiyakin ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.’​—FILIPOS 1:10, talababa.

Ang ibig sabihin: Pag-isipang mabuti ang iyong mga priyoridad.

  • Ilista ang mga gawain mo depende sa kung ano ang pinakamahalaga. Makakatulong ito sa iyo na magpokus sa mas mahahalagang gawain. Makikita mo rin kung alin ang hindi pa kailangang gawin, ang puwede mong ipagawa sa iba, o ang hindi na kailangang gawin.

  • Sa loob ng isang linggo, bantayan kung paano mo ginagamit ang oras mo. Pagkatapos, pag-isipan kung paano mo ito magagamit sa mas mabuting paraan. Kung kontrolado mo ang oras mo, hindi ka laging nagmamadali.

  • Maglaan ng panahon sa pagpapahinga. Ang kaunting pahinga ay makakapagpalakas sa iyo at makakabawas sa stress mo.

Humingi ng Tulong

“Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao, pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.”​—KAWIKAAN 12:25.

Ang ibig sabihin: Ang mabait na mga salita ng iba ay makakapagpagaan ng loob mo.

  • Makipag-usap sa taong makakaunawa sa iyo. Baka matulungan ka niya na tingnan ang mga bagay-bagay sa ibang anggulo o makahanap pa nga kayo ng solusyon. Kapag nasasabi mo sa iba ang niloloob mo, gagaan ang pakiramdam mo.

  • Humingi ng tulong. Puwede mo bang pakiusapan ang iba na tulungan ka sa gawain mo? O baka puwedeng ipakisuyo mo na ito sa kanila.

  • Kung nai-stress ka sa katrabaho mo, pag-isipan kung ano ang magandang gawin. Halimbawa, puwede mo bang sabihin sa kaniya sa mabait at mataktikang paraan ang nararamdaman mo dahil sa kaniya? (Kawikaan 17:27) Kung hindi siya magbago, baka puwede mong bawasan ang panahong kasama mo siya.

Huwag Pabayaan ang Iyong Kaugnayan sa Diyos

“Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”​—MATEO 5:3.

Ang ibig sabihin: Hindi lang pagkain, pananamit, at tirahan ang kailangan natin. Kailangan natin ang Diyos. At para maging masaya, dapat na maging palaisip tayo sa kaugnayan natin sa kaniya.

  • Malaking tulong ang panalangin. Iniimbitahan ka ng Diyos na ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa iyo.’ (1 Pedro 5:7) Ang pananalangin at pag-iisip ng mabubuting bagay ay tutulong sa iyo na magkaroon ng kapayapaan ng isip.​—Filipos 4:6, 7.

  • Magbasa ng mga publikasyon na tutulong sa iyo na mapalapít sa Diyos. Ang mga prinsipyong tinalakay sa magasing ito ay mula sa Bibliya, na isinulat para matulungan tayong mapalapít sa Diyos. Binibigyan din tayo ng Bibliya ng ‘karunungan at kakayahang mag-isip.’ (Kawikaan 3:21) Kaya bakit hindi mo subukang magbasa ng Bibliya? Puwede mong simulan sa aklat ng Kawikaan.