Karunungan Para Magkaroon ng Masayang Pamilya
Ang pag-aasawa at mga anak ay napakagandang regalo mula sa ating Maylalang. Gusto niya na magkaroon tayo ng masayang pamilya. Kaya sa pamamagitan ng isang sinaunang banal na aklat, binigyan niya tayo ng gabay kung paano magiging mas masaya ang pamilya natin. Tingnan ang magagandang payo niya.
Mga Asawang Lalaki, Mahalin ang Inyong Asawang Babae
“Dapat mahalin ng mga asawang lalaki ang kanilang asawang babae na gaya ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kaniyang asawang babae ay nagmamahal sa sarili niya, dahil walang sinumang napopoot sa sarili niyang katawan, kundi pinakakain niya ito at inaalagaan.”—EFESO 5:28, 29.
Ang asawang lalaki ang ulo ng pamilya. (Efeso 5:23) Pero ang isang mabuting asawang lalaki ay hindi malupit o mapaghanap. Pinapahalagahan niya ang asawa niya at inilalaan niya ang materyal at emosyonal na pangangailangan nito. Sinisikap niya ring pasayahin ang asawa niya at hindi niya ipinipilit ang gusto niya. (Filipos 2:4) Sinasabi niya sa asawa niya ang nararamdaman niya at iniisip, at nakikinig din siya sa asawa niya. Hindi siya ‘nagagalit nang husto’ sa misis niya at hindi niya rin ito sinasaktan o pinagsasalitaan ng masama.—Colosas 3:19.
Mga Asawang Babae, Igalang ang Inyong Asawa
“Ang asawang babae . . . ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—EFESO 5:33.
Nagiging payapa ang pamilya kapag iginagalang ng asawang babae ang asawa niya at sinusuportahan ang mga desisyon nito. Kapag nagkamali ang asawa niya, hindi niya ito iniinsulto, kundi nananatili siyang mahinahon at iginagalang pa rin niya ito. (1 Pedro 3:4) Kapag may sasabihin siyang problema, naghahanap siya ng magandang tiyempo para sabihin iyon sa asawa niya sa mabait na paraan.—Eclesiastes 3:7.
Maging Tapat sa Asawa Mo
“Mamumuhay [ang lalaki] kasama ng kaniyang asawang babae, at sila ay magiging isang laman.”—GENESIS 2:24.
Kapag ikinasal ang isang lalaki at isang babae, nagkakaroon sila ng malapít na ugnayan. Kaya dapat nilang sikaping panatilihing matibay ang kanilang pagsasama sa pamamagitan ng pagsasabi ng niloloob nila sa isa’t isa at paggawa ng kabaitan. Dapat din silang maging tapat sa isa’t isa at huwag magkaroon ng seksuwal na kaugnayan sa iba. Napakasakit ang mapagtaksilan. Sinisira nito ang pagtitiwala at ang pamilya.—Hebreo 13:4.
Mga Magulang, Sanayin ang Inyong mga Anak
“Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran; kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.”—KAWIKAAN 22:6.
Ibinigay ng Diyos sa mga magulang ang pananagutang sanayin ang kanilang mga anak. Kasama diyan ang pagtuturo sa kanila ng kagandahang-asal at pagpapakita ng magandang halimbawa sa kanila. (Deuteronomio 6:6, 7) Kapag nakagawa ng mali ang anak niya, hindi siya dapat mag-overreact. “Mabilis [siya] sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal magalit.” (Santiago 1:19) Kapag nakita niya na kailangang disiplinahin ang anak niya, gagawin niya ito hindi dahil galít siya, kundi dahil mahal niya ito.
Mga Anak, Sundin ang Inyong mga Magulang
“Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang . . . ‘Parangalan mo ang iyong ama at ina.’”—EFESO 6:1, 2.
Dapat sundin at igalang ng mga anak ang mga magulang nila. Kapag pinaparangalan nila ang mga magulang nila, nakakatulong sila para maging masaya at payapa ang pamilya. Kapag malalaki na ang mga anak, mapaparangalan nila ang kanilang mga magulang kung sisiguraduhin nilang naaalagaang mabuti ang mga ito. Posibleng kasama dito ang pagtulong sa kanila na mamantini ang bahay nila o pagbibigay ng kinakailangang pinansiyal na tulong.—1 Timoteo 5:3, 4.