Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY PAG-ASA PA BA ANG PLANETA NATIN?

Kagubatan

Kagubatan

SINASABI ng ilang scientist na ang mga gubat ay parang mga bagà na kailangan ng tao para mabuhay. Bakit? Kasi gaya ng bagà, nililinis ng mga puno ang hangin. Ina-absorb nila ang carbon dioxide na nakakasamâ sa atin. Naglalabas din sila ng oxygen, na napakahalagang bahagi ng hangin na nilalanghap natin. Mga 80 porsiyento ng mga halaman at hayop na nabubuhay sa lupa ang nakatira sa mga gubat. Kung walang gubat, hindi tayo mabubuhay.

Nanganganib ang mga Gubat

Taon-taon, bilyon-bilyong puno ang pinuputol, karaniwan nang para magamit ang lupa bilang taniman. Mula pa noong mga huling bahagi ng 1940’s, kalahati ng mga rain forest sa buong mundo ang nawala na.

Kapag nasira ang isang gubat, mawawalan ng tirahan ang mga hayop at mamamatay ang mga halaman doon.

Ating Planeta—Dinisenyo Para Manatili

Lumilitaw na may kakayahang maka-recover ulit at lumawak pa nga ang ilang kinalbong lupain. Nagulat ang mga ecologist nang makita nila na napakabilis tumubo ng mga puno sa mga kinalbong gubat at naging masukal ulit. Tingnan ang ilang halimbawa:

  • Binantayan ng mga researcher ang mga lupaing kinalbo para tamnan at pagkatapos ay pinabayaan. Nakita sa pag-aaral ng 2,200 lupaing iyon sa Americas at West Africa na sa loob lang ng 10 taon, puwede nang maka-recover ang lupa at maging gubat ulit.

  • Tinantiya ng mga researcher na sa loob lang ng mga 100 taon, tutubo na ulit sa mga lupain ang iba’t ibang klase ng puno at babalik ang iba pang buhay sa gubat, ayon sa pag-aaral na inilathala sa magasing Science.

  • Kamakailan, pinag-aralan ng mga scientist sa Brazil ang bilis ng likas na pag-recover ng mga gubat kumpara sa mga gubat na tinatamnan ng mga bagong puno.

  • Ganito ang inireport ng National Geographic tungkol sa mga researcher sa pag-aaral na ito: “Tuwang-tuwa sila kasi hindi na pala kailangang magtanim ng puno.” Sa loob lang ng limang taon, “punong-puno na ng puno” ang mga lupaing pinag-aralan kahit hindi ito tinamnan.

Ang Pagsisikap ng Tao

Sa buong mundo, nagsisikap ang mga tao na protektahan ang mga gubat at ibalik sa dati ang mga nasira. Bilang resulta, sinabi ng United Nations na “bumagal nang mahigit 50 porsiyento ang pagkakalbo ng mga gubat sa buong mundo” sa nakalipas na 25 taon.

Pero hindi sapat iyan para mailigtas ang mga gubat natin. “Hindi nagbago ang bilang ng mga nasisirang tropical forest sa nakalipas na ilang taon,” ayon sa report na inilathala ng organisasyong Global Forest Watch.

Bilyon-bilyong dolyar ang kinikita sa ilegal na pagputol ng mga puno, at ito ang pinakadahilan kung bakit nakakalbo ang mga tropical forest.

Pinoprotektahan ng mga forest management team ang mga gubat; limitado lang ang matatandang puno na pinuputol nila at nagtatanim ulit sila ng panibago

Pag-asa Mula sa Bibliya

“Pinatubo ng Diyos na Jehova a mula sa lupa ang bawat puno na magandang tingnan at may mga bunga na mabuting kainin.”​—Genesis 2:9.

Nang gawin ng Maylalang ang kagubatan, dinisenyo niya ito na may kakayahang maka-recover para patuloy itong mapakinabangan ng tao. Gusto niya itong maingatan, pati na ang kamangha-manghang buhay dito.

Ipinapakita ng Bibliya na hindi hahayaan ng Diyos na sirain ng makasariling mga tao ang ating planeta at ang lahat ng nandito. Tingnan ang artikulong “Ipinangako ng Diyos na Mananatili ang Planeta Natin” sa pahina 15.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.​—Awit 83:18.