Nasaan Na ang Respeto sa Buhay?
KUNG BAKIT MAHALAGANG IRESPETO ANG BUHAY
Kapag may mga ginagawa tayo na puwedeng makasama sa atin o sa ibang tao, ipinapakita nating hindi natin pinapahalagahan ang buhay natin o ng mga nakapaligid sa atin.
-
Nagiging dahilan ng cancer ang paninigarilyo. Pero hindi lang iyan. Puwede rin itong maging dahilan para mawala ang kakayahan ng katawan na labanan ito. Mga 90 porsiyento ng mga namatay sa lung cancer ay dahil sa paninigarilyo nila o ng mga nakapaligid sa kanila.
-
Marami ang nakakaranas ng trauma taon-taon dahil sa pamamaril. Sinasabi ng isang report mula sa Stanford University: “Ipinapakita ng isang pag-aaral na kahit makaligtas ang isa [sa pamamaril sa paaralan], may naiiwan pa rin itong epekto sa emosyon at isip niya sa loob ng maraming taon.”
-
Isinasapanganib ng mga nagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak o droga ang buhay ng mga taong nasa kalsada. Kapag hindi nagpapahalaga sa buhay ang isa, madalas na nagiging biktima ang mga inosente.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Ingatan ang kalusugan mo. Hindi pa huli ang lahat para ihinto ang mga bisyo mo gaya ng paninigarilyo, vaping, sobrang pag-inom ng alak, at pagdodroga. Isinasapanganib kasi ng mga ito ang buhay mo. Ipinapakita rin nito na wala kang respeto sa buhay ng mga nakapaligid sa iyo, kasama na ang pamilya mo.
Laging isipin ang kaligtasan mo at ng iba. Siguraduhing hindi pagmumulan ng anumang aksidente ang bahay mo. Mag-ingat sa pagmamaneho, at tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan mo. Huwag magpa-pressure sa iba para gawin ang mga bagay na ikakapahamak o ikakamatay mo.
Maging mabait sa iba. Kung may respeto tayo sa buhay, tatanggapin natin anuman ang lahi, bansang pinagmulan, at katayuan sa buhay ng mga tao. Ang totoo, karamihan sa mga karahasan at digmaan sa buong mundo ay dahil sa diskriminasyon at galit.
ANG GINAGAWA NAMIN
Tinuturuan naming mga Saksi ni Jehova ang iba na mamuhay nang balanse para makaiwas sa mga sakit. Nakatulong ang ginagawa naming pagtuturo ng Bibliya para maihinto ng iba ang mga bisyo nila.
Mahigpit naming sinusunod ang mga safety protocol sa mga proyekto namin ng pagtatayo. Para maiwasan ang mga aksidente, may mga pagsasanay kaming ginagawa sa mga nagboboluntaryong magtayo ng mga lugar ng pagsamba at mga pasilidad. Regular na iniinspeksiyon ang mga pasilidad namin para matiyak na nasusunod ang mga safety law sa isang lugar.
Tinutulungan namin ang mga biktima ng sakuna. Nitong 2022, gumawa kami ng mga relief work para sa naapektuhan ng mga 200 sakuna. Halos 12 milyong dolyar na donasyon ang ginamit para tulungan ang mga biktima.
Nang kumalat ang Ebola sa West Africa (2014) at Democratic Republic of Congo (2018), tinuruan namin ang mga tao doon kung paano maiiwasang kumalat pa ang nakakamatay na sakit na iyon. Nagpadala kami ng mga kinatawan para talakayin sa mga tagaroon ang tungkol sa “Nagliligtas ng Buhay ang Pagiging Masunurin.” Naglagay kami ng mga hugasan ng kamay sa pasukan ng bawat lugar ng pagsamba namin. Ipinakita rin namin kung gaano kahalaga ang paghuhugas ng kamay at ang iba pang bagay na puwedeng gawin para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Sa isang istasyon ng radyo sa Sierra Leone, pinuri ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtulong nila sa mga Saksi at di-Saksi sa komunidad nila para maiwasan ang Ebola virus.
a Sa sinaunang Gitnang Silangan, obligado ang mga tao na sundin ang kahilingang ito. Ibig sabihin, dapat nilang laging isipin ang kaligtasan ng pamilya nila at ng iba.