ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Kabalisahan
May dalawang uri ng kabalisahan. Ang isa ay nakabubuti; ang isa naman ay nakasasamâ. Tinutulungan tayo ng Bibliya na malaman ang dalawang uring ito.
Normal lang ba na mabalisa?
ANG REALIDAD
Ang kabalisahan ay ang pagkadama ng nerbiyos, pagkabahala, o pagiging di-mapalagay. Dahil nabubuhay tayo sa isang daigdig na walang katiyakan, sinuman sa atin ay posibleng madaig ng kabalisahan.
ANG SABI NG BIBLIYA
Sumulat si Haring David: “Hanggang kailan ako magtatakda ng pagpigil sa aking [kabalisahan], ng pamimighati sa aking puso kung araw?” (Awit 13:2) Ano ang nakatulong kay David para mapaglabanan ito? Sa panalangin, sinabi niya sa Diyos ang laman ng kaniyang puso, anupat lubusang nagtitiwala sa matapat na pag-ibig ng Diyos. (Awit 13:5; 62:8) Sa katunayan, hinihimok tayo ng Diyos na ibigay sa kaniya ang ating pasanin. “[Ihagis] ninyo sa [Diyos] ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo,” ang sabi ng 1 Pedro 5:7.
Pero kadalasan nang mapagagaan natin ang kabalisahan kapag hinaharap natin iyon sa praktikal na paraan. Halimbawa, nang ang manunulat ng Bibliya na si Pablo ay makadama ng “kabalisahan para sa lahat ng kongregasyon,” sinikap niyang aliwin at patibayin ang mga pinagmamalasakitan niya. (2 Corinto 11:28) Kaya naman nakabuti ang pagkabalisa niya, dahil napakilos siya nitong tumulong. Ganiyan din naman tayo. Ang kabaligtarang saloobin—pagwawalang-bahala—ay magpapahiwatig ng kawalan ng maibiging pagmamalasakit.—Kawikaan 17:17.
“[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Filipos 2:4.
Ano ang puwede mong gawin kapag masyado kang nababalisa?
ANG REALIDAD
Maaaring nababalisa ang mga tao tungkol sa kanilang mga nagawang kasalanan, tungkol sa kinabukasan, o sa pera. *
ANG SABI NG BIBLIYA
Pagkabahala tungkol sa mga nagawang kasalanan: Bago naging mga Kristiyano, ang ilang tao noong unang siglo ay dating mga lasenggo, mangingikil, imoral, at magnanakaw. (1 Corinto 6:9-11) Sa halip na laging isipin ang kanilang nakaraan, nagbago sila at nagtiwala sa dakilang awa ng Diyos, na handa niyang ipagkaloob. “Sapagkat ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo [Diyos], upang ikaw ay katakutan,” ang sabi ng Awit 130:4.
Pagkabahala tungkol sa kinabukasan: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw,” ang sabi ni Jesu-Kristo, “sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.” (Mateo 6:25, 34) Ang punto? Magpokus lang sa mga ikinababahala mo sa araw na ito. Huwag mong idagdag dito ang iniisip mong magiging problema bukas, na maaaring makasira sa iyong mga pagpapasiya. Tandaan din na baka marami sa mga ikinababalisa mo ay hindi naman pala dapat ikabalisa.
Pagkabahala tungkol sa pera: Isang marunong na lalaki ang minsa’y nanalangin: “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni ng kayamanan man.” (Kawikaan 30:8) Sa halip, hinangad niyang maging kontento—isang damdaming sinasang-ayunan ng Diyos. Sinasabi ng Hebreo 13:5: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat . . . sinabi [ng Diyos]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’” Di-gaya ng pera, na maaaring maging dahilan—at nagiging dahilan—ng kabiguan, hinding-hindi binibigo ng Diyos ang mga nagtitiwala sa kaniya at namumuhay nang simple.
“Hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.”—Awit 37:25.
Darating pa kaya ang panahong hindi na tayo mababalisa?
ANG SINASABI NG MGA TAO
“Pumapasok tayo sa isang bagong panahon ng kabalisahan,” ang sabi ng journalist na si Harriet Green sa isang artikulo noong 2008 sa The Guardian. Noong 2014, iniulat ni Patrick O’Connor sa The Wall Street Journal na ang mga Amerikano ay mas balisa ngayon kaysa noon.
ANG SABI NG BIBLIYA
“Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” (Kawikaan 12:25) Ang isang natatanging “mabuting salita” ay makikita sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Ang Kahariang iyan, ang pamahalaan ng Diyos, ay malapit nang kumilos para gawin ang isang bagay na hindi natin kayang gawin—pawiin ang lahat ng kabalisahan sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga ugat nito, pati na ang sakit at kamatayan! “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa [ating] mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.
“Puspusin nawa kayo ng Diyos na nagbibigay ng pag-asa ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong paniniwala.”—Roma 15:13.
^ par. 10 Makabubuting kumonsulta sa doktor ang mga may malubhang anxiety disorder. Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paggamot.