Ang Kahanga-hangang Macaw
KITANG-KITA ang magagandang kulay sa kagubatan habang sama-samang lumilipad ang isang kawan ng mga ibon! Napahanga rito ang mga Europeong manggagalugad na dumating sa Sentral at Timog Amerika noong mga huling bahagi ng ika-15 siglo. Ang kanilang nakita? Mga macaw—mga parrot na may mahahabang buntot na makikita sa tropikal na mga rehiyon sa mga lupain ng Amerika. Di-nagtagal, ang larawan ng mga kahanga-hangang nilalang na ito ay inilagay sa mga mapa ng rehiyon bilang simbolo ng bagong-tuklas na paraiso.
Matitingkad ang kulay ng mga lalaki at babaeng macaw, na naiiba sa makukulay na mga ibon. Ang mga macaw ay matatalino rin, mahilig magsama-sama, at may malalakas na piyák at matitinis na huni. Maagang iniiwan ng mga ibon—na mga 30 sa isang kawan—ang kanilang mga dapuán para maghanap ng buto, prutas, at iba pang pagkain. Gaya ng karaniwang ginagawa ng mga parrot, madalas gamitin ng mga macaw ang kanilang mga kuko para hawakan ang pagkain habang tinutuka naman ito gamit ang kanilang malaki at pakurbang tuka. Nabibiyak pa nga nila ang matitigas na balat ng nut! Pagkatapos kumain, karaniwan nang pumupunta sila sa mga bangin o tabing-ilog para manginain naman sa putikan, na makatutulong para maalis ang lason sa kanilang kinain at makakuha ng kinakailangang mga mineral.
“Ang lahat ng bagay ay ginawa [ng Diyos na] maganda sa kapanahunan nito.”—Eclesiastes 3:11
Karaniwan nang iisa lang ang kapareha ng mga macaw sa buong buhay nila, at nagtutulungan sila sa pag-aalaga ng kanilang mga inakay. Ang iba’t ibang species nito ay namumugad sa mga butas sa puno, tabing-ilog, at mga punso ng anay, o sa mga biták at butas ng bangin, kung saan makikita ang magkapareha na nililinisan ang isa’t isa. Kahit malalaki na ang mga inakay sa loob ng anim na buwan, nananatili pa rin sila sa kanilang mga magulang nang mga tatlong taon. Kapag nasa kagubatan, ang mga macaw ay nabubuhay nang mga 30 hanggang 40 taon, pero kapag nakakulong, nabubuhay ang ilan nang mahigit 60 taon. May mga 18 species, ang ilan ay makikita rito.