TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Tulungan ang Anak sa Kaniyang Pagbibinata o Pagdadalaga
ANG HAMON
Parang kahapon lang, karga-karga mo ang iyong anak. Ngayon, malapit ka nang magkatin-edyer—oo nga’t bata pa, pero pasimula na ito ng isang panahon tungo sa pagiging adulto na tinatawag na puberty (pagbibinata o pagdadalaga).
Paano mo matutulungan ang iyong anak na harapin ang nakalilito at kung minsa’y nakababahalang pagbabagong ito tungo sa seksuwal na pagkamaygulang?
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Hindi pare-pareho ang panahon ng puberty. Puwede itong magsimula na kasing-aga ng edad 8 o mas huli pa sa edad 15. “Malawak ang saklaw ng normal na pagbibinata o pagdadalaga,” ang sabi ng aklat na Letting Go With Love and Confidence.
Nakaka-insecure ang puberty. Ang mga tin-edyer ay nagiging masyadong sensitibo sa magiging tingin sa kanila ng iba. “Naging conscious ako sa hitsura at pagkilos ko,” ang sabi ng kabataang si Jared. * “Kapag may mga kasama ako, nag-aalala ako na baka isipin nilang weird ako.” Baka lalo pa ngang mabawasan ang kumpiyansa sa sarili kung maglalabasan ang mga taghiyawat. “Parang pinupuntirya ang mukha ko!” ang sabi ng 17-anyos na si Kellie. “Umiiyak ako noon at napapangitan sa sarili ko.”
May mga naiibang hamon sa maagang pagbibinata o pagdadalaga. Lalo nang totoo ito sa mga babae, na baka tinutukso kapag nagkakaroon na sila ng dibdib at nagkakahubog na ang katawan. “May panganib ding ma-attract sa kanila ang mga lalaking mas may tendensiyang magkahilig sa sex,” ang sabi ng aklat na A Parent’s Guide to the Teen Years.
Hindi nangangahulugan ng pagkamaygulang ang puberty. “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata,” ang sabi ng Kawikaan 22:15. Hindi iyan mababago ng puberty. Baka sa tingin, parang adulto na ang isang kabataan, pero “hindi makikita rito ang kaniyang kakayahang gumawa ng matatalinong desisyon, pagiging responsable, pagkakaroon ng pagpipigil sa sarili, o [pagpapakita] ng iba pang tanda ng pagkamaygulang,” ang sabi ng aklat na You and Your Adolescent.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Pag-usapan ang puberty bago ito magsimula. Ipaalam sa iyong anak kung ano ang mangyayari, lalo na ang tungkol sa menstruation (para sa babae) at wet dreams (para sa lalaki). Di-gaya ng unti-unting pagbabagong nagaganap sa panahon ng puberty, ang mga iyon ay biglaan, nakalilito, at nakakatakot pa nga. Habang pinag-uusapan iyan, maging positibo—na ang puberty ay pasimula ng kapaki-pakinabang na pagbabago tungo sa pagiging adulto.—Simulain sa Bibliya: Awit 139:14.
Maging espesipiko. “Nang kausapin ako ng mga magulang ko tungkol sa puberty, paligoy-ligoy sila,” ang sabi ng kabataang si John. “Sana naging mas prangka sila.” Ganiyan din ang nadama ng 17-anyos na si Alana. “Tinulungan ako ni Mommy na maintindihan ang nangyayari sa katawan ko,” ang sabi niya, “pero sana tinulungan din niya akong makayanan ang emosyon ko.” Ang aral? Nakaaasiwa man, ipakipag-usap pa rin sa anak mo ang lahat ng aspekto ng puberty.—Simulain sa Bibliya: Gawa 20:20.
Magtanong na aakay sa pag-uusap. Para maging komportable ang anak mo, pag-usapan muna ninyo ang tungkol sa nararanasan ng iba sa kanilang pagbibinata o pagdadalaga. Halimbawa, puwede mong tanungin ang iyong anak na babae, “May classmate ka bang nagkukuwento tungkol sa menstruation?” “Pinagtatawanan ba ng mga bata ang mga babaeng maagang nagkakahubog ang katawan?” Puwede mong tanungin ang iyong anak na lalaki, “Tinutukso ba ng mga bata ang mga napag-iiwanan sa paglaki?” Kapag nagkukuwento na ang mga tin-edyer tungkol sa pagbibinata o pagdadalaga ng iba, baka ikuwento na rin nila ang tungkol sa kanilang nararamdaman at nararanasan. Kapag nangyari iyan, sundin ang payo ng Bibliya: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.
Tulungan ang iyong tin-edyer na magkaroon ng ‘praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip.’ (Kawikaan 3:21) Ang puberty ay hindi lang tungkol sa pisikal at emosyonal na pagbabago. Sa panahong ito, nade-develop din sa iyong tin-edyer ang kakayahang mangatuwiran na tutulong sa kaniya na gumawa ng matatalinong desisyon kapag adulto na siya. Samantalahin ang pagkakataong iyan para ikintal ang magagandang pamantayan sa iyong tin-edyer.—Simulain sa Bibliya: Hebreo 5:14.
Huwag sumuko. Maraming kabataan ang waring nag-aatubiling makipag-usap sa kanilang mga magulang tungkol sa puberty, pero huwag magpadaya. “Ang mga tin-edyer na nagkukunwaring di-interesado, nababagot, nahihiya, o nagbibingi-bingihan ay baka naman nakikinig sa bawat salita,” ang sabi ng aklat na You and Your Adolescent.
^ par. 8 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.