Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang pagpapatawad ay pumapatay sa apoy ng galit

PARA SA MGA MAG-ASAWA

4: Pagpapatawad

4: Pagpapatawad

ANG IBIG SABIHIN NITO

Ang pagpapatawad ay nangangahulugang pinalalampas mo na ang isang kasalanan at ang hinanakit na dulot nito. Hindi ibig sabihin na kapag nagpatawad ka ay minamaliit mo ang pagkakasala o nagkukunwari kang hindi ito nangyari.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa.”​—Colosas 3:13.

“Kung mahal mo ang isang tao, hindi ka magpopokus sa mga kapintasan niya. Sa halip, titingnan mo kung ano ang potensiyal niya.”​—Aaron.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Ang pagkikimkim ng sama ng loob ay makasasamâ sa iyo sa pisikal at emosyonal, bukod pa sa masamang epekto nito sa inyong pagsasama.

“Minsan, humingi ng tawad ang mister ko dahil may nagawa siyang nakasakit sa akin nang sobra. Nahirapan akong patawarin siya. Pinatawad ko rin siya, pero nagsisisi akong pinatagal ko pa iyon. Nakaapekto tuloy ito sa pagsasama namin.”​—Julia.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

SURIIN ANG SARILI MO

Kapag nasaktan ka sa ginawa o sinabi ng asawa mo, tanungin ang sarili:

  • ‘Masyado ba akong maramdamin?’

  • ‘Napakabigat ba ng kasalanan niya at kailangan pa niyang humingi ng tawad sa akin, o puwede ko na itong palampasin?’

PAG-USAPAN NINYONG MAG-ASAWA

  • Gaano katagal ang panahong lumilipas bago natin patawarin ang isa’t isa?

  • Ano ang puwede nating gawin para mas maging madali sa atin ang pagpapatawad?

MGA TIP

  • Kapag nasaktan ka, huwag isiping sinadya iyon ng asawa mo.

  • Sikaping patawarin ang nagawa ng asawa mo at tandaan na “lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.”​—Santiago 3:2.

“Mas madaling magpatawad kapag pareho kayong may kasalanan, pero mas mahirap kung iisa lang ang may kasalanan. Kailangan mong maging mapagpakumbaba para tumanggap at humingi ng sorry.”​—Kimberly.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Makipag-ayos ka kaagad.”​—Mateo 5:25.

Ang pagkikimkim ng sama ng loob ay makasasamâ sa iyo sa pisikal at emosyonal, bukod pa sa masamang epekto nito sa inyong pagsasama