Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

3 Bakit Nagdurusa ang Mabubuting Tao?

3 Bakit Nagdurusa ang Mabubuting Tao?

Bakit Dapat Itong Pag-isipan?

Kawalan ng katarungan para sa atin na makitang nagdurusa ang mabubuting tao. At dahil nagdurusa rin naman sila, lumalabas na hindi sulit na gumawa ng mabuti.

Pag-isipan Ito

Naniniwala ang ilan na ang mga tao ay paulit-ulit na mamamatay at muling isisilang. Sinasabi nila na ang gumagawa ng mabuti ay isisilang muli sa isang mas magandang kalagayan pero ang gumagawa ng masama ay isisilang muli sa isang buhay na punô ng pagdurusa. Ayon sa paniniwalang ito, kahit mabuti ang isang tao, kung gumawa siya ng masama sa “nakaraang buhay” niya, magdurusa pa rin siya. Pero pag-isipan ito:

  • Para saan pa ang mga pagdurusa niya kung hindi naman niya naaalala ang mga ginawa niya sa nakaraang buhay niya?

  • Bakit pa tayo magsisikap na maging malusog at iiwas sa mga aksidente kung nakadepende sa nakaraang buhay natin ang mga mangyayari sa atin ngayon?

    PARA SA IBA PANG IMPORMASYON

    Panoorin sa jw.org ang video na Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

Ang Sinasabi ng Bibliya

Hindi parusa ng Diyos ang mga pagdurusa.

Ang totoo, karamihan sa mga ito ay nagkataon lang—baka ang isa ay nasa maling lugar sa maling pagkakataon.

“Hindi laging ang matulin ang nananalo sa takbuhan, hindi laging ang malakas ang nananalo sa labanan, hindi laging ang marunong ang may nakakain, hindi laging ang matalino ang nagiging mayaman, at hindi laging ang may kaalaman ang nagtatagumpay, dahil lahat sila ay naaapektuhan ng panahon at di-inaasahang pangyayari.”​ECLESIASTES 9:11.

Ang pagiging makasalanan natin ay nagiging dahilan din ng pagdurusa.

Para sa ilan, ang salitang “kasalanan” ay tumutukoy lang sa maling ginawa ng isang tao. Pero sa Bibliya, tumutukoy ito sa minanang kalagayan ng lahat ng tao—mabuti man sila o masama.

“Ipinanganak akong makasalanan; makasalanan na ako mula pa nang ipaglihi ng aking ina.”​AWIT 51:5.

May napakasamang epekto ang kasalanan sa mga tao.

Sinira nito ang kaugnayan natin sa Diyos, pati na ang kaugnayan natin sa ibang nilalang niya. Dahil dito, nakakaranas ng matinding pagdurusa ang lahat ng tao.

“Kapag gusto kong gawin ang tama, ang masama ang nasa akin.”​ROMA 7:21.

“Ang lahat ng nilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.”​ROMA 8:22.