Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

1 Diyos Ba ang Dapat Sisihin sa Ating Pagdurusa?

1 Diyos Ba ang Dapat Sisihin sa Ating Pagdurusa?

Bakit Dapat Itong Pag-isipan?

Maraming tao ang ayaw nang sumamba sa Diyos dahil sinisisi nila siya sa kanilang pagdurusa.

Pag-isipan Ito

Itinuturo ng maraming relihiyon, tuwiran man o hindi, na ang Diyos ang dahilan ng mga pagdurusa natin. Halimbawa, sinasabi ng ilan:

  • Parusa mula sa Diyos ang likas na mga sakuna.

  • Kailangan pa ng Diyos ng mga anghel sa langit kaya niya kinukuha ang mga bata.

  • May pinapanigan ang Diyos sa digmaan na nagiging dahilan ng pagdurusa.

Pero posible kayang mali ang itinuturo ng mga lider ng relihiyon tungkol sa Diyos? Paano kung hindi naman pala sila katanggap-tanggap sa Diyos?

PARA SA IBA PANG IMPORMASYON

Panoorin sa jw.org ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?

Ang Sinasabi ng Bibliya

Hindi galing sa Diyos ang mga pagdurusa natin.

Kung galing ito sa Diyos, magiging kabaligtaran iyan ng mga katangian niya na mababasa sa Bibliya. Halimbawa:

“Lahat ng ginagawa [ng Diyos] ay makatarungan. . . . Matuwid at tapat siya.”DEUTERONOMIO 32:4.

“Imposibleng gumawa ng masama ang tunay na Diyos; hinding-hindi gagawa ng mali ang Makapangyarihan-sa-Lahat!”JOB 34:10.

“Hindi binabaluktot ng Makapangyarihan-sa-Lahat ang katarungan.”JOB 34:12.

Hindi tinatanggap ng Diyos ang relihiyong nagtuturo ng mali tungkol sa kaniya.

Kasama rito ang mga relihiyong nagtuturo na ang Diyos ang dahilan ng pagdurusa, pati na ang mga nakikisali sa mga digmaan at karahasan.

“Ang mga propeta ay humuhula ng mga kasinungalingan sa pangalan ko [ng Diyos]. Hindi ko sila isinugo o inutusan o kinausap. Sinungaling na pangitain at . . . panlilinlang ng sarili nilang puso ang sinasabi nila sa inyo.”​JEREMIAS 14:14.

Kinondena ni Jesus ang pagkukunwari ng mga relihiyon.

“Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa Kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lang ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa pangalan mo, nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at gumawa ng maraming himala sa pangalan mo?’ At sasabihin ko sa kanila: ‘Hindi ko kayo kilala! Masama ang ginagawa ninyo. Lumayo kayo sa akin!’”MATEO 7:21-23.