Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Epekto ng Teknolohiya sa mga Anak Mo?

Ano ang Epekto ng Teknolohiya sa mga Anak Mo?

May mga adulto na hiráp matuto sa paggamit ng gadyet, samantalang ang bilis namang matuto ng mga bata dahil kinalakhan na nila ang teknolohiya.

Pero napansin din ng ilan na ang mga kabataang nagbababad online ay posibleng . . .

  • maadik sa gadyet.

  • masangkot sa cyberbullying.

  • makakita ng pornograpya, kahit ayaw nila.

ANG DAPAT MONG MALAMAN

PAGKAADIK

May mga bagay sa Internet​—gaya ng paglalaro online—na talaga namang nakakaadik. Hindi iyan nakakapagtaka. “Ang mga app sa phone natin ay sadyang ginawa para hindi natin bitawan ang cellphone natin,” ang sabi ng aklat na Reclaiming Conversation. Habang mas matagal tayong gumagamit ng app na may mga advertisement, mas kumikita sa atin ang mga advertiser.

PAG-ISIPAN: Napapansin mo bang hindi na mabitawan ng mga anak mo ang gadyet nila? Paano mo sila matutulungang magamit nang tama ang oras nila?​—EFESO 5:15, 16.

CYBERBULLYING

May mga tao na nagiging matapang, walang galang, at walang pakialam sa damdamin ng iba kapag naka-online sila. Puwede itong mauwi sa pambu-bully.

Hindi naman nagiging maganda ang ugali ng ilan sa social media sa kagustuhang mapansin sila o i-follow ng marami. O kapag nakita ng isang tao na hindi siya nakasama, halimbawa, sa isang party, baka masaktan siya at maisip niyang masama ang trato sa kaniya ng mga kaibigan niya.

PAG-ISIPAN: Paano makitungo sa iba ang mga anak mo online? (Efeso 4:31) Nagagalit ba sila o sobrang nasasaktan kapag pakiramdam nila, ayaw silang kasama ng iba?

PORNOGRAPYA

Nagkalat sa Internet ang malalaswang bagay. May ilang software o setting sa gadyet na makakatulong para makontrol ang puwedeng makita ng mga anak mo sa gadyet nila. Pero dapat tandaan ng mga magulang na hindi ito sapat.

Ang sexting ay ang pagpapadala o pagtanggap ng mahahalay na larawan gamit ang gadyet. Puwedeng makasuhan ang mga gumagawa nito. Depende sa batas ng isang lugar o edad ng mga sangkot, ang mga nagpapadala o tumatanggap ng mahahalay na larawan ay puwedeng kasuhan ng child pornography.

PAG-ISIPAN: Paano mo tutulungan ang mga anak mo na labanan ang tuksong tumingin o magpadala ng mahahalay na larawan online?​—EFESO 5:3, 4.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

TURUAN ANG MGA ANAK MO

Kahit magaling gumamit ng gadyet ang mga anak mo, kailangan pa rin silang gabayan. Sinabi ng aklat na Indistractable na kapag binigyan mo ang mga anak mo ng gadyet nang hindi sila tinuturuan na gamitin ito nang tama, “para mo na rin silang hinayaang tumalon sa swimming pool kahit hindi sila marunong lumangoy.”

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran; kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.”​—KAWIKAAN 22:6.

Lagyan ng check ang mga mungkahi na gusto mong subukan, o isulat ang iba pang naiisip mo.

  • Turuan ang anak ko ng tamang asal sa pakikipag-usap online

  • Tulungan ang anak ko kapag pakiramdam niya, ayaw sa kaniya ng iba

  • Gamitin ang mga setting para hindi makakita ang anak ko ng malalaswang bagay online

  • Regular na i-check ang gadyet ng anak ko

  • Limitahan kung gaano katagal lang siya puwedeng gumamit ng gadyet sa isang araw

  • Huwag siyang hayaang gumamit ng gadyet sa isang tagong lugar o kapag oras na para matulog

  • Ipagbawal ang paggamit ng gadyet kapag kumakain