Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Epekto ng Teknolohiya sa Pag-iisip Mo?

Ano ang Epekto ng Teknolohiya sa Pag-iisip Mo?

Patuloy tayong natututo—para man ito sa school, sa trabaho, o sa iba pang bagay. Malaking tulong diyan ang teknolohiya. Napakadali na ngayong makakuha ng impormasyon, kahit hindi ka umalis ng bahay o kahit nga nakaupo ka lang.

Pero marami sa mga sobra kung gumamit ng teknolohiya ang nakapansin na . . .

  • nahihirapan silang magpokus kapag nagbabasa.

  • madali silang ma-distract sa ginagawa nila.

  • madali silang mabagot kapag nag-iisa.

ANG DAPAT MONG MALAMAN

PAGBABASA

May ilan na pinapasadahan lang ang isang artikulo o aklat imbes na basahin ito nang mabuti.

Okey lang iyan kung may hinahanap ka lang na sagot sa isang tanong. Pero hindi iyan sapat kung gusto mo talagang maintindihan ang isang paksa.

PAG-ISIPAN: Naiintindihan mo ba ang binabasa mo kahit mahaba ito? Bakit mas matututo ka kung magbabasa ka nang mabuti?​—KAWIKAAN 18:15.

POKUS

Iniisip ng ilan na magagamit nila ang teknolohiya para pagsabayin ang dalawang gawain, gaya ng pagtetext habang nag-aaral. Pero kapag hati ang atensiyon nila, baka hindi nila magawa nang maayos ang alinman sa mga iyon, lalo na kung pareho itong nangangailangan ng pokus.

Kailangan ng disiplina sa sarili para makapagpokus. Mahirap gawin iyan, pero sulit naman. “Hindi ka masyadong magkakamali, at mababawasan pa ang stress mo,” ang sabi ng kabataang si Grace. “Natutuhan kong mas mabuting magpokus muna sa isang bagay at iwasang mag-multitask.”

PAG-ISIPAN: Nahihirapan ka bang magpokus at matandaan ang pinag-aaralan mo dahil sa multitasking?​—KAWIKAAN 17:24.

PAG-IISA

Nalulungkot ang ilan kapag mag-isa sila, kaya ginagamit nila ang teknolohiya para malibang sila. “Nabo-bored agad ako kahit 15 minuto pa lang akong hindi gumagamit ng gadyet o nanonood ng TV,” ang sabi ni Olivia.

Pero magandang pagkakataon ang mga panahong mag-isa ka kasi mas makakapag-isip ka nang mabuti. Mahalagang bahagi ito ng pagkatuto, hindi lang para sa mga kabataan, kundi para din sa mga adulto.

PAG-ISIPAN: Ginagamit mo ba ang mga panahong mag-isa ka para makapag-isip nang mabuti?​—1 TIMOTEO 4:15.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

SURIIN ANG PAGGAMIT MO NG TEKNOLOHIYA

Paano mo magagamit ang teknolohiya para matuto? Paano nakakaapekto ang teknolohiya sa kakayahan mong magpokus at matuto?

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Ingatan mo ang karunungan at ang kakayahang mag-isip.”​—KAWIKAAN 3:21.