Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Epekto ng Teknolohiya sa Pakikipagkaibigan Mo?

Ano ang Epekto ng Teknolohiya sa Pakikipagkaibigan Mo?

Dahil sa text, e-mail, videoconference, at social media, madaling nagkakausap ang dalawang tao kahit magkalayo sila. Nakakatulong sa kanila ang teknolohiya.

Pero ang ilan na umaasa lang sa teknolohiya para makipagkaibigan ay posibleng maging . . .

  • hindi gaanong mapagmalasakit sa mga kaibigan nila.

  • mas malungkot.

  • mas nakapokus sa sarili kaysa sa iba.

ANG DAPAT MONG MALAMAN

MALASAKIT

Kapag may malasakit tayo sa iba, naglalaan tayo ng panahon para unawain ang kalagayan nila. Mahirap gawin iyan kapag masyado tayong busy sa pagtetext at pagtingin sa social media.

Kung napakarami mo nang text o e-mail, baka maging pabigat na sa iyo ang pagre-reply sa mga kaibigan mo. Ang gusto mo na lang ay basta masagot ang lahat ng message nila, kaya baka hindi mo na mapansin na may kaibigan kang nangangailangan ng tulong.

PAG-ISIPAN: Kapag teknolohiya ang gamit mo para makausap ang mga kaibigan mo, paano mo maipapadama na ‘dinadamayan’ mo pa rin sila?​—1 PEDRO 3:8.

LUNGKOT

Ayon sa isang pag-aaral, lalo lang nadedepres ang marami kapag tumitingin sila sa social media. Sinabi ng mga mananaliksik na “pakiramdam [ng marami] na nasayang lang ang oras nila” matapos nilang tingnan ang mga picture at bagong post ng iba.

Bukod diyan, kapag nakikita natin ang masasayang picture ng iba, baka maikumpara natin iyon sa sitwasyon natin. Puwedeng maisip natin na ang saya-saya ng iba, samantalang parang ang boring naman ng buhay natin.

PAG-ISIPAN: Kapag gumagamit ka ng social media, paano mo maiiwasang ikumpara ang sarili mo sa iba?​—GALACIA 6:4.

PAGPOPOKUS SA SARILI

Sinabi ng isang teacher na may mga estudyante siyang makasarili at kapag nakikipagkaibigan, ang iniisip lang nila ay, “May maitutulong ba ito sa akin?” * Nakapokus lang sila sa makukuha nila sa mga kaibigan nila. Para sa kanila, ang mga kaibigan ay parang mga app na puwedeng gamitin kapag kailangan at puwedeng i-close kapag hindi na.

PAG-ISIPAN: Nakikita ba sa mga ipino-post mo na gusto mong maging mas magaling sa iba o na masyado kang nakapokus sa sarili?​—GALACIA 5:26.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

SURIIN ANG PAGGAMIT MO NG TEKNOLOHIYA

Kapag kontrolado mo ang paggamit ng teknolohiya, magagamit mo ito para mapanatili ang pakikipagkaibigan sa iba at maging mas malapít sa kanila.

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Hindi inuuna [ng pag-ibig] ang sariling kapakanan.”​—1 CORINTO 13:4, 5.

Lagyan ng check ang mga mungkahi na gusto mong subukan, o isulat ang iba pang naiisip mo.

  • Makipag-usap nang personal sa iba (imbes na magtext lang o mag-e-mail)

  • Itabi (o i-silent) ang cellphone kapag may kausap

  • Bawasan ang panahong ginagamit sa social media

  • Maging mas mabuting tagapakinig

  • Tawagan ang isang kaibigan na may pinagdadaanan

^ par. 17 Ayon sa aklat na Reclaiming Conversation.