Alerdyi sa Pagkain at Pagiging Sensitibo sa Pagkain—Ano ang Pagkakaiba?
Emily: “Ibinaba ko ang aking tinidor at ’di na ako mapakali. Nangangati ang bibig ko, at namamaga ang dila ko. Para akong lutáng at nahihirapang huminga. Naglitawan ang mga pantal sa mga braso at leeg ko. Ayokong mag-panic pero alam kong dapat na akong isugod sa ospital!”
PARA sa marami, nakaka-enjoy ang kumain. Pero sa ilan, may mga pagkain na napipilitan silang ituring na “kaaway.” Gaya ni Emily, na binanggit kanina, may alerdyi sila sa pagkain. Ang naranasan ni Emily ay tinatawag na anaphylaxis, isang napakapanganib na karamdaman. Mabuti na lang at karamihan sa mga alerdyi sa pagkain ay hindi naman ganoon kalubha.
Nitong nakalipas na mga taon, tumaas ang bilang ng naiulat na sensitibo sa pagkain at may alerdyi. Pero ayon sa ilang pag-aaral, iilan lamang sa mga nag-iisip na may alerdyi sila ang talagang nagpatingin sa doktor para makatiyak.
Ano Ba ang Alerdyi sa Pagkain?
“Walang iisang malinaw na paliwanag tungkol sa alerdyi sa pagkain,” ayon sa isang grupo ng mga siyentipikong pinangungunahan ni Dr. Jennifer J. Schneider Chafen sa kanilang ulat na inilathala sa The Journal of the American Medical Association. Pero naniniwala ang karamihan sa mga eksperto na ang pangunahing sanhi ng alerdyi ay ang immune system.
Ang alerdyi sa pagkain ay karaniwan nang dahil sa reaksiyon sa protinang nasa pagkaing iyon. Itinuturing ng immune system na mapanganib ang protinang iyon. Kapag pumasok iyon sa katawan, ang immune system ay posibleng gumawa ng isang uri ng antibody na tinatawag na IgE para labanan ang pinaghihinalaang mapanganib na substansiya. Kapag nakapasok ulit sa katawan ang protinang iyon, ang ginawang mga antibody ay maglalabas ng mga kemikal, pati na ng histamine.
Sa normal na mga kalagayan, may mabubuting nagagawa sa immune system ang histamine. Pero sa di-maipaliwanag na dahilan, ang mga IgE antibody at ang inilalabas nitong histamine ang nagiging sanhi ng alerdyi sa mga taong napakasensitibo sa isang partikular na protina sa pagkain.
Iyan ang dahilan kung bakit nakakakain ka ng isang bagong pagkain nang walang nakikitang reaksiyon. Pero kapag kumain ka ulit ng pagkaing iyon, nagkakaroon ka na ng alerdyi.
Ano Naman ang Pagiging Sensitibo sa Pagkain?
Ang pagiging sensitibo sa pagkain, gaya ng alerdyi, ay maaaring dahil sa masamang epekto ng isang uri ng pagkain. Pero di-gaya ng alerdyi sa pagkain (na sangkot ang immune system), ang pagiging sensitibo sa pagkain ay reaksiyon sa sistema ng panunaw, kung kaya hindi sangkot dito ang mga antibody. Karaniwan na, maaaring nahihirapan
ang isa na tunawin ang pagkain, marahil dahil kulang siya sa enzyme o dahil mahirap tunawin ang mga kemikal na nasa pagkain. Halimbawa, nararanasan ang lactose intolerance kapag ang tiyan ay hindi naglalabas ng kinakailangang enzyme para tunawin ang isang uri ng asukal na nasa mga produktong gawa sa gatas.Dahil wala namang kinalaman ang mga antibody, ang pagiging sensitibo sa pagkain ay nararamdaman agad sa unang pagkain pa lang. Malaki ang nagagawa ng dami ng nakain—baka walang gaanong epekto kapag kaunti lang, pero maaaring magkaproblema kapag marami na. Iba ito sa malubhang alerdyi sa pagkain kung saan kahit katiting lang ang nakain ay maaaring ikamatay na ng isa.
Ano ang mga Sintomas?
Kung may alerdyi ka sa pagkain, posibleng makaramdam ka ng pangangati; pamamantal; pamamaga ng lalamunan, mata, o dila; pagduduwal; pagsusuka; o pagtatae. At ang pinakagrabe, puwedeng bumagsak ang presyon ng dugo mo, mahilo ka, mahimatay, at ma-cardiac arrest pa nga. Ang anaphylaxis ay maaaring napakabilis at nakamamatay.
Posibleng maging sanhi ng alerdyi ang anumang pagkain. Pero ang pinakamalubhang alerdyi ay karaniwan nang dahil sa iilang pagkain gaya ng gatas, itlog, isda, hipon, mani, balatong, nuwes, at trigo. Ang isang tao ay puwedeng magkaroon ng alerdyi anuman ang edad niya. Ayon sa pag-aaral, malaki ang papel ng henetiko, at ang isang bata ay malamang na magkaroon ng alerdyi kung ang mga magulang niya o isa man sa mga ito ay may alerdyi. Nawawala ang alerdyi ng maraming bata kapag malaki na sila.
Ang mga sintomas ng pagiging sensitibo sa pagkain ay di-gaanong nakababahala kumpara sa grabeng alerdyi. Maaaring maging sanhi ito ng pananakit ng tiyan, empatso, kabag, paghilab ng tiyan, sakit ng ulo, singaw sa balat, pagkapagod, o pananamlay. Ang pagiging sensitibo sa pagkain ay may kaugnayan sa iba’t ibang pagkain, at ang pinakakaraniwan ay ang mga produktong gawa sa gatas, trigo, gluten, inuming de-alkohol, at lebadura.
Diyagnosis at Paggamot
Kung sa tingin mo ay mayroon kang alerdyi o sensitibo ka sa pagkain, makabubuti kung magpapatingin ka sa doktor. Kung ikaw lang mismo ang magpapasiya sa mga dapat mong iwasang pagkain, mapanganib ito kung minsan, dahil baka mapagkaitan mo ang iyong katawan ng kinakailangang sustansiya.
Wala nang katanggap-tanggap na paraan ng paggamot sa malubhang alerdyi sa pagkain kundi ang lubusang pag-iwas sa partikular na mga pagkaing magiging sanhi nito. * Sa kabilang banda, kung bahagya lang ang alerdyi mo o pagiging sensitibo sa ilang partikular na pagkain, baka makinabang ka kung babawasan mo na lang ang dalas at dami ng pagkain sa mga iyon. Pero may ilang napipilitang huwag na lang kumain ng mga iyon, o kaya’y magpalipas muna ng ilang panahon, depende kung gaano kalalâ ang mga sintomas.
Kaya kung may alerdyi ka o sensitibo sa pagkain, matutuwa kang malaman na maraming mayroon nito ang natutong harapin ang kanilang karamdaman at nae-enjoy pa rin ang iba’t ibang masusustansiya at masasarap na pagkain.
^ par. 19 Karaniwan nang iminumungkahi sa mga may malubhang alerdyi na magdala ng isang pang-iniksiyong may adrenaline (epinephrine) na puwede nilang gamitin sa panahon ng emergency. Iminumungkahi naman ng ilang doktor na pagdalhin o pagsuutin ang mga bata ng isang bagay na magpapaalám sa mga guro o caregiver ng kanilang karamdaman.