TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Mahalaga ang Gawaing-Bahay
ANG HAMON
Sa ilang pamilya, inaasahang tutulong ang mga bata sa gawaing-bahay, at ginagawa nila ito nang walang reklamo. Sa ibang pamilya naman, hindi na masyadong inaasahan ng mga magulang ang kanilang mga anak, kaya ang mga anak ay hindi na rin masyadong tumutulong.
Kitang-kita ito ng mga mananaliksik lalo na sa mga bansa sa Kanluran, kung saan ang mga bata ay pinagsisilbihan sa halip na nagsisilbi. “Sa ngayon, ang mga bata ay iniiwang mag-isa para maglaro ng video game, mag-Internet, at manood ng TV,” ang sabi ng magulang na si Steven. “Wala nang masyadong inaasahan sa kanila.”
Ano sa palagay mo? Mahalaga ba talaga ang gawaing-bahay—hindi lang para maging maayos ang bahay kundi bilang pagsasanay rin sa mga anak?
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Nag-aalangan ang ilang magulang na bigyan ng gawaing-bahay ang kanilang anak, lalo na kung napakarami nitong assignment at extracurricular activity. Pero pansinin ang mga pakinabang ng gawaing-bahay.
Nakatutulong ang mga gawaing-bahay para mag-mature ang bata. Malamang na mas maging mahusay sa paaralan ang mga batang tumutulong sa bahay, at hindi kataka-taka iyan. Nakatutulong ang gawaing-bahay para ang bata ay magkaroon ng kumpiyansa, disiplina, at determinasyon—mahahalagang katangian para matuto.
Ang gawaing-bahay ay pagsasanay sa mga bata na tumulong sa iba. Naobserbahan ng ilan na ang mga batang tumutulong sa bahay ay mas malamang na tumulong sa komunidad paglaki nila. Hindi ito nakapagtataka, dahil ang gawaing-bahay ay pagsasanay sa kanila na unahin ang kapakanan ng iba. Sa kabilang banda, sinabi ni Steven na binanggit kanina: “Kung walang inaasahan sa mga bata, iisipin nilang dapat silang pagsilbihan, at lálakí silang may pilipit na pananaw tungkol sa pagiging responsable at masipag.”
Nakatutulong ang gawaing-bahay para magkaisa ang pamilya. Kapag tumutulong sa bahay ang mga bata, nararamdaman nila na mahalagang bahagi sila ng pamilya at na may responsibilidad sila. Hindi nila ito matututuhan kung mas bibigyang-priyoridad ng mga magulang ang extracurricular activity kaysa sa gawaing-bahay. Tanungin ang sarili, ‘Matatanggap ko ba na mas malapít ang anak ko sa isang soccer team kaysa sa pamilya namin?’
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Sanayin ang anak habang bata pa. Sinasabi ng ilan na dapat nang bigyan ng mga magulang ang kanilang anak ng mga gawaing-bahay kapag tatlong taóng gulang na ito; sa iba naman ay dalawang taon o mas bata pa. Ang punto: Gustong-gusto ng mga batang gumawang kasama ng kanilang mga magulang at tularan sila.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 22:6.
Bigyan sila ng mga gawaing bagay sa edad nila. Halimbawa, ang mga batang tatlong taóng gulang ay maaaring magligpit ng mga laruan, maghiwalay ng labada, o magpunas ng mga natapon, gaya ng tubig. Ang mga nakatatandang anak ay maaaring mag-vacuum, maglinis ng sasakyan, o maghanda ng pagkain. Bigyan ang iyong anak ng gawaing kaya niyang gawin. Baka magulat ka na gustong-gusto pala nilang gawin ang mga iyon.
Ipakitang mahalaga ang gawaing-bahay. Baka maging mahirap iyan kapag tambak ang assignment ng iyong anak. Pero kung hindi mo siya bibigyan ng gawaing-bahay para lang tumaas ang grade niya, “maling priyoridad iyan,” ang sabi ng aklat na The Price of Privilege. Gaya ng nabanggit na, ang gawaing-bahay ay nakatutulong sa bata na maging mas mahusay na estudyante. Tutulong ang mga natutuhan niyang ito para maihanda siya kapag nagkaroon na siya ng sariling pamilya.—Simulain sa Bibliya: Filipos 1:10.
Magpokus sa tunguhin, hindi sa resulta. Baka mas matagal matapos ng anak mo ang gawain kaysa sa inaasahan mo. Baka mapansin mo ring puwede pa niyang pahusayin ang kaniyang ginawa. Kapag nangyari iyan, iwasang ikaw ang tumapos sa ipinagagawa mo sa iyong anak. Ang tunguhin mo ay hindi para magawa niya ang gawain na kasinghusay ng isang adulto kundi para matuto siyang maging responsable at masiyahan sa gawain.—Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 3:22.
Magpokus sa tamang pakinabang. Sinasabi ng ilan na natututong maging responsable ang bata kapag binabayaran sila para tumulong sa gawaing-bahay. Sinasabi naman ng iba na kapag binabayaran ang bata, mas nakapokus sila sa makukuha nila sa pamilya kaysa sa maitutulong nila. Sinabi rin nila na baka hindi na tumulong ang bata sa gawaing-bahay kapag may pera na siya—isang senyales na hindi na niya nakikita ang kahalagahan nito. Ang aral? Mas maganda na kung bibigyan mo ng pera ang anak mo, hindi ito dapat suhol sa pagtulong niya sa gawaing-bahay.