Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN

Kung Paano Haharapin ang Pagbabago

Kung Paano Haharapin ang Pagbabago

ANG HAMON

  • Kailangang lumipat ang pamilya ninyo dahil sa trabaho ng tatay mo.

  • Lumipat sa malayong lugar ang best friend mo.

  • Mag-aasawa ang nakatatanda mong kapatid at bubukod na sa inyo.

Paano mo haharapin ang gayong mga pagbabago?

Ang puno na kayang yumuko sa hangin ay mas malamang na makaligtas sa bagyo. Gaya ng punong iyan, matututuhan mong makibagay sa mga pagbabago na wala kang gaanong kontrol o wala ka nang magagawa. Pero bago talakayin kung paano mo magagawa iyan, pag-isipan ang ilang bagay na dapat mong malaman tungkol sa pagbabago.

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Di-maiiwasan ang pagbabago. Sinasabi ng Bibliya ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa mga tao: “Ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Sa malao’t madali, mararanasan mo ito. Siyempre pa, hindi naman masama ang lahat ng di-inaasahang pangyayari. At ang ilang pagbabago na parang masama sa simula ay baka maging kapaki-pakinabang. Gayunman, nahihirapan ang karamihan na harapin ang pagbabago—mabuti man ito o masama.

Lalo nang nakaka-stress ang pagbabago sa mga tin-edyer. Bakit? “Nakararanas ka ng panloob na mga pagbabago,” ang sabi ng kabataang si Alex. * “Nakadaragdag pa sa stress ang panlabas na mga pagbabago.”

Ito pa ang isang dahilan: Kapag napaharap ang mga adulto sa pagbabago, puwede nilang alalahanin ang kanilang mga pinagdaanan para makita kung paano nila hinarap ang gayong mga sitwasyon noon. Pero wala pang gaanong karanasan ang mga kabataan.

Matututuhan mong makibagay. Ang katatagan ay ang kakayahang bumangon mula sa di-magandang pangyayari o makibagay sa pagbabago. Hindi lang makakayanan ng taong matatag ang isang bagong sitwasyon kundi nakikita rin niya ang waring hadlang at itinuturing itong isang pagkakataon. Ang mga tin-edyer na matatag ay malamang na hindi babaling sa droga o alak kapag labis na pinanghihinaan ng loob.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Tanggapin ang realidad. Tiyak na gusto mong lubusang makontrol ang iyong buhay, pero imposible iyan. Lilipat o mag-aasawa ang mga kaibigan mo; magkakaedad ang mga kapatid mo at bubukod sa inyo; baka lumipat ang pamilya ninyo dahil sa nagbagong mga kalagayan, iiwan mo ang iyong mga kaibigan at lahat ng pamilyar sa iyo. Mas mabuting tanggapin ang realidad kaysa sa hayaang mangibabaw sa iyo ang negatibong mga kaisipan.—Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 7:10.

Magpokus sa hinaharap. Kapag nagpopokus ka sa nakaraan, para kang nagmamaneho sa highway na nakatutok ang tingin sa side mirror. Mabuti ang paminsan-minsang pagtingin dito, pero kailangan mo talagang magpokus sa harapan. Totoo rin iyan kapag napaharap ka sa pagbabago. Sikaping magpokus sa hinaharap. (Kawikaan 4:25) Halimbawa, ano ang tunguhin mo sa susunod na buwan, o sa susunod na anim na buwan?

Magpokus sa positibo. “Ang katatagan ay nakadepende sa pananaw ng isang tao,” ang sabi ng kabataang si Laura. “Hanapin ang positibong mga bagay sa iyong sitwasyon.” Puwede ka bang bumanggit ng kahit isang pakinabang dahil sa iyong bagong kalagayan?—Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 6:9.

Naalaala ni Victoria na noong tin-edyer siya, lumipat ang matatalik niyang kaibigan. “Napakalungkot ko, sana hindi na lang nagbago ang mga bagay-bagay,” ang sabi niya. “Pero nakatulong ito sa akin para mag-mature. Naunawaan kong kailangan sa paglaki ang pagbabago. Nakita ko rin na posibleng magkaroon ng bagong mga kaibigan na nasa paligid ko lang.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 27:10.

Kapag nagpopokus ka sa nakaraan, para kang nagmamaneho sa highway na nakatutok ang tingin sa side mirror

Tumulong sa iba. Sinasabi ng Bibliya: “Itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Filipos 2:4) Ang sagot sa iyong problema ay tumulong sa iba. Sinabi ng 17-anyos na si Anna: “Habang nagkakaedad ako, naunawaan ko na kapag nakakatulong ako sa isa na may problema ring gaya ko—o mas mabigat pa nga—ang sarap sa pakiramdam!”

^ par. 11 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.