SULYAP SA NAKARAAN
Aristotle
MALAKI ang naiambag ni Aristotle sa siyensiya at pilosopiya, mahigit 2,300 taon na ang nakararaan. Napukaw ng kaniyang mga akda at tuklas ang interes ng mga tao. Pinag-aralan at isinalin din ang mga ito sa maraming wika. Isinulat ng history professor na si James MacLachlan na “sa loob ng halos 2,000 taon, ang mga paniniwala ni Aristotle tungkol sa kalikasan ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kaisipan ng mga Europeo.” Nakaimpluwensiya din ang mga paniniwala ni Aristotle sa turong Katoliko at Protestante, pati na sa Islam.
Interesado Siya sa Napakaraming Bagay
Nagsulat si Aristotle tungkol sa sining, astronomiya, biyolohiya, etika, wika, batas, lohika, magnetismo, metapisika, paggalaw, libangan, tula, politika, sikolohiya, at retorika, pati na ang tungkol sa kaluluwa, na pinaniniwalaan niyang mortal. Pero naging tanyag siya pangunahin na dahil sa kaniyang akda tungkol sa biyolohiya at lohika.
Para ipaliwanag ang kalikasan, ginamit ng sinaunang mga iskolar na Griego ang kanilang kakayahan sa obserbasyon, paggawa ng konklusyon, at ang lohika. Naniniwala sila na kung pag-aaralan nilang mabuti ang mga katotohanang kitang-kita sa kapaligiran, makagagawa sila ng tamang mga konklusyon.
Kaayon ng pilosopiyang ito, nakagawa sila ng makatuwirang mga konklusyon—isa na rito ang konklusyong may umiiral na batas sa uniberso. Pero ang problema, may limitasyon ang naisasagawa nilang obserbasyon—dahilan kung bakit nagkamali ang maraming matalinong tao, kasama na si Aristotle. Halimbawa, naniniwala sila na ang mga planeta at mga bituin ay umiikot sa palibot ng lupa. Noong panahong iyon, itinuturing itong isang katotohanan na di-matututulan. “Kapuwa ang pangangatuwiran at
kaalaman ay parang nagpapatunay sa paniniwala ng mga Griego noon na ang lupa ay sentro ng uniberso,” ang sabi ng aklat na The Closing of the Western Mind.Wala sanang naging gaanong epekto ang maling akalang iyon kung ang tumanggap lang ay ang mga nasa larangan ng siyensiya. Pero hindi gayon.
Tinanggap ng Katolisismo ang Turo ni Aristotle
Sa “Kristiyanong” Europa noong Edad Medya, tinanggap ng marami bilang katotohanan ang ilang turo ni Aristotle. Isinali ng mga teologong Romano Katoliko—partikular na si Thomas Aquinas (mga 1224-1274)—sa kanilang teolohiya ang mga akda ni Aristotle. Kaya ang paniniwala ni Aristotle na ang lupa ay hindi gumagalaw at nasa sentro ng uniberso ay naging doktrinang Katoliko. Tinanggap din ito ng mga Protestanteng lider gaya nina Calvin at Luther, at sinabing kaayon ito ng turo ng Bibliya.—Tingnan ang kahong “ Maling Pakahulugan sa Bibliya.”
Tinanggap ng marami bilang katotohanan ang ilang turo ni Aristotle
“May mga pagkakataong hindi na halos makita ang pagkakaiba [ng mga turo ni Aristotle] at ng Katolisismo,” ang sabi ng manunulat na si Charles Freeman. Kaya sinasabing “bininyagan” ni Aquinas si Aristotle bilang Katoliko. Pero ang totoo, “si Aquinas ay nakumberte sa Aristotelianism,” ang isinulat ni Freeman. Masasabi rin na sa paanuman, nakumberte din ang simbahan. Kaya naman nang maglakas-loob ang Italyanong astronomo at matematikong si Galileo na magharap ng mga patotoo na umiikot ang lupa sa palibot ng araw, ipinatawag siya sa harap ng Inkisisyon at pinilit siyang itakwil ang kaniyang paniniwala. * Kakatwa ito dahil kinilala mismo ni Aristotle na ang kaalaman sa siyensiya ay sumusulong, at puwede itong mabago. Kung ganoon lang sana ang naging pananaw ng simbahan!
^ par. 11 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa “Pagkakasalungatan ni Galileo at ng Simbahan,” tingnan ang Abril 22, 2003, isyu ng Gumising!