Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Digmaan

Digmaan

Noong sinaunang panahon, ang mga Israelita ay nakikipagdigma sa pangalan ng kanilang Diyos na si Jehova. Ibig bang sabihin, sinasang-ayunan ng Diyos ang mga digmaan sa ngayon?

Bakit nakipagdigma ang sinaunang Israel?

ANG SINASABI NG ILAN

 

Ang mga Israelita ay sumasamba sa isang malupit na diyos ng digmaan.

ANG SABI NG BIBLIYA

 

Ang mga bansang tinalo ng Israel ay mararahas at gumagawa ng masasamang gawain—inihahandog ang mga anak, at gumagawa ng bestiyalidad at insesto. Matapos silang bigyan ng daan-daang taon para magbago, sinabi ng Diyos: “Sa pamamagitan ng lahat ng mga bagay na ito ay nagpakarumi ang mga bansa na itataboy ko mula sa harap ninyo.”—Levitico 18:21-25; Jeremias 7:31.

“Dahil sa kabalakyutan ng mga bansang ito kung kaya sila pinalalayas ni Jehova na iyong Diyos mula sa harap mo.”—Deuteronomio 9:5.

May kinakampihan ba ang Diyos sa mga digmaan sa ngayon?

BAKA NAPAPANSIN MO

 

Sa maraming digmaan, inaangkin ng relihiyosong mga lider ng magkalabang panig na kakampi nila ang Diyos. “Sa bawat digmaan, laging may bahagi ang relihiyon,” ang sabi ng aklat na The Causes of War.

ANG SABI NG BIBLIYA

 

Ang mga Kristiyano ay hindi dapat makipaglaban sa kanilang mga kaaway. Isinulat ni apostol Pablo sa kapuwa niya mga Kristiyano: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili.”—Roma 12:18, 19.

Sa halip na isugo ang kaniyang mga alagad sa digmaan, sinabi ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:44, 45) Kahit nakikipagdigma ang kanilang bansa, ang mga Kristiyano ay dapat manatiling neutral, at “hindi . . . bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Kung gusto ng Diyos na mahalin ng kaniyang mga mananamba ang mga kaaway nila at manatiling hiwalay sa sanlibutan, tiyak na wala siyang kakampihan sa mga digmaan sa ngayon.

“Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.”—Juan 18:36.

Magwawakas pa ba ang digmaan?

ANG SINASABI NG ILAN

 

Ang digmaan ay hindi maiiwasan. “Hindi na mawawala ang digmaan,” ang sabi ng aklat na War and Power in the 21st Century. “Imposibleng magkaroon ng malawakan at namamalaging kapayapaan sa uniberso sa siglong ito.”

ANG SABI NG BIBLIYA

 

Magwawakas ang digmaan kapag wala nang gustong makipagdigma. Kaya naman malapit nang kumilos ang Kaharian ng Diyos—isang tunay na gobyernong namamahala sa langit—para alisin ang lahat ng sandata at turuan ang mga tao na makipagpayapaan. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang Diyos ang “magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa makapangyarihang mga bansa sa malayo. At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Mikas 4:3.

Itinuturo ng Bibliya na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, mawawala na ang mga gobyernong nakikipaglaban para sa pansariling interes, ang di-makatarungang mga batas na nagiging dahilan ng paghihimagsik ng mga mamamayan, o ang pagtatangi na nagdudulot ng etnikong pagkakabaha-bahagi. Bilang resulta, mawawala na ang digmaan. “Hindi sila mananakit o maninira man,” ang pangako ng Diyos, “sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.

“Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.”—Awit 46:9.