Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Byssus ng Tahong

Ang Byssus ng Tahong

GAYA ng mga taliptip, ang mga tahong sa dagat ay kumakapit sa bato, kahoy, o barko. Pero di-gaya ng taliptip, na mahigpit na idinidikit ang katawan sa isang bagay, ang tahong ay kumakapit gamit ang kulupon ng maninipis na filament na tinatawag na byssus. Dahil sa mga tulad-sinulid na ito, mas madali para sa mga tahong na manginain at mandayuhan. Pero parang madaling maputol ang mga ito at hindi makatatagal sa pagsalpok ng malalakas na alon. Kaya paano nakatutulong ang byssus ng tahong para makakapit ito at hindi matangay ng alon?

Pag-isipan ito: Ang isang dulo ng hiblang byssus ay matigas, pero malambot at nababanat naman ang kabilang dulo. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang eksaktong ratio na makikita sa byssus ng tahong—80 porsiyento na matigas at 20 porsiyento na malambot—ay napakahalaga para makakapit ito nang napakahigpit. Dahil dito, nakakayanan ng byssus ang malalakas na hampas ng alon sa iba’t ibang direksiyon.

Sinabi ng propesor na si Guy Genin na “napakaganda” ng resulta ng pag-aaral na ito. Idinagdag pa niya: “Ang kahanga-hanga sa organismong ito ay ang mahusay na kombinasyon ng malambot at matigas na bahagi nito.” Naniniwala ang mga siyentipiko na ang disenyo ng mga hiblang byssus ay magagamit sa iba’t ibang paraan, gaya ng pagkakabit ng kasangkapan sa isang gusali at sa sasakyang ginagamit sa ilalim ng dagat, pagdidikit ng litid sa buto, at pagsasara ng hiwa sa operasyon. “Napakayaman ng kalikasan pagdating sa pamamaraan ng pagdidikit,” ang sabi ni J. Herbert Waite, isang propesor sa University of California sa Santa Barbara, U.S.A.

Ano sa palagay mo? Ang byssus ba ng tahong sa dagat ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?