Ang Pambihirang Clown Fish
IILANG isda lang ang nakakatawag-pansin na gaya ng clown fish. Siguro nagugustuhan natin ang isdang ito dahil sa kulay nito, na gaya ng suot ng isang payaso sa circus. O baka namangha tayo nang malaman natin kung saan ito nakatira—sa nakalalasong mga galamay ng isang sea anemone. Hindi nga nakapagtatakang tawagin ang clown fish na anemonefish.
Gaya ng mga artista sa Hollywood, hindi nahihiya sa harap ng kamera ang mga clown fish. Dahil bihirang lumayo sa kanilang tirahan at hindi mailap, karaniwan nang handang “mag-pose” ang mga clown fish sa harap ng mga maninisid at naka-snorkel na kumukuha ng litrato.
Ang talagang pambihira sa clown fish ay ang napili nitong tirahan, na sa unang tingin ay parang mapanganib. Ang paninirahan sa nakalalasong mga galamay ng anemone ay parang pagtira sa lungga ng mga ahas. Pero hindi mo mapaghihiwalay ang clown fish at ang anemone. Paano naging posible ang magandang samahang ito?
‘HINDI AKO MABUBUHAY NANG WALA KA’
Gaya sa isang magandang samahan, ang clown fish at ang anemone ay nagbibigayan.
Para sa clown fish, napakahalaga ng samahang ito—buhay nito ang nakataya. Napatunayan ng mga marine biologist na hindi mabubuhay ang clown fish kung walang anemone na matitirhan. Hindi sila mahusay lumangoy at mahahantad sila sa mga gutóm na maninila kung wala ang proteksiyon ng anemone. Pero dahil may anemone na matatakbuhan ang clown fish kapag nanganganib ito, maaaring tumagal ang buhay nito nang hanggang 10 taon.Ang anemone ay isang ligtas na tirahan at lugar para magparami. Sa pinakasahig ng anemone nangingitlog ang clown fish, at dito maingat na binabantayan ng mga magulang ang mga itlog. Di-magtatagal, makikitang lumalangoy ang mga ito kasama ang maliliit na anak sa anemone ring iyon.
Ano naman ang pakinabang ng anemone sa clown fish? Ang clown fish ay nagsisilbing bodyguard, na nagtataboy sa butterfly fish na kumakain ng mga galamay ng anemone. Sinasabing may isang uri ng anemone na talagang hindi mabubuhay nang walang nakatirang clown fish. Nang alisin ng mga mananaliksik ang clown fish, nawala ang mga anemone sa loob lang ng 24 na oras. Maliwanag na kinain ito ng mga butterfly fish.
Posible ring may iba pang naibibigay ang clown fish sa anemone. Ang ammonium na lumalabas sa clown fish ay nakakatulong sa mabilis na paglaki ng anemone. At habang lumalangoy ang clown fish sa mga galamay ng anemone, nakakatulong ito sa pagdaloy ng tubig na mayaman sa oksiheno.
LUMALANGOY SA LUGAR NA KINATATAKUTAN NG IBA
Ang proteksiyon ng clown fish ay nasa balat nito. Mayroon itong malapot na likido sa balat na nagsisilbing proteksiyon sa lason ng anemone. Dahil sa kemikal na ito, waring iniisip ng anemone na ang clown fish ay isang anemone rin. Sinabi ng isang marine biologist na ang clown fish ay “isang isda na nagkukunwaring anemone.”
Ipinakikita ng ilang pag-aaral na kapag pumipili ng bagong tirahan ang isang clown fish, sumasailalim ito sa isang proseso. Naobserbahan na kapag ang clown fish ay lumapit sa unang pagkakataon sa isang anemone, pabalik-balik itong lalangoy at dumirikit sa anemone sa loob ng ilang oras. Malamang na dahil sa prosesong ito, naibabagay ng clown fish ang inilalabas nitong likido na magsisilbing proteksiyon mula sa lason ng isang partikular na anemone. Posibleng nasasaktan ang clown fish sa prosesong ito. Pero pagkatapos, magkasundo na ang dalawa.
Ang samahang ito ng dalawang magkaibang uri ng nilalang ay isang magandang halimbawa ng pagtutulungan. Nagiging matagumpay ang mga pagsisikap ng tao kapag nagtutulungan at nagbibigayan, anuman ang kultura o bansang pinagmulan. Gaya ng clown fish, baka kailangan ng kaunting panahon para makibagay sa ating mga katrabaho, pero sulit kung gagawin natin ito.