TAMPOK NA PAKSA
Iwas-Sakit—Paano?
Araw-araw, nakikipaglaban ang katawan mo sa tahimik at di-nakikitang mga kaaway. Ang mga ito, gaya ng baktirya, virus, at parasito, ay banta sa kalusugan mo at nakamamatay. * Malamang na hindi mo napapansin ang labanang ito dahil madalas na nasusugpo ng immune system mo ang mga kaaway bago pa magsimula ang mga sintomas. Pero minsan, natatalo ng mapaminsalang mga organismo ang immune system mo. Kapag nangyari iyan, kailangan mong palakasin ang iyong depensa sa pamamagitan ng gamot at ibang pang panggagamot.
Sa loob ng libo-libong taon, halos walang alam ang mga tao sa panganib ng pagkaliit-liit at mapaminsalang mga organismo. Pero noong ika-19 na siglo, nakumpirma ng mga siyentipiko ang kaugnayan ng mikrobyo sa sakit, kaya mas napoprotektahan na natin ang ating sarili. Malaki na ang nagawa ng mga mananaliksik sa medisina para masugpo o mabawasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit, gaya ng bulutong at polio. Pero kamakailan lang, kumakalat uli ang ilang sakit na gaya ng yellow fever at dengue. Bakit? Pag-isipan ang ilang dahilan:
-
Milyon-milyon ang bumibiyahe sa iba’t ibang panig ng daigdig taon-taon, at kadalasan nang may dala silang mikrobyo na nagdudulot ng sakit. Ayon sa isang artikulo sa magasing Clinical Infectious Diseases, “halos lahat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit” ay naikakalat ng mga taong bumibiyahe sa iba’t ibang bansa.
-
May mga baktiryang hindi na tinatablan ng antibiyotiko. Ayon sa World Health Organization, darating ang panahon na mawawalan na ng bisa ang mga antibiyotiko, anupat maraming karaniwang impeksiyon ang muling papatay ng mga tao.
-
Ang kahirapan at mga kaguluhan ay madalas na nakahahadlang sa pagsisikap ng mga gobyerno na kontrolin ang pagkalat ng sakit.
-
Maraming tao ang walang sapat na kaalaman kung paano makaiiwas sa sakit.
Pero may magagawa ka pa rin para maprotektahan ang iyong sarili at ang pamilya mo. Makikita sa susunod na artikulo na kahit nakatira ka sa papaunlad na bansa, may simple at epektibong pamamaraan para maiwasan ang sakit.
^ par. 3 Karamihan sa mikrobyo ay hindi nagdudulot ng sakit. Tatalakayin sa artikulong ito ang mga mikroorganismo at iba pang bagay na banta sa kalusugan mo.