Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Magpapakita ng Respeto

Kung Paano Magpapakita ng Respeto

ANG HAMON

Ang sabi ng mister: “Noong bagong kasal kami, magkaiba ang pananaw naming mag-asawa sa pagpapakita ng respeto. Hindi naman sa tama ako, at mali siya—magkaiba lang talaga. Pakiramdam ko noon, hindi ako gaanong nirerespeto ng asawa ko sa tuwing nag-uusap kami.”

Ang sabi ng misis: “Sa kulturang kinalakhan ko, normal lang na magsalita nang malakas, sobra ang ekspresyon ng mukha, at sumabat kapag may nagsasalita. Hindi iyon kawalang-galang. Pero ibang-iba iyon sa kinalakhan ng asawa ko.”

Napakahalaga ng respeto sa mag-asawa. Paano mo maipakikitang nirerespeto mo ang iyong asawa?

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Mas kailangan ng mga lalaki ang respeto. Sinasabi ng Bibliya sa mga asawang lalaki: “Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.” Pero sinasabi rin nito: “Ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Kailangang madama ng bawat isa sa mag-asawa na minamahal sila at nirerespeto, pero ang mga lalaki ang mas nangangailangan ng respeto. “Kailangan ng mga lalaki na madamang kontrolado nila ang sitwasyon, naaayos nila ang mga problema, at naaalagaan nila ang kanilang pamilya,” ang sabi ng may-asawang si Carlos. * Kapag nadama ng asawang lalaki na nirerespeto siya ng kaniyang asawa dahil sa nagagawa niya, pareho silang nakikinabang. “Nadarama ko na mas minamahal ako ng mister ko dahil nirerespeto ko siya,” ang sabi ni Corrine.

Siyempre, kailangan din ng mga asawang babae ang respeto. Totoo iyan, dahil hindi masasabing mahal ng lalaki ang kaniyang asawa kung hindi niya ito nirerespeto. “Kailangan kong respetuhin ang opinyon at mungkahi ng misis ko,” ang sabi ni Daniel. “Kailangan ko ring respetuhin ang damdamin niya. Kapag hindi ko naiintindihan kung bakit ganoon ang nadarama niya, hindi ibig sabihin no’n na puwede ko na itong bale-walain.”

Iba-iba ang pananaw sa pagpapakita ng respeto. Pagdating sa respeto, ang isyu ay hindi kung nagpapakita ka ng respeto, kundi kung nadarama ng asawa mo na nirerespeto mo siya. Ito ang natutuhan ng asawang babaeng binanggit sa uluhang “Ang Hamon.” “Kahit na sa tingin ko ay nirerespeto ko ang aking asawa, kung hindi naman iyon ang nadarama niya, ako ang kailangang mag-adjust.”

ANG PUWEDE MONG GAWIN

  • Maglista ng tatlong bagay na hinahangaan mo sa iyong asawa. Makatutulong ang mga iyon para patuloy kang makapagpakita ng respeto sa kaniya.

  • Sa loob ng isang linggo, i-monitor kung ano ang nagagawa mo (hindi ng asawa mo) pagdating sa sumusunod na aspekto.

Ang pananalita mo. Ipinakikita ng isang pag-aaral na “kapag pinag-uusapan ang problema, ang mga mag-asawang matibay at masaya ang pagsasama ay may nasasabing limang papuri kada isang pintas samantalang ang mga mag-asawang may tendensiyang magdiborsiyo ay halos walang nasasabing papuri kada isang pintas.” *Simulain sa Bibliya: Kawikaan 12:18.

Tanungin ang sarili: ‘Magalang ba ako sa pakikipag-usap sa aking asawa? Mas madalas ko ba siyang pintasan kaysa sa papurihan? Kumusta ang tono ng boses ko kapag may gusto akong sabihin o may reklamo ako?’ Sasang-ayon kaya ang iyong asawa sa mga sagot mo?—Simulain sa Bibliya: Colosas 3:13.

Subukan ito: Gawing tunguhing magbigay ng papuri sa asawa mo nang kahit isang beses lang sa isang araw. Mungkahi: Tingnan uli ang listahan ng mga bagay na hinahangaan mo sa kaniya. Gawing kaugalian na sabihin sa iyong asawa ang hinahangaan mo sa kaniya.—Simulain sa Bibliya: 1 Corinto 8:1.

Ang mga ikinikilos mo. Sinabi ng may-asawang si Alicia: “Maraming oras ang nauubos ko sa gawaing-bahay, kaya kapag nakikita kong inililigpit ng asawa ko ang mga gamit niya o kapag naghuhugas siya ng pinggan, nadarama kong pinahahalagahan niya ang mga pagsisikap ko at nirerespeto niya ako.”

Tanungin ang sarili: ‘Kitang-kita ba sa paraan ng pakikitungo ko sa aking asawa na nirerespeto ko siya? Naglalaan ba ako sa kaniya ng sapat na panahon at atensiyon?’ Sasang-ayon kaya ang iyong asawa sa mga sagot mo?

Subukan ito: Maglista ng tatlong paraan kung paano mo gustong pagpakitaan ka ng respeto. Hilingan ang iyong asawa na gawin din iyon. Pagkatapos, magpalitan kayo ng listahan para magawa ninyong pareho ang isinulat ng bawat isa. Magtuon ng pansin sa mga kailangan mong pasulungin. Kapag ginawa mo ang kinakailangang mga pagbabago, malamang na tutularan ka niya.

^ par. 8 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ par. 14 Mula sa aklat na Ten Lessons to Transform Your Marriage.